Anda di halaman 1dari 20

ANG ALAMAT NG KASOY

Nasaan ang buto ng mga prutas? Nasa loob di ba? Ngunit ang kasoy ay
kakaiba. Ang buto ay nasa labas. Alam ba ninyo kung bakit? Alamin natin sa
sumusunod na kuwento.
Noong unang panahon sa loob ng kagubatan ay may kasayahang
nagaganap. Lahat ng uri ng mga hayop ay naroroon. Sila`y masayang
nagkakantahanan at nagsasayawan. Sa di naman kalayuan ay may isang
bagay na nakikinig at inggit na inggit sa kasayahang naririnig. Ito`y walang
iba kungdi si KASOY.
"Sana`y makalabas ako sa aking kinalalagyan" ang pahimutok niyang
nasambit. Patuloy ang kasayahan sa labas at patuloy din ang
pagbabasakaling sana`y may makarinig sa hinaing ni Kasoy. Sa oras din yaon
ay may isang engkantadang naakit sa kaingayan. Sumali siya sa kasayahan
ng mga hayop at sa di kalayuan ay narunig niya ang paghingi ng tulong ng
Kasoy. "Sino kaya iyon?", ang tanong ng engkantada. Narinig ng kasoy ang
tinig ng engkantada. "Para na ninyong awa mahal na engkantada, " pakiusap
ng kasoy. "Gusto ko pong lumabas". Naawa ang engkantada at sa isang
kumpas, lumabas ang buto ng kasoy.
Tuwang-tuwa ang kasoy sa kanyang nakita sa kapaligiran. "Ayaw ko ng
bumalik sa aking pinanggalingan," pakiusap niya sa engkantada Pinagbigyan
ng engkantada ang kahilingan ng kasoy at kasoy naman ay tuwang-tuwa.
Natapos ang kasayahan at ang mga hayop ay nagsi-uwian na. Ang
kapaligiran ay naging tahimik. Pagkaraan ang langit ay nagdilim, humihip ng
malakas ang hangin, kumidlat at kumulog. Pagkatapos ay bumuhos ang
malakas na ulan. Ang buto ng kasoy ay takot na takot at basang-basa.
Tinawag niya ang engkantada at humihingi ng tulong na ibalik siyang muli sa
loob. Ngunit hindi siya narinig ng engkantada.
Tumigil ang ulan at ang engkantada ay muling nagpakita. Nakita niya ang
buto na nakabaluktot at halos di na makapagsalita. "Ito`y isang aral sa iyo,"
ang sabi ng engkantada. "Ang lahat ng bagay ay may kanya-kanyang lugar,
dapat nating tanggapin dahil ito`y kaloob ng Diyos sa atin." Pagkawika nito`y
naglaho ang engkantada.
Magmula noon ang buto ng kasoy ay nasa labas ng prutas.
ANG ALAMAT NG SAGING

Noong unang panahon sa isang nayon ay may magkasintahan. Sila ay si


Juana at si Aging.Sila`y labis na nagmamahalan sa bawa`t isa. Ngunit tutol
ang mga magulang ni Juana sa kanilang pag-iibigan. Gayun pa man di ito
alintana ni Juana. Patuloy pa rin siyang nakikipagkita kay Aging.
puso_ng_sagingIsang araw, naabutan sila ng ama ni Juana. Bigla itong
nagsiklab sa galit at hinabol ng taga si Aging. Naabutan ang braso ni Aging
at ito`y naputol. Tumakas si Aging at naiwang umiiyak si Juana. Pinulot niya
ang putol na braso ni Aging at ito`y ibinaon sa kanilang bakuran.
Kinabukasan, gulat na gulat ang ama ni Juana sa isang halaman na
tumubong bigla sa kanilang bakuran. Ito`y kulay luntian , may mahahaba at
malalapad na dahon. May bunga itong kulay dilaw na animo`y isang kamay
na may mga daliri ng tao.
Tinawag niya si Juana at tinanong kung anong uri ng halaman ang tumubo sa
kanilang bakuran.
Pagkakita sa halaman, naalaala niya ang braso ni Aging na ibinaon niya doon
mismo sa kinatatayuan ng puno. Nasambit niya ang pangalan ni Aging.
"Ang punong iyan ay si Aging!" wika ni Juana.
Magmula noon ang halamang iyon ay tinawag na "Aging" at sa katagalan
ito`y naging saging.

Alamat ng Araw, Buwan at mga Bituin


Noong unang panahon ang paligid ay pawang kaliwanagan. Wala pa noong
gabi sapagkat laging magkasama ang Araw at ang Buwan.
Bilang mag-asawa, pala-utos ang Araw sa Buwan. Hindi nito binibigyan ng
kapantay na karapatan ang Ina ng Tahanan. Sobra naman sa bait si Buwan.
Lahat ng utos ni Araw ay sinusunod niya. Kahit na ang ipinag-uutos ay dapat
na suriin at pabulaanan.
Minsang magbalak mamasyal si Araw ay inutusan niya si Buwang ipaglaga
siya ng mga dahon ng gabi.
Kailangang puno ng nilagang dahon ng gabi ang palayok pagbabalik ko!
utos ni Araw sa nahihintakutang si Buwan.

