Anda di halaman 1dari 6

ANG SISTEMA NG EDUKASYON SA PILIPINAS

Ang artikulo na ito ay tungkol sa sistema ng edukasyon sa Pilipinas – isang talumpati ng


awtor para sa Southern Luzon Education Conference sa Los Baños, Laguna noong
nakaraang Enero 29. Ang kumperensya ay inisponsor ng Anak ng Bayan party list at ng
College Editors Guild of the Philippines (CEGP) Southern Luzon.

NI DR. EDBERTO M. VILLEGAS


Bulatlat.com

Ang sistemang edukasyon ng Pilipinas ay gingagamit lamang bilang instrumento ng


estado sa paghubog ng kamalayan at kakayahan ng mga kabataang Pilipino upang sila
ay manilbihan para sa iilang naghaharing uri sa ating lipunan at palaganapin ang mga
kaugalian at pamaraan ng pamumuhay ng mga uring ito. Ang namamayaning uri sa
Pilipinas, ang komprador na burgesya at panginoong may-lupa ay pangunahing
tinatangkilik ang interes ng kanilang padrono, ang imperyalistang Estados Unidos. Sa
kontekstong ito natin mauunawan lamang ang kalikasan ng edukasyon na
pinapairal ng gobyerno sa ating lipunan.

Ang Edukasyon ay Instrumento ng Uri na Hawak ang Estado

Dahil ang edukasyon ay isa lamang instrumento ng ating estado na kontrolado ng


imperyalistang EU at dahil ang pinakamahalagang instrumento ng pananatili ng
kasalukuyang sistema ay ang paggamit ng dahas laban sa lumalaking rebelyon sa
kanayunan, ang edukasyon ay binibigyan ng mas maliit na prayoridad sa badyet ng
gobyerno kung ikukumpara sa militar. Ngunit, higit sa lahat, ang nangunguna sa
badyet ng gobyerno ay ang pagbayad nito ng utang panlabas sa mga dahuyang
institusyon, kagaya ng IMF-WB at sa mga bangko ng imperyalismong EU at kanyang
mga kapitalistang kaalyado. Habang tumatakbo ang panahon, bumababa ang paglaan ng
badyet sa edukasyon, samantalang ang pagbayad naman sa utang panlabas at pondo
para sa militar ay tumataas.

May batas na ginawa pa noong panahon ni Marcos, ang PD 1177, na naglalaan ng


prayoridad sa pagbayad sa utang panlabas ng Pilipinas na kasalukuyan ay umaabot na
ng 58 bilyong dolyar (may balak pa ang rehimen ni Macapagal Arroyo na umutang ng
panibago sa halaga ng $500 milyun ). Halimbawa sa ginawang badyet sa taong 2004, sa
kabuuang P861 bilyong, P271.5 bilyon o 31.4% ang nireserba sa pambayad ng utang ng
Pilipinas. Taon-taon lumalaki ang tinatakdang pambayad ng utang panlabas ng Pilipinas;
sa taong 2003 ito ay lumubo ng dagdag pa ng P58 bilyon.

Hambingin naman ang badyet para sa militar na tumaas mula sa P42.5 bilyun noong
2003 tungo sa P45 bilyun sa 2004 laban sa badyet sa lahat ng state colleges at
universities (SCUs) na P15.68 bilyun lamang para sa taong 2004. Para sa PNP naman
ang badyet sa taong 2004 ay P33 bilyun. Kaya daw tinataasan ang badyet sa pagamit ng
dahas ay para kalabanin ang mga “terorista” sa Pilpinas sa sugo ni Uncle Sam. Sa
kabuuan, ang porsiyento ng badyet ng Department of Defense sa 2004 ay 5.21%,
kalusugan (1.5%), pabahay (0.3%) at edukasyon (kasama na ang para sa elementarya at
sekundaryang baytang, kung saan mayroon tayong milyun-milyong estudyante ) ay
15.4%. (Mula sa Badyet ng Pamahalaan para sa Taong 2004 at manipesto ng Anak
Bayan Youth Party at iba pa, Dec. 10, 2003)

