Anda di halaman 1dari 17

ALAMAT NG MAYA

The Legend of "Maya"

Si Rita ay batang lubhang malikot. Ang kanyang ina ay laging naiinis sa mga
ginagawa niyang hindi dapat gawin ng batang katulad niya.

Isang araw, ang kanyang ina ay nagbayo ng palay. Si Rita ay nanood sa kanyang
ina. Siya’y gutum na gutom sapagkat galing siya sa laruan. Nang mayroon ng isang salop
ang nabayong bigas, si Rita ay nagsimula nang kumain ng bigas. Ang nalagyan ng bigas
ay malaki at may takip na bilao. Binuksan niya at pumasok siya sa loob. Ngayon
natakpan siya ng bilao. Hindi nahalata ng ina. Nang matapos na ang ina sa kanyang
pagbabayo ay tinawag niya si Rita upang utusan sa pagtatago ng binayo. Hindi sumagot
si Rita. Hinanap ng ina sa lahat ng taguan, wala rin rin si Rita roon.

Nang kanyang buhatin ang lalagyan ng bigas may lumabas na maliit na ibon galin
sa loob.Kumain ng bigas ang ibong iyon. Ang ibong iyon ay si Rita, ang tinatawag
ngayong maya.
ANG ALAMAT NG DAHONG PALAY
The Legend of the Ricefield Snake

Noong unang panahon ang mga ahas ay walang kamandag. Sa ganito sila ay hindi
kinakatakutan at pinakukundanganan tisurin o patayin. Sa gayon nilang katayuan ay
minarapat nilang gumawa ng paraan upang sila’y pangilagan ng tao at huwag patayin.

Kaya’t ang kanilang puno’y dumalangin humingi ng kamandag kay Bathala. Ang
kanilang kahilingan ay hindi naman pinagkaitan ng Panginoong Diyos.

Isang araw ang Panginoong Diyos ay nanaog at dala ang isang kamandag upang
batiin ang mga ahas. Ang unang nakakuha ay ang ulupong kung kaya ang kanya ang
pinakamabagsik. Ang lahat ay nakakuha ng kamandag maliban lamang sa dahongpalay
na hindi kaagad nabatid ang pagbibigayan ng kamandag.

Nang madatnan niya ang pook na bigayan ng kamandag ay ang banga na lamang
ang kanyang nakita. Sa hangad niyang magkaroon ng kamandag ay nagpaikot-ikot siya
sa loob ng banga na ang kamandag ay napunta sa kanyang balat. Ngayon ang
dahongpalay ay may kamandag sa balat at hindi sa loob ng katawan.
ANG ALAMAT NG BUTIKI
Legend of the Lizard

Noong unang panahon, may magkasintahan na masasabing walang katulad.


Walang kasing tamis ang kanilang pagmamahalan. Isang araw ay nagkaroon ng isang
mahigpit na pagsubok ang kasintahan ng binata. Sapagkat dalisay ang pag-ibig ng binata,
sinabi niya sa kasintahan na ipag-patuloy ang gagawing pagsubok. Sa madali’t sabi,
ipinag-tapat ng dalaga sa kasintahan na kailangan niya ang puso ng kanyang ina. Ito ang
magpapatunay ng kanyang katapatan at nangako ang dalaga na kung magtagumpay
siyang maisagawa ito, ay agad silang magpapa-kasal.

Walang kibong umalis ang binata patungo sa kanilang tahanan upang tuparin ang
tagubilin ng kanyang kasintahan. Dali-daling umakyat at kanyang naratnan ang ina na
nakaluhod sa harap ng altar sapagkat orasyon na noon. Nangangatal ang buong katawan
na kinuha ang balaraw at sabay na itinarak sa dibdib ng ina. Agad niyang kinuha ang
puso ng ina at tumakbong patungo sa kanyang kasintahan. Ngunit sa kasawiang palad,
at marahil sa parusa ng nasa itaas, ay bigla na lamang siyang nadupilas at ang puso na
kanyang hawak ay nahulog sa isang bitak. Ang puso’y biglang nangusap, “Bakit mo ako
ginanito anak? Bakit mo sinunod ang maruming mithiin ng iyong kasintahan? Dapat
mong malaman na ang isang ina ang pinagkakautangan mo ng buhay ay di na makikita
kailan pa man.