Pe pero tiyak na uurong ang mga dahon ng gabing ilalaga ko, marahang
paliwanag ng Buwan na mistulang sunud-sunuran sa kaniyang asawang
naghahari-harian.
Alamat ng Araw, Buwan at mga Bituin
Basta tiyakin mong puno ng dahon ng gabi ang palayok pagbabalik ko!
pasigaw na diin ng Araw sa nanginginig na maybahay.
Nag-iiyak nang nag-iiyak ang Buwan. Alam niyang hindi mapupuno ang
palayok kapag nilaga sa kalan. Sapagkat lubos na mabait ang Buwan,
pinagtiyagaan niyang lutuing mabuti ang mga dahon ng gabi. Pero kahit
sikaping mapuno ang palayok ay hindi niya ito magawa. Lagi at laging may
bakante pa ring lugar sa loob ng palayok na pinagpapakuluan.
Nang magbalik ang Araw at itanong ang mga dahon ng gabi ay napaihng ang
Buwan.
Giginawa kong lahat ang makakaya ko pe.pero hindi ko mapunu-puno
ang palayok sapagkat umuurong ang mga dahon ng gabing inilalaga ko.
Laging ganiyan ka! panumbat ng Araw. Noong isang linggo pinapalitan ko
sa iyo ng ibang kulay ang asul na karagatan pero di ka man lang nakasunod
sa aking kautusan! At hindi ba pinakiusapan din kitang pantayin ang lahat ng
burol at bundok sa kanluran pero ano ang ginawa mo? Ipinagkibit balikat mo
lang ang utos ko!
Asawa mo ako at di utusan! ngumatal ang boses ng galit na galit na
Buwan. Pantay lang ang ating karapatan. Kung utusan ang turing mo sa
akin, mabuti pang tayo ay maghiwalay.
Aba, kung yan ang gusto mo ay susundin ko, taas noong sagot ni Araw.
Ako ang ina ng mga bata kaya kailangang sa akin sila sumama.
Para mamatay sa lamig mo? nanghahamong tugon ng Araw.
Paano kung isasama mo sila? Tiyak na mamamatay sila sa sobrang init mo!
Sa akin dapat sumama ang mga bata. Ako ang ama nila!
Ako ang ina na laging kayakap nila!
Nag-away ang dalawa. Sa paghahatakan nila sa mga anak ay nahulog ang
mga bata sa kalawakan. Mabilis na hinabol ng Buwan ang mga anak na

naging kumpol ng Bituin sa kalangitan. Ang Araw ay kuntento namang


naghihintay na lamang sa kaniyang makinang na trono sa kalangitan.
Hinihintay pa rin niya ang pagbabalik ng asawa at mga anak.
Mapapansing sa umaga at katanghalian matatanaw natin ang mapagmalaki
at magagaliting Araw sa kalangitan.
Sa gabi naman, makikita natin ang malamlam na liwanag ng Buwan at
kikislap-kislap na mga Bituin sa kaitaasan.
Ang Alamat Ng Makahiya
Noong unang panahon ay may mayamang mag-asawa, sina Mang Dondong
at Aling Iska. Mayroon silang labindalawang taong gulang na anak na babae
na nagngangalang Maria. Mahal na mahal nila ang kanilang anak.
Si Maria ay responsible at masuring anak. Siya ay masipag at mabait, dahil
dito ay gusto siya ng lahat.
Ngunit ang pagkamahiyain ay isa sa natatanging katangian ni Maria. Dahil
sa mahiyain ay ilang sya sa pakikipag-usap sa mga tao. Para maiwasan niya
ang makita o makisalamuhan sa mga tao, ay palagi niyang kinukulong ang
sarili niya sa kanyang silid.
Mayroong hardin ng mga bulaklak si Maria.
Ang mga bulaklak ay
magaganda at alam ito ng buong bayan. Matiyaga at magiliw niyang
inaalagaan ang kanyang mga halaman. Sapagkat dito siya nakakakita ng
kaligayahan.
Isang araw, ay kumalat ang balita na isang grupo ng mga bandido ang
sumalakay sa kalapit bayan. Pinapatay ng mga bandido ang mga tao at
tinatangay ang salapi ng mga residente.
Kinabukan, ang mga bandido ay dumating kung saan naninirahan si Mang
Dondong at Aling Iska at ang anak na si Maria. Nakita ni Mang Dondong na
parating ang mgabandido, nagdesisyon siya na itago si Maria sa hardin para
sa kaliktasan nito.
Nagtago si Aling Iska sa kanilang bahay, nanginginig sa takot habang
naririnig niyang pilit binubuksan ng mga bandido ang kanilang tarangkahan.
Siya ay nagsambit ng panalangin para sa paghahanda kung ano man ang
maaaring mangyari.
Aking Panginoon! panalangin ni Aling Iska. Iligtas nyo po ang aking anak.