Ang Kalunos-lunos na Kalagayan ng mga Estudyante at Gurong Pilipino


Dahil sa palagay ng imperyalismo EU sa kanyang direktang pagsusuperbisa sa
sistemang eduskasyon ng Pilipinas sa pamamagitan ng WB na ang mga paaralan ng
estado ay mahigpit na hawak na niya, bale wala dito ang kapakanan ng mga
estudyante at mga gurong Pilipino. Ganito din ang paninindigan ng estado ng Pilipinas
hinggil sa katayuan ng mga mag-aaral at guro ng bayan. Ang interes lamang ng estado
sa edukasyon sa Pilipinas ay gumawa ng mga kurikulum na palalaganapin ang
tubo ng mga imperyalistang TNC at kanyang mga kakamping Pilipino. Kaya, bahala
nang maghigpit ng sentoron ang mga guro at magsiksikan ang mga estudyante sa mga
klasrom. Kalunos-lunos ang kalagayan ng mga estudyante at guro sa mga pambublikong
paaralan. Batay mismo sa estadistika ng gobyerno, may kakulangan ng 49, 000 na
klasrom at may 2,381, 943 na mga desks/armchairs sa ating mga paaralan. Ang ratio ng
bilang ng libro sa mga estudyante ay 0.33 sa mga pampublikong paaralang pang-
elementarya at 0.6 sa hayskul. Kaya ang kalidad ng edukasyon ay pababa ng pababa.
Halimbawa, sa 1999 Third International Math and Science Study, ang Pilipinas ay
pumuesto ng 36th sa kabuuang 38 na bansang sumali.

Nananatili din ang kababaan ng sahod ng mga 500,000 guro sa elementarya at


sekundaryong paaralang pambuliko mula P4,000 hanggang P6,000 bawat buwan (sa
karaniwan) na take-home pay pagkatapos ng mga deductions at bayad sa utang. (Datos
ng Alliance of Concerned Teachers) Kaya di kataka-taka libo-libong guro ang nabibiktima
ng mga utangang 5-6 at nagsasyadline bilang mga tindera ng mga kendi, siopao, at iba
pa sa kanilang mga paaralan.

Ang Pakikialam ng Imperayalismong EU sa Programa at Kurikulum sa Edukasyon


ng Pilipinas

Mula pa noong panahon ni Marcos, ang WB ay nagdidikta na ng mga programa at


kurikulum sa mga paaralan ng Pilipinas, tulad ng Philippine Commission to Survey
Philippine Education (PCSPE) ni Marcos noong 1972, ang Education Act of 1982, ang
Education Commission ni Cory Aquino, ang Education 2000 ni Ramos at ang
Presidential Commission on Education Reforms (PCER) at Higher Education
Modernization Act (HEMA, 1998) ni Estrada at ni Macapagal-Arroyo. Ang lahat ng mga
programang ito ay naglalayun upang lumikha ng mga estudyanteng Pilipino na may
mahusay na kakayahan na kailangan ng negosyo ng imperyalismo at mahubog ang
kamalayan ng mga kabataan upang mahalin ang kultura ng imperyalismo.
Pinagtitipid din ng IMF-WB ang gobyerno ng pondo na sana’y ilalaan para sa edukasyon
upang makabayad ang huli ng kanyang utang panlabas. Nagaalala ang imperyalsimo na
sa laki ng kasalukuyang depisito ng Pilipinas na umaabot na sa P220 bilyun na dulot din
ng pagbayad sa utang panlabas at pangungurakot ng mga opisyal ng pamahalaan na
baka mag-default ang Pilipinas sa pagbayad sa utang panlabas. Kaya sa PCER ni
Estrada at Macapagal-Arroyo, tinutulak ng IMF na bigyan ng fiscal autonomy ang mga
paaralan ng pamahalaan upang humanap ang mga ito ng mga paraang makakalap ng
sariling pondo. Pinapairal din ang dahan-dahang pribatisasyong ng mga SCUs. Ang
PCER ay lalong pinapalala ang komersyaslisasyon ng mga paraalang publiko dahil
pinapayagan na ang mga paaralang ito lalo na ang mga SCUs na magtaas ng tuition at
mag-tie-up sa bisnes. Bahagi din ng PCER ang paghintulot sa mga dayuhan na magtayo
ng mga paaralan sa ating bansa.