Lumuhod ang binata na nagsisisi. Nais niyang isauli ang puso, subalit wala nang
magagawa. Ang binata ay bigla na lamang naging butiki, na gumagapang na lamang
buhat noon.
ANG ALAMAT NG SINGKAMAS
Legend of the Turnip

Nangyari ito noong unang panahon bago pa lamang sinakop ng mga Kastila and
ating bayan. Dahil sa bagong salta pa lamang ang mga dayuhan, at hindi nila kabisado
ang sulok-sulok ng mga bayan, inutusan ng gobernadorsilyo ang kanyang limang sundalo
na mamasyal at magmasid sa baryo at pag-aralan ang maraming bagay na matatagpuan
sa ating bayan.

Sa kanilang paglalakad nakakita sila sa gitna ng maluwang at patag na bukirin ng


mga magsasaka na may binubunot na kung anong halaman. Nilapitan nila ang
magsasaka at nakita ang halaman na mapuputi at medyo bilog na mga laman.. Humingi
ang mga sundalo sa magsasaka ng tubig ngunit hindi sila maintindihan ng mga ito.
Lumapit ang mga kawal at sinabing “Uhaw na uhaw na kami at nagugutom puwede nyo
ba kaming bigyan niyan.” Sabay turo sa halamang hawak ng magsasaka, ngunit hindi pa
rin nila maunawaan ang salita nito.

“Alam ko na!” ang sabi ng isang magsasaka. “Nanghihingi sila ng ating ani.” At
saka inabot sa kawal ang isang malaking laman. Tinalupan niya ito at ibinigay sa kawal
na Kastila. Pagka-ubos ng isa ay nasarapan ang kawal sabay sabi ng “Cinco mas!” na ang
ibig sabihin ay “lima pa”. “Singkamas pala ang tawag dito.”

Binigyang muli ng mga magsasaka ang kawal. “Si cinco mas” tugon muli ng
nakangiting kawal at nagpasalamat ang mga sundalo.

Pagkaalis ng limang sundalo ay tinikman ng mga magsasaka ang dati’y hindi nila
kinakain na halaman. “Malamig pala at makatas!” ang halo magkapanabay na wika nila.
“Mainam na pamatid uhaw! And sabad naman ng isa. Kumain sila ng marami hanggang
sa mawala ang uhaw nila. Pag-uwi ay pinagbigay alam nila sa kanilang kababaryo ang
lahat ng pangyayari. Mula noon ang laman ng makatas, maputi at manamis namis na
halaman at tinawag na nilang SINGKAMAS, hango sa mga salitang “CINCO MAS”.
ALAMAT NG PARU-PARO
Legend of the Butterfly

Noong unang panahon may magkapatid na ulila na naninirahan sa isang ilang na


baryo sa Laguna. Ito ay sina Amparo na ang palayaw ay Paro samantalang ang
nakababata naman ay si Perla na pawang sumisibol na dalagita. Pagtitinda ng bulakalak
ang kanilang ikinabubuhay. Magkaiba ang ugali nila, si Amparo ay tamad at walang
kinagigiliwang gawin kundi ang lumapit sa mga bulaklak at amuyin ito. Samantalang si
Perla naman ay masipag at masinop sa kabuhayan. Likas na mabait si Perla pasensiya na
lamang ang kaniyang binibigay sa kapatid na si Amparo na ubod na tamad.

Ngunit isang araw ay naubos na ang pasensiya ni Perla at nagalit kay Amparo na
laging nagrereklamo sa kanilang ulam. Galit din sumagot si Amparo “Anong gusto mo
alilain ako at busabusin, ako ang masusunod dahil ako ang nakakatanda.” Sabay nanaog
at pumitas ng halaman sa hardin at nagtuloy sa ilog upang pagmasdan ang bulaklak sa
kanyang buhok. Pagdukwang niya ay tuloy-tuloy siyang nahulog sa ilog. Sa pag-aalala
pala sa kapatid ay sumunod si Perla at kitang-kita niya nang mahulog siya sa ilog.
Sumigaw ng malakas si Perla “Paro!Paro!, marami ang nakarinig at tinulungan siya
ngunit walang Amparo silang nakita.

Habang balisang nagmamasid ang mga tao sa ilog, ay may isang bulaklak ang
lumutang sa knahulugan ni Amparo at unti-unti itong gumalaw, dahan-dahang nawala
ang hugis bulaklak nito at unti-unting umusbong ang pakpak na may iba’t-ibang kulay.
Walang ano-ano ay lumipad at nakita ni Perla ito na pumunta sa halamanan at
nagpalipat lipat sa mga bulaklak. Kinutuban si Perla at nasambit niya ang katagang
“Paro! Paro…!

