Takbo! Tumakbo siya nang tumakbo tungo sa kawalan. Pinakiramdaman niya
ang paligid. Alam niyang may sumusunod sa kanya. Alam niyang may nagmamatyag sa kanya. Tumanggi lamang na lumantad. Upang ano? Takutin siya? O turuan siya ng leksyon? Mahina ang kanyang loob ngunit matalas ang tilamsik ng kanyang isipan. Alam niyang dala lamang iyon ng kanyang malikot na guni-guni. Dali-dali siyang pumasok sa isang silid. Sumungaw ang liwanag na tila ba’y sumilay ang araw sa kalagitnaan ng gabi. Ngunit mali. Mali ang kanyang hinala sapagkat artipisyal lamang ang liwanag na iyon. Nagmumula sa tubong kapag iyong tinitigan nang matagal ay magngingitngit ang mga ugat sa iyong mga mata. Di na niya alintana ang mga bagay na ito. Inihakbang niyang magmuli ang kanyang mga paa. Kaliwa sa harap ng kanan. Ang kanan sa harap ng kaliwa. Patungo sa isa na namang napakadilim na bahagi ng mundo. Di niya mawari kung bakit ganoon na lamang ang pagnanais niyang makita ang liwanag. Ang sabuyan ng liwanag ang paligid at matunghayan ang namumuhay na kung ano sa dilim. Idiniin niya ang kanyang hintuturo sa rektanggulong buton at sa isang kisapmata’y lumiwanag ang lahat. Bahagya siyang napaatras sa pag-aakalang may biglang lilitaw mula sa madilim na lugar patungo sa kanyang kinatatayuan, gugulat sa kanya at tatapos lahat ng kanyang pangamba. Ngunit nabigo siya nang wala siyang natagpuang kakaiba. Tanging ang mga sira-sira at gulagulanit na kasangkapan lamang na kababanaagan ng paglipas ng mahabang panahon, tahimik na nahihimlay sa pulu-pulutong ng kahoy na masusing nakalatag upang magsilbing lakaran. Sa pag-aakalang ligtas na siya sa anumang panganib, inilakad niyang muli ang kanyang mga paa. Ngunit hindi tulad ng dati na mabilis at matuling gaya ng hangin. Sinikap niyang tumingkayad gamit ang namamagang hinlalaki sa parehong paa at naglakad na marahang-marahan. Nang matunton na niya ang nais niyang kalagyan, huminto siya, nakiramdam, dahan-dahang huminga ng masangsang na hangin at unti-unting inilapag ang hubad na talampakan sa kahoy na sahig. Di pa man siya lubusang nakalalapit ay may tumadyak na sa kanya. TADYAK! Tadyak! Sabay banggit nito ng mga masasakit na salitang lumason sa kanyang isipan. TADYAK! Tadyak! Hanggang sa manghina nang tuluyan ang bubot niyang katawan. TADYAK! Tadyak! Ito lamang ang sinapit niya matapos niyang lagpasan ang iniilagang dilim, matapos niyang ipatay-bukas ang artipisyal na liwanang, matapos niyang sikaping tumingkayad upang huwag magising ang mga bagay na nagtatago sa dilim. Tanggap na niya ang kanyang kapalaran. Na sa kahit ano pa mang pagpapaliwanag sa sarili ang kanyang gawin ay wala na itong magagawa upang maibsan o mabawasan man lang ang kirot na nararamdaman. Nilisan niya ang lugar at nilayuan ang malupit na nasa dilim bago pa man nito masira ang natitirang bahagi ng kanyang pagkatao. Tumungo siya sa masikip na pasilyo at sinubukang makalimot sa lahat ng naganap. Ngunit sa tuwing tatangkain siyang ibaon sa pinakailalim ng kanyang pagkatao ang pangyayari ay mas lalo lamang itong lumiliyab at nagpupumiglas na kumawala. Hindi niya magawang pigilan na masuka – isuka ang lahat ng pagmamahal ng ibinigay nito sa kanya. Mas pinili niya na lamang na mapag-isa. Iwan ang dimensyong araw-araw na magpapaalala sa kanya ng mapait na karanasang iyon. Ang dimensyong puno na kasinugalingan at pagkukunwari. Ang dimensyong lulan ang itim na tintang patuloy na guguhit ng kapalaran hindi tugma sa kanyang kagustuhan. Sa isang nakaw na sandali, nakaramdam siya ng matinding galit at poot. Ang dalawang bagay na patuloy na nagpahina sa lamya niyang katawan. Gusto niyang sumuko. Ipikit ang kambal na mata at ikubli sa ilalim ng mga talukap nito. Nais niyang tumakas patungo sa lugar kung saan walang makapananakit sa kanya. Isang lugar kung saan maiintindihan ng lahat ang sarili niya. Isang lugar na pagpapahalagahan ang kanyang mga kalakasan at pupunan ang kanyang mga kakulangan. Hindi niya tiyak kung mayroon nga bang lugar na gaya niyon. At kung mayroon man, ano mga bagay handa niyang isakripisyo upang makarating sa inaasam niyang mundo? Hindi siya nababagabag sa mga posibleng hadlang. Isang bagay lamang ang batid niya, ang lugar na iyon ang gusto niyang puntahan. Sa lalong madaling panahon… Ano pa man ang maging kapalit nito… Tumungo na siya sa kanyang silid, binuksan ang hadlang na pinto, nahimlay sa matigas at malamig na kutson at itinalukbong ang manipis na kumot. Sa pagkabigo niyang magmuli, mahimbing na lamang niyang ipinagpasa-Diyos ang lahat ng sakit na nararamdaman. Ang durug-durog at pira-pirasong buto sa kanyang mga binti bunsod ng paulit- ulit sa pagtadyak at pagsipa. Ang durug-durog at pira-pirasong butil ng kanyang puso dulot ng paulit-ulit na paghampas at paghagupit ng mga nakalalasong salita. Tahimik niyang ipinikit ang dalawang mata at nahimbing nang wasak ang mga pangarap. Sa pagnanais na bukas, pagkagising niya, kung magigising pa man siya, ay may umaga pa siyang masisilayan. Dala ang mga piraso ng kanyang sarili- nakahanda, umaasa at naghihintay upang muling buuin.