Biglang nabuksan ang pinto. Pumasok ang mga bandido sa bahay at pinalo
sa ulo si Mang Dondong. Nawalan ng malay si Mang Dondong at bumagsak
sa lapag. Sinubukan na tumakas ni Aling Iska pero pinalo rin siya sa ulo.
Ginalugad ng mga bandido ang buong bahay. Matapos kuning lahat ang
salapi at alahas, hinanap nila si Maria. Pero di nila nakita ito. Umalis na ang
mga bandido para nakawan ang ibang pang bayan.
Nang matauhan na ang mag-asawa ay nakaalis na ang mga bandido.
Nagmadali silang pumunta sa hardin para hanapin si Maria. Pero wala doon
si Maria. Muli, ay hinanap nila ang kanilang anak sa lahat ng sulok ng hardin
pero wala doon ang kawawang si Maria.
Ang anak ko! Tinangay nila ang anak ko! iyak ni Aling Iska
Biglang-bigla ay naramdaman ni Mang Dondong na may tumusok sa
kanyang mga paa. Nagulat siya dahil may nakita siyang isang maliit na
halaman na mabilis na tumitiklop ang mga dahon nito. Ito ang unang beses
na makakita ng ganitong uri ng halaman. Siya ay lumuhod at tinitigang
mabuti ang halaman, ganon din ang ginawa ni Aling Iska. Pagkatapos ng
matagal na panahon na tinitigan ang halaman, ang mag-asawa ay
naniwalang ang halaman iyong ay si Maria.
Ginawang halaman ng
Panginoon si Maria para mailigtas sa mga bandido.
Hindi mapigilan di mapaiyak si Aling Iska at Mang Dondong, ang bawat luha
na pumapatak sa halaman ay nagiging isang maliit, bilog na kulay rosas na
bulaklak.
Magmula noon ay inalagaan nila ng mabuti ang halaman. Naniniwala sila at
alam nila na ang halaman ay ang anak nilang si Maria. Katulad ng kanilang
anak, ang halaman ay mahiyain din. Dahil dito ay tinawag nila itong
makahiya, dahil nagtataglay ito ng katangian ni Maria pagkamahiyain
at tinawag na nga itong makahiya.
Alamat Ng Baboy
Isang araw, Sa matahimik na nayon ng uluuhugan, sa ibaba ng bundok ng
tra-la-la.
May isang bata. Na nagngangalang Bab.
Si bab ay isang matulunging bata, masipag at talaga namang napaka
masunurin sa magulang.

Isang araw, Inutusan sya ng kanyang nanay na pumunta ng palenke at


bumili ng recados na lulutuin para sa birthday ng kanyang kapatid.
Dahil nga sa masunurin si Bab, Pumunta syang palenke. Una nyang binili ang
mga gulay, tapos ang manok at ang asin at paminta.
Natapos na sa pamimili si Bab ng biglang nasubasob sya sa isang putikan.
Kasamang nahulog ang recados na pinamili nya.
Kaya isa isa nyang pinulot ang mga ito. Mula sa patatas, petchay, manok, at
iba pang mga gulay.
Akala ng mga taong nakakakita sa kanya ay naglalaro sya sa putikan at
natutuwang magpaikot ikot.
Sinimulan syang tanungin ng mga katribo.
Hoy Bab! Hoy Bab! Ano ginagawa mo jan? wika ng isang katribo nya.
Baka nagliligo sya sa putikan? wika pa ng isa.
HAHAHAHAHAHAHAHA insulto mga katribong nakakita sa kanya.
Dali daling tumakbo si Bab at lumuluhangg umuwi sa kanila.
Habang papauwi sa bahay ay may nakasalubong syang isang diwata. Ang
diwatang kilala ng kanyang tribo na nagbibigay ng kahilingan sa isang
maswerteng tao kada isang daang libong taon.
Kaya lang ito ay nakabalat kayo bilang isang matandang babaeng namimitas
ng prutas sa kagubatan.
Bakit balot na balot ka sa putik? Tanong ng matandang babae.
Ah eto ba? Naligo kasi ako sa putikan. At gusto kong magpagulong gulong
duon. Ano? Tawa ka na! Sige na! Tawa na! wika ni Bab na galit sa babae sa
pag aakalang pagtatawanan sya ng matandang babae.
Nainsulto ang Diwata dahil sa isang daang libong taong paghihintay upang
magbigay ng kahilingan sa isang nilalang ay ito pa ang aabutan nya.
Napakatampalasang bata.
At dahil dito isinumpa ng diwata si Bab. At ginawa syang isang nilalang na
mahilig maglaro sa putikan na may malaking ilong na pahaba at may
katabaan.

Pagkatapos nito ay umalis na ang diwata.


Walang magawa ang isinumpang Bab kundi Ihatid ang pagkain para sa
kaarawan ng kanyang kapatid.
Umalis sya ng dali dali upang hindi na makita ng kanyang mga magulang
ang sinapit.
Ilang araw ang lumipas at hinahanap ng buong tribo si Bab.
Lahat ng sulok ng kabundukan ay isinisigaw ang Hoy Bab! Hoy Bab! Asan ka
na?
At dahil naririnig ito ni Bab pero hindi alam ng mga taong nasumpa sya ng
diwata. Ay naglaro sya sa putikan para makilala sya ng mga katribo.
At ng makita sya ng isang katribo.
Mga kasama! Tignan nyo ito, para syang si Bab! Wika ng isang katribo.
Aba oo nga noh? Hoy Bab, Hoy Bab! wika ng isa pa nilang katribo.
At lumingon ang nilalang na naglalaro sa putik.
At simula nuon, Tinawag na ang nilalang na iyon na BABOY
ALAMAT NG MGA UNANG ALITAPTAP
Ang sabi ay tao lamang ang gumagamit ng apoy. Ang mga hayop daw ay
hindi. Ito ay hindi totoo sapagka't ang mga alitaptap ay gumagamit din ng
apoy. Alam mo ba kung bakit gumagamit ng apoy ang mga alitaptap?
Noong unang panahon, ang mga alitaptap ay maliliit na kulisap lamang. Ang
mga kulisap na iyon ay walang dala-dalang apoy. Nguni't ito ring mga kulisap
na ito ang tinatawag natin ngayong ALITAPTAP. Bakit kaya sila ngayon ay
may dal-dalang apoy na kikisap-kisap?
Gaya rin ng mga alitaptap ngayon, ang mga kulisap noong unang panahon
ay gabi lamang kung lumipad. Naguni't ayaw na ayaw nila ng mga gabing
madilim. Ang ibig nila ay mga gabing maliwanag ang buwan. Kapag madilim
ang gabi ay nagtatago sila sa mga damo. Nagtatago sila sa mga dahon at sa
mga bulaklak. Sila ay takut na takot. Bakit kaya?
Isang gabing madilim, walang malamang pagtaguan ang mga kulisap na
iyon. Nakakita sila ng isang punong sampaguita. Ang ilan sa kanila ay

