Anda di halaman 1dari 1

poetry

Pagkat lalaki ka
ni Michael M. Coroza

I.

Pagkat lalaki ka, Anak,


matuto kang umiyak.
Mapait langgasin ng luha ang gunita
o ang bagong sugat ng huling pagkadapa
subalit malinis at subok ang bisa
ng luha sa pagtanggal ng mga mikrobyo
sa isip, puso at buong pagkatao.

Pagkat ikaw ay lalaki,


matuto kang magsisi.
Dagok sa dangal ang pag-amin sa kasalanan
ngunit sadyang walang may monopolyo ng katwiran,
hayaan mong ikaw ay usigin, husgahan,
sa ganyan mo mahahanap ang angkop na sangkap
upang ang iyong pagkatao’y maganap.

II.

Minana mo, Anak,


ang laksang pribilehiyo
na pinagpasasaan
ng mga nagtindig
ng Tore ng Babel,
Piramide, Koliseo,
Ziggurat, Templo
at mga imperyo.

Iyo rin ang luwalhating


tinatamasa nila
sa mga maskuladong
pahina ng historya.

Ngunit, Anak, dumadaloy rin


sa iyong katauhan
ang mapagmalupit
nilang lohika’t pangalan
na nandarahas, gumagahis,
nagpipiit sa iyong ina’t
sa lahat ng ina’t babae sa daigdig.

Anda mungkin juga menyukai