Anda di halaman 1dari 2

Ang Kanyang Nilalang

Wagas. Daglit. Malalim. Mababaw.


Engrande. Payak. Masarap. Masaklap.

Naupo si Juan sa isang tabi. Madilim. Tigib ng kalungkutan ang paligid. Natakot siya. Nagtaka.
Nagimbal sa kung ano mang simuno ng kanyang kaduwagan. Nang sa pagmalabis ng takot niyang ito,
sa pag-abot nito sa kanyang kaluluwa, biglang lumiwanag. Nagbuga ng nakabubulag na liwanag ang
kanyang puso. Mabilis, kumakaripas, dumadagundong. Tila ba’y may kung ano na gusto kumawala sa
kaibuturan ng kanyang puso. Nagpupumiglas, nagsusumigaw, poot na poot sa pagkakapiit nito. Muling
lumiwanag, nagniningning. Sa sobrang pagkasilaw ay ipinikit ni Juan ang kanyang mga mata. Iniangat
niya nang marahan ang kanyang mga talukap at inihanda ang sarili sa bagong mundong nagbabadyang
gumulantang sa kanya.

Mula sa pagkakaupo, marahang itinukod ni Juan ang kanyang mga binti. Inilibot ang mata at
masusing sinuri ang kanyang kapaligiran. Tumakbo. Tumakas papalayo sa kadiliman kinasasadlakan.
Tumakas patungo sa lagusang taglay ang liwanag na hangad ng kanyang budhi. Lumabas siya. Unti-
unting inihakbang ang mga paa sa damuhang nilukuban ng liwanag. Sa pagtama ng nakasusulasok na
liwanag sa kapatagan ng kanyang mukha, naaninag niya ang imahe ng sarili. Pinagmasdan niya ito
nang panandalian at dali-daling iniwas ang paningin mula sa halimaw na nakatitig sa kanya. Hindi niya
kailanman naibigan ang kanyang hitsura. Sa tuwing tatangkain niyang titigan ito at hanapan ng kahit
kakaunting pagsungaw ng dalisay, binibigo niya lamang ang kanyang sarili. Kahit ang mga kababata
niya, maging ang kanyang sariling ina ay kinukutya ang kakulangan niya sa panlabas na kaanyuan.
Lumaki siya na akay-akay ang paniniwalang walang sinuman ang makauunawa sa kanya. Na nilikha
siya ng Diyos mula sa latak na masa ng luwad. Pilit binuo at hinubog nang walang tiyak na hugis upang
mapunan lamang ang espasyong kanyang kinaroroonan. Hindi upang maging kaaya-aya sa malapitan
kundi upang magmukhang kakaiba sa malayuan.

Nagalit si Juan. Nagpuyos at nagngitngit ang galit sa Maykapal. Nagbato siya ng mga nag-aapoy
na katanungan. Mga katanungan batid niyang siya lamang ang nakaaalam ng mga kasagutan. At sa
adyang pagnagana ng galit niyang ito, muling nagdilim ang kanyang mundo.

Makasarili. Mapagkunwari.
Mapanlilang. Nakakalalasong kasalanan.

Upang maiwasang masaktan at masira ang katinuan ng sarili, napilitan siyang tabingan ang
mukha ng maskara. Isang uri ng kasinungalingang magkukubli ng lahat ng pinakaiingatan niyang
lihim. Isang mukha sa ihaharap niya sa madla at hahangaan nila nang lubos. Hindi aalipustahin at hindi
hahamakin.

Hindi pa man niya naisasakatuparan ang mga ilusyon, agad itong pinabulaanan ng katotohanan.

Mula sa kalaliman ng dilim, lumiwanag ang kanyang puso. Inihayag ang kaaya-ayang liwanag
at nagmantsa ng kislap sa bawat sulok ng lugar. Malayo ang narating ng mga sinag nito. Lumawak nang
lumawak hanggang sa matunton nito ang isang nilalang. Isang nilalang na kahit sa dilim ay
kababanaagan ng kariktan. Nagalak si Juan at dumaloy nang magmuli ang dugo sa kanyang mga ugat.
Limang yabag ang humamon sa kanyang pandi0nig. Marahang uri ng mga yabag. Muli, lima.
Naging apat, tatlo, dalawa, isa. Huminto. Naamoy niya ang hiningang hangin ng magandang nilalang.
Biglang may humaplos sa kanyang puso. Dahan-dahan itong hinaplos at tuluyang hinagkan. Nalusaw
ang maskara. Natibag ang dingding na namamagitan sa kanilang dalawa. Muling hinaplos ng nilalang
ang kanyang puso at pinawi ang mga luhang namumugto sa mga gilid nito. Sumaya, nagalak,
nagdiwang. Sumabog at nagpamalas ng sari-saring kulay na kumalat papaitaas. Lumipad pahimpapawid
ang kanilang mga pusong nagsasayawan. Nagkaroon ng katuwang ang kanyang nag-iisang damdamin.
Masaya. Nakatutuwang pagmasdan ang dalawang pusong nagpupugay sa saliw ng awitin sa bibig ng
hangin. Mga awiting banyaga sa kanyang pandinig. Mga awiting nagpabuti sa kanyang pakiramdam.
Mga awitin ng pag-ibig.

Tuluyang nilamon ng pag-ibig ang buong kapaligiran at ang kanyang katauhan.


Hindi na muling nagdilim pa.

Umibig siya, nasaktan at muli na namang iibig. Paulit-ulit lamang; pasirko-sirko. Tilang isang
gulong na pinaglalaruan lamang ng tadhana. Hindi matatapos hangga’t hindi natatapos ang pagsilang at
paglubog ng araw.

Samakatuwid, walang hangganan.