nagkubli sa nga bukong bulaklak nito. Mayroon namang nagkubli sa mga


talulot.
"Bakit ba?" ang tanong ng sampaguita. "Bakit ba kayo nagtatago? Bakit ba
kayo takot na takot? Kayo ba ay natatakot sa dilim?"
"Hindi kami sa dilim natatakot," ang sagot ng isang kulisap.
"At saan?" ang tanong ng sampaguita.
"Sa mga kabag-kabag," ang sagot ng maraming kulisap.
"Bakit kayo natatakot sa mga kabag-kabag?" ang tanong ng sampaguita.
"Inaano b akayo ng mga kabag-kabag?"
"Kami'y kinakain nila," ang sabi ng mga kulisap. "Kapag kami ay nakita nila
ay hinuhuli kami at iyon na ang katapusan ng aming buhay."
"Masama naman ang ginagawa sa inyo ng mga kabag-kabag," ang wika ng
sampaguita.
"Biruin mo, kay rami ng mga kabag-kabag," ang sabi ng isang kulisap. "Kaya
kami ay pakaunti nang pakaunti."
"Mauubos nga kayo kung ganyan," ang wika ng sampaguita. Kaawaawa
naman kayo."
"Hindi nga namin malaman kung ano ang aming gagawin," Ang wika ng mga
kulisap.
"Eh, bakit kung maliwanag ang gabi ay hindi kayo nagkukubli sa aking
ouno?" ang tanong ng sampaguita.
"Kung maliwanag ang buwan ay mahirap kaming mahuli ng mga kabagkabag," ang sagot ng isang kulisap.
"Hindi makakita sa liwanag ang mga kabag-kabag, eh," ang dugtong ng
isang kulisap.
"Sila ay nasisilaw sa liwanag," ang dugtong pang uli ng isang kulisap.
"Ganoon pala. Hindi pala makakita sa liwanag," ang sabi ng sampaguita.
"Tuturuan ko kayo kung ano and dapat ninyong gawin."
"Ano ba? Ano ba ang dapat naming gawin?" ang tanong ng bawa't kulisap.

"Bawa't isa sa inyo ay magdala ng apoy," ang sabi ng sampaguita.


"Pagkatapos ay magsabay-sabay kayong lumabas. Matatakot sila sa inyo.
Hindi nila kayo malalapitan."
"Oo nga, siya nga," ang sabay-sabay na sabi ng ilang kulisap.
"Mabuti nga, ano?" ang sabi pa rin ng ibang kulisap.
Ganoon na nga ang ginawa ng mga kulisap. Isang gabing madilim, ang
bawa't isa sa kanila ay nagdala ng apoy, pagkatapos ay nagsabay-sabay
silang lumabas. Naku! Para silang alipatong lumilipad. Hindi nga naman sila
malapitan ng mga kabag-kabag.
Anong tuwa ng mga kulisap. Lumipad sila nang paikut-ikot sa punong
sampaguita.
"Salamat sa iyo, Sampaguita. Kami ngayon ay malaya na."
Mula na noon tuwing lalabas ang mga kulisap pag madilim ang gabi
nagdadala sila ng apoy. Ang mga kulisap na iyon din ang tinatawag ngayong
"ALITAPTAP."
Ang Alamat ng Aso
Noong panahon na bata pa ang mundo, ay may isang maa-anak na tahimik
at masayang namumuhay sa loob ng kakahuyan.
Ang ama; si Roque ay mabait at mapagkalinga sa kanyang pamilya.
Nagtatanim siya ng mga gulay at nanghuhuli ng mga hayop sa gubat upang
kanilang maging pagkain.
Samantalng ang ina naman; si Magda ay siyang nag-aasikaso sa kanilang
bahay at dalawang anak na sina Maria at Jose.
Minsan, nagulat ang pamilya sa pagdating ni Roque na may pangko na isang
sugatang lalaki.
Ang lalaki ay iniligtas ni Roque mula sa mga pusang-gubat nang ito ay
maligaw. Inalagaan ito ng pamilya.
At sa paglipas ng panahon, naging malakas na ang lalaki na nakilala nilang
Damaso.
Isinalaysay ni Damaso na pinalayas siya ng kanyang amo dahil sa hindi niya
nabantayan ang mga taniman nito ng ubas, naging dahilan upang