Simula noon, ang maganda at makulay na munting nilikha ay tinawag ng mga tao
na PARUPARO.
Ang Alamat ng Alitaptap

Noong unang panahon, may isang makisig na binata na nais mag-asawa ng


pinakamagandang dilag. Siya ay mayabang at masyaong malaki ang pagkakilala sa sarili.
Kung minsan tuloy, nagdaramdam ang ilang mga dalaga s kanya dahil sa pamimintas
niya kahit nakaharap ang dalaga.

Isang araw, papunta na siya sa bundok upang manguha ng yantok nang


masalubong niya ang isang napakagandang dalaga na nakasuot ng putting-puti.

"Napakagandang dalaga," wika niya sa sarili at tuloy-tuloy na nilapitan niya ito.

Nang malapit na siya, nagtatakbo ang dalaga at nawalang parang bula. Hinanap
niya ang dalaga sa buong kagubatan ngunit hindi niya nakita.

Sa tagal at hirap na dinanas ng binata sa paghahanap sa dalaga, nagalit siya.


"hindi ka talaga maganda. Ang ilong mo'y pango, ang mata mo ay duling at ang
mga tenga mo ay malalapad!" sigaw ng binata.

Dahil sa pagkahapo ay nahiga siya sa lilim ng punung-kahoy para magpahinga.


Naidlip siya at nang magising, nakita niya ang magandang dilag. Alam niyang maganda
talaga ang dalaga at hindi totoo ang sinabi niya.

Siya ng dalaga, "ininsulto mo ako, kaya mula ngayon, ikaw ay magiging isang
kulisap. Manunumbalik lamang ang anyo mo kapag naipakita mo sa akin ang isang
dalagang mas higit ang kagandahan sa akin. Humayo ka at hanapin mo ang dalagang
sinasabi ko para mabalik ang dati mong anyo," ang utos ng engkantadang babae.

Lumipad ang binatang naging kulisap upang hanapin ang babaeng mas maganda
pa kaysa sa engkantada. Naghanap siya gabi't araw. Upang makita niya ang babaing
gaganda pa sa sumpa sa kanya, nagdala siya ng ilaw tuwing gabi. Ang binatang yaon na
naging kulisap ang tinawag natin ngayong alitaptap.
Ang Alamat ng Sampaguita

Ang sampaguita, na ating pambansang bulaklak, ay may iniingatang isang


magandang alamat. Ang dalawang pangunahing tauhan ay bibigyan natin ng mga
makabagong pangalan, bagaman ayon sa mattanda, ang mga tagpong inilalarawan sa
kuwento ay nangyari noong bago pa dumating dito sa atin ang mga Kastila.

Noo'y panahon pa ng mga baranggay at datu. Ang Balintawak at ang Gagalangin


ay baranggay na magkapit-bahay. Sa pagitan ay may isang matibay na bakod na yari sa
mga pinatuyong kawayan , na tuwing limang taon ay ginigiba at pinapalitan. Kung
minsan, ang nagpapalit ay ang mga kawal ng datu sa Gagalangin; kung minsan naman ay
ang mga kawal ng datu sa Balintawak. Ngunit ang lahat ay gumagawa alinsunod sa utos
ng kani-kanilang puno.

Ang datu ng Balintawak ay mayroon daw isang anak na dalaga na walang


pangalawa sa kagandahan, maging sa mukha at sa pag-uugali. Ang ngalan niya ay Rosita,
wala na siyang ina, datapuwa't mayroon siyang apat na abay na pawang mga dalaga rin;
sila ang nag-aasikaso sa kanyang mga pangangailangan. Maraming binatang nagingibig
sa kanya, ngunit ang nakabihag ng kanyang mailap na puso ay ang anak na binata ng
datu ng Gagalangin na nangangalang Delfin.

Nakapagtataka kung bakit gaong ang kanilang mga ama ay mahigpit na


magkaaway ay sila'y tinubuan ng pag-ibig sa isa't isa. Marangal ang pag-ibig ni Delfin kay
Rosita -- walang halong pag-iimbot, alang ano mang masamang hangarin. Sa isang sulok
ng bakod ng hanggahan natatabingan ng malagong halaman, si Delfin ay gumagawa ng
isang lihim na lagusan kanayang madaraanan. Kaya't kung gabing maliwanag ang
buwan, malimit daw magpasayal sila ni Rosita, kasama ang mga abay na dalaga.
Sinasamyo nila ang malinis na simoy ng kabukiran at pinanonood nila ang kaayaayang
mukha ng buwan. Ang pag-iibigan nilang iyon ay lingid sa kaalaman ng kanilang mga
magulang.