Ang Estratehiya ng Imperyalismo sa Pribatisasyon ng Edukasyon

Ang pribatsisasyon ng edukasyon sa Pililpinas ay bahagi lamang ng


pandaigdiganng estratehiya ng WTO at WB upang papasukin ang mga TNCs sa
Information Technology (mga computer company) sa larangan ng edukasyon
pampubliko. Tinuturing ng WTO, isang institusyong hawak ng mga kapitalistang
korporasyon, na ang larangan ng edukasyon ay isang mayamang mina na hindi pa
nabubungkal para pagtubuan kagaya na ibang larangan sa serbisyo na matagal nang
ginagatasan ng mga TNCs, halimbawa sa pangbabangko at mga restoran at fast food. Sa
pinapairal na General Agreement on Trade and Services (GATS) ng WTO ay kasama
ang serbisyong edukasyon sa mga serbisyo na tinatarget ng mga TNCs. Ang isang
nangungunang lobbyist sa mga pulong ng WTO tungkol sa GATS na inumpisahan noong
Pebrero 2000 sa Geneva ay ang tinatawag na Global Allance for Transnational
Education na pinapamunuan ni Gleen R. Jones, CEO ng virtual university Jones
International Inc. Nais ng WTO na gawing market-based ang education sa kolehiyo at
alisin ang mga state-funding. Ang prinsipyong free universal education na nakasaad sa
Article 13 ng UN International Covenant on Economic, Social and Cultural Rights ay
binabangga ng GATS at World Bank.

Ang WB ay nagtatag din ng Alliance for Global Learning na nagiispesialize sa


tinatawag na e-learning na ginagamit ang computer. Ang Alliance na ito ay pinoponduhan
ang mga IT rooms, nagsasanay ng mga guro at umuugnay sa mga gobyerno ng mga
bansa upang gumawa ng mga intervention program. Ang mga isponsor ng mga ganitong
programa ay mga malalaking bangko tulad ng JP Morgan at Goldman Sachs, ang
consultancy firm Ernst & Young at mga TNCs sa IT kagaya ng Sun Microsystem at 3
Com. Nakikita kasi ng mga TNCs lalo na yung mga nasa IT na ang edukasyon sa daigdig,
sa partikular sa kolehiyo at sa adult education, ay isang malaking bagong industriya na
maaaring pasukin. Ang kabuuang gastos sa edukasyon sa daigdig ay 2 trilyon dolyar o
1/20th ng GDP ng mundo. Sabi nga ni Gleen R. Jones: “Education is one of the fastest-
growing of all markets. Private training and the adult education industry are expected to
achieve double-digit growth throughout the next decade.” (Internet) Ngunit, ang
pandaigdigan estratehiya ng imperyalismo, sa partikular ng EU, na sa kasalukuyan ay
nababalot sa krisis ng sobrang-produksyon, na pagtubuan pati ang larangan ng
edukasyon ay maghigpit na tinutulan ng mga estudyante at mga guro sa Europa sa
pamumuno ng National Union of Students in Europe (ESIB) at ng mga guro sa kanilang
organisasyon, ang European University Association (EUA).