manakawan ang bunga ng mga ito. At sa kanyang paglayas naligaw siya sa


gubat at inatake ng maraming alamid.
Naaawa naman ang pamilya kay Damaso, kaya doon na pinatira sa bahay
nila ito. Itinuring nila itong kapamilya at nakatulong pa ni Roque sa pangaraw-araw na paghahanap ng pagkain.
Ngunit lingid kay Roque, may namumuong lihim na pagkagusto sina Magda
at Damaso sa isat-isa.
At isang araw nga, nagpasya sina Damaso at Magda tumakas sa ibang lugar.
Nag-iyakan ang dalawang batang sina Maria at Jose.
"Ina huwag mo po kaming iwan nila ama!", ang iyak ni Maria
"Oo nga po! Mang Damaso, huwag n,yong kunin ang aming ina!", ang iyak
rin ni Jose.
Ngunit hindi napigilan sina Magda ng kanyang mga anak. Sumakay pa rin
sila ng bangka at umalis na kasabay ng agos ng ilog.
Lalong ngg-iyakan ang dalawang bata. Nais na sanang magbago ng isip si
Magda, ngunit nanaig ang kanayng pagka-gusto kay Damaso.
Mula sa malayo, anong gulat nila Magda nang makitang nagtalunan sa ilog
sima Maria at Jose upang humabol.
Napatayo so Magda sa bangka, dahil alam niyang hindi marunong lumangoy
ang dalawang bata.
Siyang pagdating ni Roque, na agad ding tumalon sa ilog upang iligtas ang
mga anak. Ngunit lumakas and agos ng ilog, at napailalim sa tubig ang magaama.
Mula sa malayo, natanaw nina Magda at Damaso and pang-yayari. At sisingsisi ang dalawa sa kanilang nagawa, lalo pat hindi na nila nakitang
pumaibabaw sa tubig ang mag-aama.
Bigla, mula sa tubig ay isang babae ang lumutang sa hangin.
"Masahol pa kayo sa hayop! Dahil sa inyong makasariling pagnanasa ay
nagawa ninyong saktan ang ibang tao. Dapat lamang kayong maging kauri
ng hayop," ang wika ng babae na diwata pala ng ilog.

Bigla ang pagbabago ng anyo ni Magda at ni Damaso. Ang kanilang katawan


ay puno ng balahibo, humaba ang kanilang mga nguso, tumalim ang mga
ngipin at nagkapangil. At kasunod niyon, hindi na nila nagawang
makapagsalita, bagkus ay ungol at kakatwang ingay ang lumalabas sa
kanilang mga bibig.
"Mananatili kayo sa ganyang anyo, hanggat ikaw Damaso ay hindi natutong
tumanaw ng utang na loob napapala sa iyo. At ika Magda, hanggat hindi mo
naipapakita ang tunay mong pagmamahal s iyong mga magiging anak." At
nawala na ang diwata pagkawika niyon.
At ang dalawang isinumpa ay namuhay sa kakahuyan. Nagkaroon sila ng
maraming anak. Sila ang unang angkan ng mga aso sa daigdig. At sa dami
ng mga tao, ang mga aso ay naging alaga nila sa kanilang mga tauhan.At sa
hanggang ngayon nga ay pinapatunayan pa rin ng mga aso na sila ay tapat
sa kanilang mga amo.
ALAMAT NG SAMPAGUITA
Magandang babae, maraming katangiang kaibig-ibig at mabutinganak. Iyan
si Aniway, isa sa mga dalagang ipinagmamalaki ng kanilangtribu. Pihikan sa
pag-ibig ang dalaga kaya wala pang nobyo. Isa lang anglagi niyang
dinadasal. Na sana ay makatagpo siya ng karapat-dapat nalalaki na
magmamay-ari ng kanyang puso.Mula sa malayong tribu ang binatang si
Maru. Nang Makita ng binatasi Aniwa ay hindi na tinigilan ng panliligaw.
Inamin ni Aniway na kaiba samga lalaking nanligaw sa kanya, malapit agad
ang loob niya kay Maru.Makaraan ang kulang isang taon ay tingggap niya
ang pag-ibig ng binata.Maligayang-maligaya si Aniway lalo nang sabihin ni
Maru na uuwi itosa kanilang tribu para sunduin ang mga magulang. Ibig na
raw kasi nito namagpakasal sila. Ipinangako ng binata na babalik sa susunod
na pagbilogng buwan.Subalit lumipas na ang dalawang pagsikat at paglubog
ng buwan, nianino ni Maru ay hindi na nakita ni Aniway. Ang masama ay
ginamit ng isasa mga karibal ni Maru ang sitwasyon para siraan ang binata.
Ikinalat nitona nag-asawa ng iba si Maru at hindi na babalik kay
Aniway.Inakalang totoo ang kumalat na balita, sa labis na sama ng loob
atkahihiyan ay nagkasakit ng malubha si Aniway. Bago namatay ay
walasiyang nausal kundi Isinusumpa kita!... sumpa kita! Ang mga salitang
Isinusumpa kita!... sumpa kita! ang tangingnaiwan ni Aniway kay Maru, na
dinapuan ng sakit kaya hindi agadnakabalik.Sa sobrang paghihinagpis, arawaraw ay halos madilig ng luha niMaru ang puntod ni Aniway. Hindi
matanggap ni Maru na namatay angdalaga na masama ang loob sa

kanya.Ilng lingo makaraan ay may tumubong halaman sa libingan ni Aniway.