Minsan, nabalitaan ng datu ng Gagalangin na ang hanggahang bakod ay


binubuwag at pinapalitan ng mga taga-Balintawak. Nag-utos siya sa ilan niyang mga
tauhan upang magmasid sa ginagawang pagbabakod ng mga taga-Balintawak. Nang
sila'y magbali, tumanggap siya ng blita na ang bagong bakod na itinatayo ay iniusod
nang may limang talampakan sa dako ng Gagalangin, at samakatuwid ay nakakakuha sa
kanilang lupa. Agad siyang nagpautos sa datu ng Balintawak.

"Sabihin ninyo," anya sa mga utusan, " na ibalik ang bakod sa dating kintatayuan.
Hindi matuwid ang kanilang ginagawa, sapagka't tunay na isang pagnanakaw."
Nagalit ang datu ng Balintawak nang humarap sa kanya ang mga sugong buhat sa
Gagalangin at sabihin sa kanya ang biling ng datu roon. "Sabihin niyo sa inyong datu,"
ang wika niya sa mga sugo," na ako'y hindi magnanakaw. Ang bakod ay binbalik ko
lamang sa dapat kalgyan ayon sa natuklasan kong mga kasulatan ng aking mga nuno."
Ipinag-alab bg loob ng ama ni Delfin ang tinanggap niyang balita. Sa gayung mga
alitan, ang karaniwang nagiging hangganan ay digmaan.

Inihanda ng datu ng Gagalangin ang kanyang mga hukbo. Kailangang bawiin niya
sa pamamagitan ng patalim ang lupang sa palagay niya ay ninakaw sa kanya. Nang
mabalitaan ng datu ng Balintawak na ang Gagalangin ay naghahanda upang siya ay
digmain, iginayak din niya ang kanyang mga kawal. Nang malapit na ang araw ng
paglusob ng hukbo ng Gagalangin sa mga taga-Balintawak, ang datu ay biglang dinapuan
ng isang mahiwagang karamdaman at di nagtagal ay namatay. Naiwan kay Delfin ang
isang mabigat na panagutan: siya ang magiging heneral ng hukbo ng Gagalangin.

Nang makarating sa kaalaman ni Rosita ang bagay na ito, siya'y kinabahan. Si


Delfin ay batang-bata at wala pang gaanong karanasan sa digmaan, samatalang ang
kanyang ama ay nahasa na sa maraming pakikilaban sapul pagkabata. Gayon na lamang
ang kanyang pag-aalala. Ibig sana niyang magkausap sila ni Delfin upang ito'y himuking
iurong na ang digmaan at mapayapang pakipag-usapan sa ama niya ang lahat.
Datapuwa't wala na silang panahon upang magkausap pa. Kinabukasan noo'y lalabas na
sa larangan ang kanyang ama sa unahan ng isang malaking hukbo.

Naging madugo ang labanan nang magsagupa ang dalawang hukbo. Maraming
nalagas sa magkabilang panig. Si Delfin ay natadtad ng sugat , at dahil sa masaganang
dugong nawala sa kanya, siya'y nabuwal na lamang at sukat sa lupa. Bago siya nalagutan
ng hininga, ipinagbilin niya sa kanyang mga kawal na doon siya ilibing sa tabi ng
hanggahang bakod, malapit sa lihim na lagusang dinaraanan niya kung gabing
maliwanag ang buwan at sila ni Rosita, kama ng mga abay nito, ay mapayapang
namamasyal sa makapal na damuhan.

Hindi nabanggit ng mga matatandang nagkuwento ang sinapit na buhay ng


dalawang magsing-ibig, kung ano ang naging hanggan ng labanan. Ang sabi lamang nila
ay ganito : nang mabalitaan ni Rosita ang pagkamatay ni Delfin sa labanan, ang dalaga'y
nagkasakit sa matinding dalamhati. Nagpatawag ng magagaling na mangagamot ang
datung ama niya, ngunit sino man sa kanila'y hindi nakapagpagaling sa kaawa-awang
dalaga. Unti-unti itong pinanawan ng lakas. Nang sa palagay ni Rosita ay hindi siya
magtatagal, hiningi niya sa kanyang ama na ang bangkay niya'y doon lamang ilibing sa
tabi ng pinaglibingan kay Delfin. Masaklap man sa kalooban ng datu, pinagbigyan niya
ang kahilingan ng minamahal niyang anak.