Ang Millennium Curriculum o Curriculum 2002 ng Departement of Education

Sa paggawa ng kurikulum para sa mga paaralan ng Pilipinas, ang imperyalismo ay


aktibong nanghihimasok, mula pa noong pagpondo ng WB sa panahon ng martial law
sa pagsulat ng mga textbook na tinatangkilik ang pagsisilbi ng mga kabataang Pilipino
para sa negosyo ng mga kapitalista (ang programang EDPITAF) hanggang sa
kasalukuyan sa pagpapairal ng tinatawag ng DepEd na Millennium Curriculum o ang
Curriculum 2002 para sa elementarya at sekondaryang baytang. Sa ilalim ng Millennium
Curriculum, inaalis ang mga asignatura na may kaugnayan sa pagtuturo ng
kasaysayan at sibikong kamalayaan at iba pang panlipunang pagaaral, at
pinagsama-sama ang mga ito sa isa lamang asignatura na pinamagatang PAGSIKAP.
Kinolaps ang mga asignatura sa limang “core areas” ang English, Filipino, Math, Science
at Pag-Sikap. Pinahaba ang oras ng pagtuturo ng English at Math at ginawa muli ang
English bilang midyum ng pagtuturo. Ang mga pagbabago na ito sa kurikulum para sa
elementarya at haiskul mula Grade 1 to 10 ay batay sa isang pag-aaral na ginawa ng
WB-ADB na pinamagatang “Philippine Education for the 21st Century: The 1998
Philippine Education Sector Study” o (PESS). Pinayo ng PESS ang “streamlining” ng
Philippine education at pagkukulaps ng mga asignatura lalo na yung may kaugnayan sa
pagbibigay ng panlipunang kamalayan sa mga estudyante. Ang pakay kasi ng WB at
kanyang alalay na ADB ay upang makatipid ang Pililpinas sa badyet sa edukasyon, at
siyempre upang makabayad ng utang panlabas. Kasabay din nito ang pagbuwag sa
mga asignatura na di kailangan ng bisnis ng imperyalismo at natuturuan pa ang
mga kabataan na magkaroon ng kamalayang panlipunan at kritikal na pagiisip. Sa
bagong kurikulum, nanganganib ang kabuhayan ng maraming guro na matatanggal
dahil ang kanilang mga asignatura ay di na kailangan, sa partikular yung mga nagtuturo
ng panlipunang aralin. Ngunit ang papel ng ating mga paaralan bilang mga tagalikha
ng mga gradweyt ng mahusay sa kakayahan na kailangan ng negosyo ng mga
malalaking korporasyon, kagaya ng mga call center, tiga-silbi sa fast food,
salesman, mekaniko at iba pa, ay nagreresulta sa sobrang lakas paggawa sa ating
lipunan. Dumarami ang bilang ng mga taong di-makahanap ng trabaho na mga bagong
gradwado taon-taon sapagkat lumalaki ang sobrang pwersa sa gawa, na nadadagdagan
ng mga 750,000 katao bawat taon. Sa kasalukuyan, ang bilang ng walang trabaho sa
ating lipunan ay 13% ng kabuuang lakas paggawa ng bayan (ayun mismo sa estadistika
ng gobyerno), pinakamataas sa buong Asya.

Ayun din sa PESS: “The daunting medium-term challenge for Philippine education,
therefore, is how to preserve the quantitative gains of the past, improve equity and raise
quality – and to achieve all of these objectives during a period of limited or zero growth in
the public budgetary allocation to education as a whole.” (PESS, p. 11, italics dinagdag)
Ang ibig sabihin ng WB-ADB ay paano mapapairal ng gobyerno ng Pilipinas ang
mahusay na pagtutupad nito sa pagalaga sa interes ng imperyalismo sa harap ng
pagtitipid sa edukasyon. Ang sagot – ikulaps ang mga asignatura at tanggalin ang
mga guro na di kailangan ng bisnes ng mga TNCs. Batay sa ganitong layunin ang
PESS ay nagsaad:

“Given lower-cost labor in the People’s Republic of China and some other Asian
countries, and rising labor costs at home reinforced by minimum wage regulations, the
Philippines’ future comparative advantage lies not in unskilled-labor production, but rather
in low-end ‘high-tech’ areas, such as electronics manufacturing and tourist services,
requiring at least a secondary school education of reasonable quality.”(PESS, p.1)

