Sa isang nayon, ang mga tao ay masaya at masaganang namumuhay. Mapagpala ang kalikasan sa
kanila. Ang pangunahing hanapbuhay nilay ay ang pangingisda. Sagana sa maraming isda ang
karagata. May isang diwatang nagbabantay at nag-aalaga sa mga isda at ito'y nalalaman ng mga
taganayon. Ngunit may mga taong sakim, ibig nilang makahuli ng maraming-maraming isda
upang magkamal ng maraming salapi. Gumamit sila ng dinamita kaya't labis na napinsala ang
mga isda, pati ang maliliit ay namatay.
Nagalit ang diwata sa kasakiman ng mga tao kaya't mula noon ay wala nang mahuli kahit na isda
ang mga tao. Naghirap at nagutom ang mga tao at naging pangit na rin ang karagatan na dati'y
sakdal ganda. Nagpulong ang mga taganayon at napagpasyahan nilang humingi ng tawad sa
diwatang nangangalaga sa karagatan. Nakiusap din silang ibalik na ang dating ganda ng
karagatan at gayundin ang mga isda. Nangako sila na hindi na gagamit ng anumang makasisira
sa kalikasan.
Mula nang sila'y humingi ng tawad sa diwata ay bumalik na ang ganda ng karagatan at muling
dumami ang mga isda. Nanaganang muli ang kabuhayan ng mga tao.
Isang araw si Juan ay inutusan ng kanyang inang si Aling Maria. "Juan, pumunta ka sa palengke
at bumili ng mga alimangong maiuulam natin sa pananghalian. "Binigyan ng ina si Juan ng pera
at pinagsabihang lumakad na nang hindi tanghaliin.
Nang makita si Juan sa palengke ay lumapit siya sa isang tinderang may tindang mga alimango
at nakiusap na ipili siya ng matataba. Binayaran ni Juan ang alimango at nagpasalamat sa tindera.
Umuwi na si Juan ngunit dahil matindi ang sikat ng araw at may kalayuan din ang bahay nina
Juan sa palengke ay naisipan ni Juan na magpahinga sa ilalim ng isang punungkahoy na may
malalabay na sanga. Naisip niyang naghihintay sa kanya ang ina kaya't naipasya niyang paunahin
nang pauwiin ang mga alimango. "Mauna na kayong umuwi, magpapahinga muna ako, ituturo
ko sa inyo ang aming bahay. Lumakad na kayo at pagdating sa ikapitong kanto ay lumiko kayo
sa kanan, ang unang bahay sa gawing kaliwa ang bahay namin. Sige, lakad na kayo."
Kinalagan ni Juan ang mga tali ng mga alimango at pinabayaan nang magsilakad ang mga iyon.
Pagkatapos ay humilig na sa katawan ng puno. Dahil sa malakas ang hangin ay nakatulog si
Juan. Bandang hapon na nang magising si Juan. Nag-inat at tinatamad na tumayo. Naramdaman
niyang kumakalam ang knyang sikmura. Nagmamadali nang umuwi si Juan. Malayu-layo pa siya
ay natanaw na niya ang kanyang ina na naghihintay sa may puno ng kanilang hagdan. Agad na
sinalubong ni Aling Maria ang anak pagpasok nito sa tarangkahan. "Juan, bakit ngayon ka lang
umuwi, nasaan ang mga alimango?" "Bakit po? Hindi pa po ba umuuwi?" Nagulat ang ina sa
sagot ni Juan. "Juan, ano ang ibig mong sabihin?" Nanay, kaninag umaga ko pa po pinauwi ang
mga alimango. Akala ko po ay narito na."
"Juan, paanong makauuwi rito ang mga alimango? Walang isip ang mga iyon." Hindi naunawaan
agad ni Juan ang paliwanag ng ina. Takang-taka siya kung bakit hindi nakauwi ang mga
alimango. Sa patuloy na pagpapaliwanag ng ina ang mga alimango ay hindi katulad ng mga tao
na may isip ay pagpapaliwanag ni Juan na mali nga ang ginawa niyang pagpapauwi sa mga
alimango.
ANG BATIK NG BUWAN
Mag-asawa ang araw at ng buwan. Marami silang mga anak na bituin. Gustung-gusto ng araw na
makipaglaro sa kanyang mga anak at ibig na ibig niyang yakapin ang mga ito ngunit
pinagbawalan siya ng buwan sapagkat matutunaw ang mga bituin sa labis na init ng araw.
Kinagagalitan ng araw ang mga anak kapag lumalapit sa kanya.
Isang araw, nagtungo sa ilog ang buwan upang maglaba ng maruruming damit. Ipinagbilin niya
sa asawa na bantayan ang mga anak ngunit huwag niyang lalapitan ang mga ito. Binantayan nga
ng araw ang mga anak. Buong kasiyahan niyang pinanood ang mga ito habang naghahabulan.
Nakadama siya ng pananabik at hindi siya nakatiis na hindi yakapin ang mga anak. Bigla niyang
niyakap ang lipon ng maliliit na bituin nang madikit sa kanya ay biglang natunaw.
Hindi naman nagtagal at umuwi n ang buwan. Nagtaka siya sapagkat malungkot ang asawa.
Naisipan niyang bilangin ang mga anak ngunit hindi nya nakita ang maliliit kaya't hinanap niya
ang mga ito kung saan-saan. Hindi niya matagpuan ang mga anak. Sa gayo'y sinumabatan niya
ang asawa. "Niyakap mo sila? Huwag kang magsisinungaling!"
Hindi na naghintay ng sagot ang buwan. Mabilis niyang binunot ang isang punong saging at
tinangkang ipukol sa asawa na nakalimutan na ang kanyang kasalanan. Ang tanging nasa isp
niya ay kung paano niya maipagtatanggol ang sarili sa asawang galit na galit. Dumampot siya ng
isang dakot na buhangin at inihagis sa nukha ng buwan at dahilan sa nangyari ay nagkaroon ng
batik ang mukha ng buwan. Hinabol ng buwan ang araw upang makaganti sa ginawa nito sa
kanya at hanggang ngayon ay hinahabol pa rin ng buwan ang araw.