Anda di halaman 1dari 5

MANGGAGAWA

Bawat palo ng martilyo sa bakal mong pinapanday


alipatong nagtilamsik, alitaptap sa kadimlan;
mga apoy ng pawis mong sa Bakal ay kumikinang
tandang ikaw ang may gawa nitong buong Santinakpan.

Nang tipakin mo ang bato ay natayo ang katedral
nang pukpukin mo ang tanso ay umugong ang batingaw,
nang lutuin mo ang pilak ang salapi a lumitaw,
si Puhunan ay gawa mo, kaya ngayon'y nagyayabang.

Kung may ilaw na kumisap ay ilaw ng iyong tadyang,
kung may gusaling naangat, tandang ikaw ang pumasan
mula sa duyan ng bata ay kamau mo ang gumalaw
hanggang hukay ay gawa mo ang krus na nakalagay.

Kaya ikaw ay marapat dakilain at itanghal
pagkat ikaw ang yumari nitong buong Kabihasnan.....
Bawat patak ng pawis mo'y yumayari ka ng dangal,
dinadala mo ang lahi sa luklukan ng tagumpay.

Mabuhay ka nng buhay na walang wakas, walang hanggan,
at hihinto ang pag-ikot nitong mundo pag namatay.

Oda para kay Mang Johny
Itong larawan mo

waring aklat ng kasaysayan,

gumuhit sa alaala

malinaw saking balintataw.


Tila naririnig ko ang mga bomba,

ang eroplanong pandigma ng Hapon na nag-iitsa

ng dinamitang mumuntik ng humuhukay ng

libingan mo.

Waring nakita kitang umiiwas.

Sa iyong pagsasalaysay

nahagip ko ang sugat

na lumuray at muntik ng pumilay sa iyong paa.

Narinig ko ang usal mo sa Maykapal

ang pagpapaubaya sa kanya

ng iyong kaluluwa.


Subalit hindi pa wakas

bagkus ay rekado lamang ng

mala-chopseuy mong buhay.


Sa Taft Avenue,

hindi ko nakikita ang Pan Pacific

ni ang Landbank;

tinatagos ng mga mata,

tinatanaw ang dagat.

Sa iyong masayang kwento

nakikita ko ang mga mongha

sa beaterio;

ang mga mag-aaral ng altasesyodad.


Nalilimot ko ang malagkit na lamyos

bagkus ramdam ko ang masuyong hangin.

Ang busina ng jeep ay napapalitan

ng malalakas na hampas ng along

sumasampa sa aplayat sabik sumuson

sa mga kaibigang alon.


Sa sinehan ng Robinson

boudavil ang bumibida sa akin.

Tila ang Clover Theater ay buhay na buhay

waring nakipagkamay ako kay Pilita,

habang iyong ipinakikilala sa akin;

habang inaayos mo ang kanyang buhok.

Malambot at maiinit ang kanyang kamay.

Tama ka. Mabuti siyat sinsero.


Walang sinabi si Markova,

humahanga ako sa iyong pag-ibig,

humahagikgik sa iyong kapilyuhan.

Kung paanong pinaiikot sa iyong

palad ang mga dayuhang Hapon at Amerikano.


Gayunman, hindi ko maiiwasang maluha

sa miminsang kwento mo patungkol sa iyong anak.

Kabiguan marahil,

narinig ko ang iyong hikbi

isang hapon, sa altar.

Naramdaman ko ang bigat ng

loob mo at pangungulila.

Narinig ko ang iyong sumbong

sa kanya at sa kapatid mo sa Maryland.


Nauunawaan ko ang kahulugan ng

panalangin sa iyong binabatang pagdaramdam.


Paumanhin, Mang Johny

Kung hindi ko natupad ang

bayograpi na iyong pinasusulat sa ingles.

Alam mong mahina ako rito

at walang sapat na oras.


Subalit maniwala ka,

nagbalik ako taong 2002.

Wala ka, maysakit ka raw.

Sa wakas ay nasa piling ng

iyong anak, marahil inaaruga,

Hindi ko nagawang hanapin pa

ang iyong kinaroroonan.

Mas kailangan mong magpalakas.


Nakarating sa akin

ang balita,

sumakabilang buhay ka na raw.

Nanghihinayang akot di na muling nagkita

at sa kwentong sanay narinig o nabasa madla.


Panatag ang loob kong payapa ka na,

hindi ko man nagawang isulat

buhay pa rin ang iyong alaala.

Hindi ko rin tinunton ang iyong hukay

pagkat sapat ng maalala kita sa aking isipan.

Narito ang iyong hantungan

buhay ka rito.

Walang pagtangis,

gaya ng madalas mong salubong

sa aming nangupahan,

nakinig sa iyong mga salaysay,

sa aming alaala

masigla ka

maligaya.

Buhay na Buhay!