Ipinapairal ng PESS ang teorya ng mga kapitalista na ang edukasyon ng isang bayan ay
iaayun sa “comparative advantage” nito sa mga kapitalistang bansa sa harap ng
kumpitesyon ng ibang bansa sa Pangatlong Daigdig. Kaya, kailangang gamitin ang
Curriculum 2002 upang makahubog ng mga manggagawa na semi-skilled at huwag na
ng mga unskilled dahil marami na nito ang ibang bansa kagaya ng Tsina. Ang mga semi-
skilled na manggagawa ay kailangan sa sektor ng serbisyo at marunong ng Inggles.

Ang Revised General Education ng Unibersidad ng Pilipinas (RGEP)

Gusto kong talakayin sa puntong ito ang pagbabago ng kurikulum sa aking paaralan, ang
Unibersidad ng Pilipinas, ang tinatawag na Revised General Education Program
(RGEP). Sa ilalim ng RGEP ay di na kinakilangan kunin ng lahat ng mga estudyante
sa UP ang mga asignatura tulad ng History 1 (History of the Philippines) at Social
Science II (Social and Political Thought). Pinapaubaya sa mga estudyante sa partikular
sa mga freshmen at sophomore ang pagpili kung anong asignatura sa GE ang kanilang
pag-aaralan. Siyempre, dahil ang mga estudyante natin ay produkto ng isang sistema sa
hayskul at elementarya (kasama dito ang mga pribadong paaralan), kung saan ang
pinapalaganap ay kultura ng kapitalismo, ang idibidualismo at liberalismo na
nakabatay sa pansariling interes, ang malamang kunin ng mga estudyante sa ilalim
ng RGEP ay mga asignaturang pagkakakitaan (kagaya ng mga computer course) o
di kaya madaling ipasa. Ang dating GE program ng UP na kinakailangang kunin ang
mga asignatura na nagpupukaw ng kamalayang nasyonalismo (History I) at nagtatalakay
sa iba’t-ibang teoryang panlipunan ay nahubog sa panahon na umigting ang
nasyonalismo sa UP lalo na noong First Quarter Storm. Ang dating GE na napanalunan
ng mga estudyante at guro sa mahabang pakikibaka upang gawing relebante ang
edukasyon sa UP ay binuwag na noong nakaraang taon (2003). Ang hangad namang
ipribatize ang UP sa impluwensa ng WT0 at WB ay nakalahad sa mga panukulang batas
na House Bill 455 at Senate Bill 2587 na nakahain ngayon sa Kongreso at mahigpit na
tinututulan ng mga estudyante at guro ng aking pamantasan. Noong nakaraang Oktubre,
nabugbog ng mga pulis at militar at naaresto ang mga estudyante at guro ng UP na nag-
rali laban sa dalawang panukalang batas na ito sa harap ng Senado.

Sa kasalukuyang kalagayan ng ating sistemang edukasyon na walang kasarinlan at


ginagamit lamang ng pamahalaan upang paunlarin ang interes ng mga
nagsasamantalang uri, ang tunay na emansipasyon ng mga kabataan sa mga ideya at
ugali na nilalako ng mga dayuhang impersyalista ay di kailan mangyayari. Ang mga ideya
at kakayahan na binibigyang-diin sa ating mga paaralan sa loob ng sistemang ito ay
lalong pinapaigting ang mala-kolonyal na katangian ng ating lipunan. Halimbawa, ang
mga teoryang nilalako ng mga asignatura sa economics sa ating mga paaralan tungkol sa
supply at demand analysis na nakabatay sa assumption “that all other things held
constant” o ang pananaw ng “ceteris paribus,” na siyang batayan ng Macroeconomics at
Miccroeconomics ng mga neo-classical economists, ay isang ideyalistang pamaaraan ng
pagaanalisa ng ekonomiya na pabor sa interes ng mga mayayaman, lalo na ng mga TNC.
Marami pang ganitong mga maling ideya na ikinakalat ng mga bayarang teorista ng mga
kapitalista sa ating mga paaralan, kagaya ng “relative autonomy of the state,” kung saan
nakuha ni Macapagal-Arroyo ang ideya niyang “strong republic,” ang mga ideya ng post-
modernismo na iniinganyo ang mga tao na asikasuhin na lamang ang kanilang sariling
kalayaan at huwag sumali sa anumang organisasyon, at iba pa pang teorya.. Ang mga
ideyang ito ay pinapalagnap ng mga direktang bayaran ng mga imeperyalista na mga
gurong Pilipino, lalo na sa School of Economics at Political Science Departments ng UP,
o ng mga guro na walang kamuang-muang na ang tinuturo pala nilang teorya ay ang mga
pabor sa mayayaman dahil wala naman silang natutunan sa ating paaralan kundi ang
mga teoyrang ito.

