kabila ng hinanakit. Kahit ganito ang sitwasyon, hindi pa rin tumitigil ang ina ni
Amelita sa pagsasaring ukol sa mahirap na pamumuhay ng mag-asawa.
Ipinamumukha pa rin niya ang matinding pagtutol sa manugang na si Mauro.
Lumipas ang ilang taon. Lumaki si Rosalida na isang mabait at matalinong bata.
Isang araw ay nagbalik si Osmundo sa probinsya, at nagkaroon ng malaking
pagdiriwang para sa kanyang pagdating. Doon muling nagkatagpo sina Mauro at
Osmundo, subalit kinalimutan na ng dalawa ang nakaraan. Taliwas naman dito ang
nadaramang pangamba ni Amelita sa pagbabalik ng masugid na panliligaw.
Nararamdaman nitong may plano itong masama laban sa kanyang pamilya.
Hindi pa rin nawawala ang pag-ibig ni Osmundo kay Amelita, kahit na may asawa't
anak pa ito. Nagkaroon ng pagkakataong makilala niya si Rosalida, at naging
magaan ang loob nito sa bata. Isang araw ay naisipang ipasyal ni Osmundo si
Rosalida sa kanyang hasyenda. Wala ito sa kaalaman nina Mauro at Amelita, at labis
na nag-alala ang mag-asawa. Buong akala nila'y si Rosalida ang paghihigantihan ni
Osmundo ngunit di naglaon ay nagbalik rin ang bata, ipinagmamalaki pa ang
kabaitang ginawa ni Osmundo. Di nagtagal, napagkuro na rin ni Osmundo na
tuluyan ng tumira sa ibang bansa at kalimutan ang minamahal na si Amelita.
~~~~~~
Ang nobela ni Arceo, bagama't halos animnapung taon na ang nakaraan mula sa
pagkakalathala nito, ay maliwanag pa ring sumasalamin sa kalagayan ng mga titser
sa kasalukuyang panahon. Sila ang nagsisilbing tagapaghubog ng kaisipan ng
susunod na henerasyon, ngunit sila'y binibigyan lamang na maliit na pahalaga.
Isang patunay nito ang laganap pa ring paggigiit ng mga guro para sa mas mataas
na sahod, na kung pagbigyan man ng pansin ng gobyerno'y di pa rin sapat para sa
trabahong kanilang ginagawa.
Marahil luma na sa atin ang kasabihang, "kung ayaw mong maghirap, huwag kang
magtitser." At ang kalumaan nito siguro ang naging dahilan kung bakit tinatanggap
na lamang natin itong isang masakit na katotohanan na walang solusyon. "Ang
pagtuturo'y isang bokasyon, hindi propesyon," wika nga. Ang kaisipang ito na rin
marahil ang dahilan kung bakit pinipili ng ibang mga guro sa kasalukuyan ang
magtrabaho sa ibang bansa kaysa sa sariling bayan: una'y nagagawa nila ang gusto
nilang gawin, at ikalawa'y nagagawa nila ito ng may natatanggap na
pagpapahalaga at pribilehiyo. Sa lipunang ito,marahil kailangan na nating buwagin
ang kaisipang kailangang magsakripisyo ng mga guro. Marahil kailangan na nating
bigyan ng mataas na pagtingin at kabayaran ang pagsisilbing ginagawa ng mga
titser ng lipunan. Sila ang tagapaghulma ng mga susunod na "tituladong"
mamamayang tinitingala ni Aling Rosa. Sila ang gagawa ng mga bagong "Dr.",
"Atty.", "Engr.", "PhD" at iba pa. Bakit kailangan nilang maghirap pinansyal?
Pamagat: Titser
Awtor: Liwayway A. Arceo
Uri ng Panitikan: Nobela, isang serye mula sa magasing Liwayway noong 1950's
Wika: Pilipino
Taon ng Paglalathala: 1995
Tagapaglimbag: Ateneo de Manila University Press
Protagonista: Amelita Martinez at Mauro
Lugar: Isang pamayanan sa kanayunan
Punto de bista: Ikatlong Persona
Tema: pakikialam ng ina sa pag-aasawa at propesyon ng anak, pag-iibigan ng
dalawang guro sa kabila ng kahirapan