Nang mamulaklak iyon ay ubod ng bango. Tinawag iyong
Sumpa kita, ang huling salitang binigkas ni Aniway bago sumakabilang
buhay. Ang
sumpa kita ay nagging sampaguita.
Alamat ng Gumamela
Nag-tataka ba kayo kung bakit walang halimuyak
ang gumamela? Ang Alamat ng Gumamela ay kwento tungkol sa
pangyayari kung bakit nga ba walang halimuyak ang gumamela. Kahit
makulay ang gumamela at napaka-ganda ng itsura nito, nasasayang dahil
wala siyang halimuyak.Noong unang panahon lahat ng bulaklak ay hinihintay
ang pag-dating ng diwata ng hardin. Siya kasi ang nag-bibigay halimuyak sa
bawat bulaklak. Isa sina Rosas, Sampaguita at Gumamela sa mga bulaklak
na sabik sa pagdating ng diwata ng hardin. Panahon na kasi para sila ay
makatanggap ng halimuyak. Nung gabi bago ang araw ng pagtanggap nila
ng halimuyak nagdidiwang ang tatlo. Unang natulog si Sampaguita dahil
gusto niyang maagang magising kinabukasan. Ngunit, nag-paiwan sina
Rosas at Gumamela dahil gusto pa nilang magsaya. Sumunod nang natulog
si Rosas. Inaya niya si Gumamela upang matulog na ngunit ayaw pa niyang
matulog dahilgusto pa niyang magsaya. Kinabukasan, na-unang magising si
Sampaguita at marami siyang nakuhang halimuyak na isinaboy ng diwata ng
hardin. Muntikan nang mahuli si Rosas dahil tanghali na siyang nagising. Ang
pinaka hindi pinalad ng araw na iyon ay si Gumamela. Hindi niya naabutan
ang pagsaboy ng halimuyak ng diwata ng hardin. Kaya mula noon ang
bulaklak ng sampaguita ng pinaka mabangong bulaklak sumunod ang rosas.
Pero walang halimuyak ang gumamela.
Kung natulog lang ng maaga si gumamela sanay naamoy natin
ngayon ang kanyang halimuyak. Bilang bata may mga pagkakataong maari
ninyong ipakita ang inyong galing ngunit dahil sa pagpapabaya ay nawawala
sa inyo ang pagkakataong iyon. Sanay magbigay aral sa inyo ang kwentong
ito at magamit hanggang sa pagtanda nyo.
Ang Alamat ng Manika
Sa isang malayong nayon ay may nakatirang mag-asawa, sina Aling Dolores
at Mang Doding. Simple lamang ang kanilang pamumuhay. Isang magsasaka
si Mang Doding at isang simpleng may bahay lamang si Aling Dolores. Sila ay
biniyayaan ng isang anak si Anika. Dahil sa nag-iisang anak, lahat ng layaw

nito ay nasusunod at likas dito ang pagiging malikot. Ngunit isang bagay ang
hindi nito makuha ang makapunta ng hardin sa likuran ng kanilang bahay
dahil mahigpit itong ipinagbabawal ng kanyang ina.
Kapag tapos ng gawin ni Aling Dolores ang mga gawaing bahay, at
nakikitang magaalastres na ay kaagad itong nagpupunta sa kanilang hardin.
Minana niya pa ito mula sa kanyang lola. Nang mamatay ang kanyang ina ay
nangako siyang aalagaan nito ang hardin ng mabuti.
Nahihiwagaan si Anika sa hardin kung bakit hindi siya pinapasama ng
kanyang ina. Maraming katanungan ang bumabagabag sa kanyang isipan. Ni
minsan ay hindi niya pa nakita ang hardin. Napapalibutan ito ng matataas na
bakod. Alam niyang itoy napakaganda dahil sa labas pa lamang ay amoy
niya na ang mababangong samyo ng mga bulaklak at mga huni ng ibat
ibang ibon.
Isang araw nagpunta si Aling Dolores sa bayan upang mamalengke.
Anika, dito ka lang. Huwag kang lalabas hanggang hindi dumarating ang
tatay mo galing palayan. Tandaan mo huwag kang magpupunta sa hardin.
paalala ni Aling Dolores.
Opo nay. Sagot ni Anika.
Ito na ang pagkakataon kung makapunta ng hardin. Alam kong mamaya pa
darating si tatay at gagabihin naman ng uwi si nanay. Sa wakas makikita ko
na ang hardin. Wika ni Anika sa sarili.Kinuha niya ang susi ng hardin sa
kuwarto ni Aling Dolores. Minsan kasi ay nakita niya itong kinuha sa isang
baol. Madaling natuntun ni Anika ang susi at nagmadaling magputa ito sa
hardin. Kinakabahan siya, magkahalo ang kaba at tuwa na kanyang
nararamdaman. Wala siyang pakialam kung malaman man ito ng kanyang
ina ang importante ay makita niya na ang hardin.Dahandahan niyang
binuksan ang pintuan ng bakod. Namangha siya sa kanyang nakita.
Bakit ganito? Bakit walang laman ang hardin? Walang mga bulaklak at
halaman. Isa lamang itong bakanteng lote. Wika nito sa sarili.
Pinagmasdan niya ang buong kapaligiran, napakaraming pintuan.
Naglakadlakad ito hanggang sa nabagot na siya. Dahil sa wala siyang nakita
ay naisipan niyang umuwi. Ngunit hindi niya na matandaan ang pintuan kung
saan siya pumasok. Lahat ng pintuan ay magkakatulad, nilolomot at punongpuno ng mga ugat ng mga halaman.