Ang Pangangailangan ng Isang Rebolusyong Kultural

Upang tunay na palayain ang kaisipan ng mga Pilipino sa mga maling kamalayan na
pinapalaganap ng mga kapitalista, nararapat pukawin muli ang diwa ng nasyonalismo sa
ating mga kabataan. Kailangan palaganapin ang maka-masa at siyentipikong
pamamaraan ng pagaaral ng ating kasaysayan at lipunan at itakwil ang mga teorya
na nagpapanggap na siyentipiko na kinakalat ng mga kapitalista kagaya ng ideyalistang
pananaw na “ceteris paribus” sa economics. Nararapat labanan din ng mga mulat na
kabataan ang mga bahid ng pyudalismo sa ating kultura, ang mga pamahiin at iba
pang atrasadong ideya na pinapalaganap ng mga relihiyon kung saan ang mga
lider nito ay kakampi din ng mga nagsasamantalang uri na nais kontrolin ang
masang Pilipino.

Maaring gawan ang isang rebolusyon kultura kung saan ang mga kabataan ay magiging
pangunahin at aktibong lalahok sa loob at labas ng mga paaralan. Nangangaliangang
makilahok ang mga kabataang na sinasandatahan ng magpalayang teorya ng dyalektikal
at istorikal materyalismo sa mga lugar kung saan naroroon ang batayang masa ng
Pililpinas, sa mga pagawaan at kanayunan. Ang katotohanan ng isang ideya ay
nalalaman lamang sa praktika, kaya kailangan lumabas ang mga estudylante sa
kanilang mga klasroom at makisalamuha sa mga organisasyon ng batayang uri, sa
mga teach-in, fora, simpo, rali at live-in. Sa loob naman ng mga kampus, mahalagang
hikayatin ang mga ibang estudyante na nagiging biktima ng mga maling ideya na sumali
sa mga organisasyon na naglalayun makamit ang isang lipunang Pilipino na nakabatay
sa adhikain ng nasyonalismo, na may maka-masa at kritikal na pagiisip. Maaari itong
matupad sa mga paaralan sa pamamagitan ng paghawak sa mga dyaryo ng mga
progresibong estudyante o pagkuha sa mga liderato sa konseho ng mga estudyante.

Ang rebolusyong kultural na ito ay maaaring maging bagong sigwa ng dekada na ito sa
hanay ng mga aktibistang kabataan. Ang rebolusyong kultural ay mabisang
kasangkapan upang mapabilis ang tagumpay ng kilusan ng mga mamayang
Pilipino upang makamtan ang isang may-kasarinlan at makatarugang lipunan. Ang
kasalukuyang panahon ng ating bansa, kung saaan milyun-milyung mga Pilipino ay
nawawalan na ng pagaasa sa umiiral na sistema, ay napakainam sa paglaganap ng
rebolusyong kultural na ito na sasabay sa pakikibaka ng masa upang buwagin ang mala-
kolonyal at mala-pyudal na istruktura ng ating lipunan at magtatag ng bagong sistema.
Bulatlat.com

Anda mungkin juga menyukai