Kailangan kong magmadaling umuwi dahil magaalas-tres na ng hapon at


uuwi na si Itay.
Isaisa niyang binuksan ang mga pintuan ngunit wala siyang nakikita kung
hindi kawalan. Puno ng usok ang mga ito sa tuwing kanyang bubuksan.
Ding..Dong..Din..Dong.. narinig ni Anika ang tunog ng kampana na hudyat
na ikatlo na ng hapon.
Nang humarap ulit siya sa hardin ay iba na ang kanyang nakita. Ang
kaninang bakanteng hardin ay punong-puno na ng mga naggagandahang
halaman. Ang lahat ng kaba niya at pagtataka ay bigla na lamang nawala na
parang bula. Napakaganda nga ito kagaya ng iniisip niya. Punong-puno ito ng
mga bulaklak. Iba-iba ang kulay bughaw,pula,dilaw,lila at marami pang iba.
Naamoy niya ang halimuyak mga rosas, Dama de Noche, mga orkidyas at
iba pa. Nakikita niya ring nagliliparan ang mga ibon.
Kaya pala gustung-gusto ni Inay na magpunta dito kasi maganda talaga
dito. Wika uli nito sa sarili.
Isang napakagandang paruparo ang umagaw sa kanyang atensyon.
Ang kulay nito ay parang bahaghari. Matingkad na matingkad at kumikislapkislap ang mga pakpak nito. Sa tuwing lilipad ito ay may mga maiiwang mga
gintong alikabok.
Halika maglaro tayo. Habulin mo ako. Anyaya ng paruparo.
Sinundan niya ang paruparo kahit saan ito magpunta. Kapag hindi niya
makita ay nagbabato ito ng buhangin sa mga halaman at bulaklak. Lalabas
naman ang paruparo dahil natatamaan ito. Hindi siya sumuko hanggang
hindi niya ito nahuhuli.
Sa wakas nahuli din kita! bulalas ni Anika.
Isinilid niya ito sa isang lata na nakita niya sa pintuan ng hardin.
Pinaglarularuan niya ito, tinapik-tapik ang mga pakpak at ang mga mata nito
ay tinutusok-tusok niya ng tuyong sanga ng isang halaman.
Aray! Nasasaktan ako. Pagrereklamo ng paruparo.Sobrang tuwa ang
kanyang nararamdaman kaya hindi niya na inintindi ang mga sinasabi ng
paruparo. Sa bawat pagtapik nito sa paruparo ay mayroong munting bagay
na kulay ginto na naiiwan sa kanyang mga palad. Sa bandang huli ay

napatay niya ito.Naghanap ulit siya ng makakalaro nakita niya naman ang
isang tutubi. Meron itong mga pakpak na
katulad sa paruparo ngunit ito ay kulay puti, meron din itong parang gintong
isinasaboy tuwing lilipad o dadapo sa mga halaman o bulaklak. Hinuli niya
din ito. Pinaglaruan, at ng nagsawa ay tinalian ng mga ugat ng halaman,
pinutulan ng mga pakpak at kanyang puwetan. Kagaya sa paruparo namatay
din ito.
Ganoon din ang sinapit ng mga bubuyog, langgam, mga bulaklak at halaman
sa hardin, pinapatay niya kapag nagsasawa na.
Habang pinaglalaruan ang isang bulaklak ay natawag ang kanyang pansin ng
isang halaman sa gitna ng hardin. Ginto ang kulay ng puno at mga dahon
nito.
Halika dito Anika. Pagtawag sa kanya ng halaman.
Ang ganda mo naman puwede ba tayong maglaro? wika ni Anika.
Aba,oo naman. Pagsang-ayon ng halaman.
Ano naman ang ating lalaruin? pagtatanong ni Anika.
Walang galawan. Kapag ako ang unang gumalaw, lahat ng hilingin mo ay
ibibigay ko. Kapag ikaw, ikaw ay aking gagawing laruan. Ang sagot ng
misteryosang halaman.
Sige, sang-ayon ako diyan. Wika ni Anika na hindi man lamang inisip ang
kondisyon dahil sabik na itong maglaro.
Isa, dalawa, tatlo, simulan na! Sigaw ng halaman na hudyat na
magsisimula na sila.
Hindi pa nga lumilipas ang limang minuto ay gumalaw na si Anika.
Hahahahahaha. Sa wakas ay may magkakasama na ako. Pinatay mo na kasi
lahat ng kaibigan ko dito. Malakas na tawa ng halaman.
Hanggang sa naramdaman niyang lumiliit siya. Humingi siya ng tulong
ngunit wala sa kanyang nakakarinig. Ginusto man niyang makatayo ay hindi
niya magawa. Naninigas ang buo niyang katawan.

Ganyan ang nangyayari sa mga batang walang pagpapahalaga sa mga


bagay at akala lahat ay laruan lamang. Hindi man lamang isinasaisip ang
pagpapahalaga sa mga ito. Wika uli ng halaman.
Sa kabilang dako naman ay nag-aalala na ang kanyang mga magulang. Labis
ang pag-aalala nila kay Anika.
Doring! Doring! Wala na si Anika! Nagpunta siya sa hardin. Sabi ko na
kanya huwag siyang magpunta sa doon. Ano ba ang pumasok sa isip
batang iyon. Wala naming espesyal sa hardin. Simpleng hardin lamang
kagaya ng sa iba! Nanlulumong saad ni Aling Dolores kay Mang Doring
makitang wala ang susi sa pinagtaguan nito.

sa
ng
ito
ng

Wala na tayong magagawa kung hindi ang magdasal na sana ay walang


nangyaring masama sa kanya. Nalulungkot na tugon ni Mang Doring.
Kinabukasan ay nagtungo agad ang mag-asawa sa hardin. Nakita nila ang
isang napakaliit na tao ngunit walang buhay. Ito ay yari sa kahoy, mga sanga
at mga buto ng halaman. Suot nito ang damit ni Anika.
Labis nilang kinalungkot ang nangyari sa kanilang anak. Ngunit wala ng
nagawa ang mag-asawa. Dinala nila ang laruang babae na walang buhay at
pinangalanang Anika.Napag-alaman na ang halaman pala ang Diwatang ng
Kapaligiran na siyang tagapangalaga sa may mga buhay at itoy napadaan
lamang sa hardin sa oras na si Anika ay pumasok dito. Lubos itong nagagalit
kung may nang-aalipusta sa kalikasan.
Ng lumaon dahil sa pagkakasalin-salin sa mga salita ang pangalang Anika ay
naging manika.
Mga Bugtong at Sagot
Hindi hayop hindi tao,

hindi piyesta,

nagsusuot ng sumbrero.

naglawit ang bandera.

Sagot: Sabitan Ng Sumbrero

Sagot: Dahon ng saging

Naligo si Adan,

Bulaklak muna ang dapat gawin,

hindi nabasa ang tiyan.

bago mo ito kanin.

Sagot: Sahig

Sagot: Saging

Hindi Linggo,

Sapagkat lahat na ay nakahihipo;

walang
kasindumi't
kasimbaho;

walang

bakit mahal nati't ipinakatatago.

Buto't balat, lumilipad.


Sagot: Saranggola

Sagot: Salapi (pera)

Hindi naman hari, hindi naman


pare,

Bagama't nakatakip,

nagsusuot ng sarisari.

ay naisisilip.

Sagot: Sampayan

Sagot: Salamin ng mata

Sinampal ko muna

Aling mabuting retrato

bago inalok.

ang kuhang-kuha sa mukha mo?

Sagot: Sampalok

Sagot: Salamin (mirror)

Mga Kasabihan at Salawikain


Mga Kasabihang Pilipino at Salawikaing Tagalog
Filipino Proverbs

Ang mga kasabihan at salawikain ay naglalayong magbigay payo


at patnubay sa ating pangaraw-araw na pamumuhay. Ang mga
kasabihang Pilipino at salawikaing Tagalog ay isinasaad sa mga
maiiksing pangungusap lamang subalit ang mga eto ay makahulugan
at makabuluhan. Eto ay kadalasang tumatalakay din sa mga karanasan
ng ating mga ninuno at nakatatanda at naglalayong ituwid ang ating
pamumuhay ng naaayon sa kanilang mga naging karanasan.

Heto ang ilan sa ating mga kasabihan at salawikain, kasama ang


maiksing pagpapaliwanag sa ibig sabihin ng mga eto:

Ang taong nagigipit, sa patalim man ay kumakapit.


Ang taong nagigipit ay napipilitan minsan na gumawa ng mapangahas
na hakbang na maaaring maging dahilan upang lalu lamang siyang
magipit. Halimbawa, ang taong may mabigat na pangangailangan sa
pera ay nagagawang mangutang ng patubuan, tulad ng 5-6, na nagiging
dahilan upang siya ay mabaon sa utang at lalu pang maghirap.
Kahit saang gubat, ay mayruong ahas.
Saan man sa ating lipunan ay may mga taong traydor na gumagawa
ng mga bagay na nakalalason o nakasisira sa samahan ng bawat isa.
Kung ano ang itinanim, siya rin ang aanihin.

Kung ano ang ginawa mo sa kapuwa ay kadalasang ganun din ang


gagawin sa iyo. Halimbawa, kung naging matulungin ka sa kapuwa
mo ay tutulungan ka rin nila.
Kung ano ang puno, siya rin ang bunga.
Ginagamit sa paghahambing ng anak sa kanyang mga magulang.
Sapagkat ang mga magulang ang humuhubog sa pagkatao at paguugali ng anak, ang anak ang nagiging larawan ng pagkatao at paguugali ng kanyang mga magulang. Ang mabuti (o masamang) anak, ay
karaniwang ibinubunga ng mabuti (o masamang) mga magulang.
Kung hindi ukol, hindi bubukol.
Ang suwerte sa buhay ay huwag asahang makakamtan kung hindi
talagang nakalaan para sa iyo.
Kung may isinuksok, may dudukutin.
Matutong magtipid upang sa oras nang pangangailangan ay may perang
makukuha sa sariling ipon upang hindi na umasa sa tulong ng ibang tao.
Kung sino ang pumutak, siya ang nanganak.
Kung minsan ay kung sino pa ang nangangatuwiran ay siya pala ang mali.
At kung sino pa ang nagkakaila ay siya pala ang may gawa o may sala.
Magkulang ka na sa iyong magulang, huwang lang sa iyong biyenan.
Kadalasang ipinapayo eto sa mga nagbabalak magpakasal at sa mga
bagong mag-asawa upang mapabuti ang kanilang pagsasama. Ang mga
magulang kase ay higit na mapagtatakpan o mapapatawad ang mga
pagkukulang ng sariling anak.
May tainga ang lupa, may pakpak ang balita.
Mag-ingat sa mga sinasabi dahil maaaring marining iba nang hindi mo

nalalaman dahil may mga taong tsismoso at mahilig magkalat o gumawa


ng kuwento sa ibang tao.
Nasa tao ang gawa, nasa Diyos ang awa.
Hindi sapat na tayo ay humingi ng awa sa Diyos, kailangan din natin
ang magsikap at gumawa upang matamo ang minimithing biyaya
Pagkahaba-haba man ng prusisyon, sa simbahan din ang tuloy.
Sa tinagal-tagal man ng samahan ng isang magkasintahan, at sa kabila ng
maaaring maging balakid sa kanilang pagmamahalan, sa bandang huli ay
hahantong din sa kasalan ang kanilang samahan kung sila ay talagang
nakalaan para sa isa't-isa.
Pagmakitid ang kumot, magtiis kang mamaluktot.
Tayo ay dapat mamuhay nang naaayon sa ating sariling kakayahan. Dapat
magtipid at mamuhay ng payak kung eto lang ang kaya ng ating kabuhayan.
Huwag nating tularan ang pamumuhay ng mga mas nakiririwasa sa atin.

Anda mungkin juga menyukai