Maraming taon ang lumipas mula noon. Nawala na ang mga baranggay at
dumating na ang mga Kastila. Naitatag na ang siyudad ng Maynila. At buhat noo'y
marami ng tao sa Balintawak at sa Gagalangin. Ngunit ang mga tao sa dalawang pook na
ito ay naliligalig sa isang mahiwagang bagay. Kung buwan daw ng Mayo, lalu na kung
mga gabing maliwanag ang buwan, may mahiwagang tinig na naririnig ang
nagsisipanirahan sa may pagitan ng ng dalwang nayong naturan. Ang tinig ay waring sa
isang babae at malambing daw na parang marahang bulong ng panggabing hanging
humahalik sa mga dahon ng halaman. "Sumpa kita! ...Sumpa kita!" ang winiwika raw ng
tinig. Ngunit ang mga tao, kung minsa't sila'y nagbabantay, ay wala namang nakikita.
Napansin nila na ang waring nagmumula sa isang masukal na dako, na sinibulan ng
dalawang puno ng halamang ang mga bulaklak ay may kaliitan datapuwa't maputi,
maraming talulot at ang iwing bango'y pambihira. Ganyan ang lagi nang nasasaksihan ng
mga tao roon kung buwan ng Mayo, taun-taon.

Sa di-kawasa'y naisipan nilang hukayin ang dalawang halamang iyon upang


matuklasan ang hiwaga ng malambing na tinig at ang kahulugan ng mga salitang
sinasambit. Hindi naman sila gaanong naghirap. Nguni't ang kanilang pagtataka'y lalo
pang nadagdagan nang makita nilang ang dalwang puno ng mababangong halaman ay
nagmumula sa mga bibig ng dalawang bungong hindi gaanong nagkakalayo sa
pagkakabaon, at nakakabit pa rin sa kalansay. Ngayo'y nanariwa sa alala ng mga
matatanda ang kasaysayan ng dalawang kapos-palad - Si Delfin at si Rosita. Samantala....

Ang kuwento'y nagkasalin-salin sa maraming bibig, at ang "Sumpa kita!" na


inihahatid ng panggabing simoy sa pandinig ng mga nagmamatyag ay naging
"Sampaguita" , na siyang iningalan na tuloy sa mahalimuyak na bulaklak ng halamang
tumutubo sa libing ng magsing-irog.
Ang Alamat ng Aso

Noong panahon na bata pa ang mundo, ay may isang maa-anak na tahimik at


masayang namumuhay sa loob ng kakahuyan.

Ang ama; si Roque ay mabait at mapagkalinga sa kanyang pamilya. Nagtatanim


siya ng mga gulay at nanghuhuli ng mga hayop sa gubat upang kanilang maging pagkain.

Samantalng ang ina naman; si Magda ay siyang nag-aasikaso sa kanilang bahay at


dalawang anak na sina Maria at Jose.

Minsan, nagulat ang pamilya sa pagdating ni Roque na may pangko na isang


sugatang lalaki.

Ang lalaki ay iniligtas ni Roque mula sa mga pusang-gubat nang ito ay maligaw.
Inalagaan ito ng pamilya.

At sa paglipas ng panahon, naging malakas na ang lalaki na nakilala nilang


Damaso.

Isinalaysay ni Damaso na pinalayas siya ng kanyang amo dahil sa hindi niya


nabantayan ang mga taniman nito ng ubas, naging dahilan upang manakawan ang
bunga ng mga ito. At sa kanyang paglayas naligaw siya sa gubat at inatake ng maraming
alamid.

Naaawa naman ang pamilya kay Damaso, kaya doon na pinatira sa bahay nila ito.
Itinuring nila itong kapamilya at nakatulong pa ni Roque sa pang-araw-araw na
paghahanap ng pagkain.

Ngunit lingid kay Roque, may namumuong lihim na pagkagusto sina Magda at
Damaso sa isa't-isa.

At isang araw nga, nagpasya sina Damaso at Magda tumakas sa ibang lugar.

Nag-iyakan ang dalawang batang sina Maria at Jose.

"Ina huwag mo po kaming iwan nila ama!", ang iyak ni Maria

"Oo nga po! Mang Damaso, huwag n,yong kunin ang aming ina!", ang iyak rin ni
Jose.
Ngunit hindi napigilan sina Magda ng kanyang mga anak. Sumakay pa rin sila ng
bangka at umalis na kasabay ng agos ng ilog.

Lalong ngg-iyakan ang dalawang bata. Nais na sanang magbago ng isip si Magda,
ngunit nanaig ang kanayng pagka-gusto kay Damaso.

Mula sa malayo, anong gulat nila Magda nang makitang nagtalunan sa ilog sima
Maria at Jose upang humabol.
Napatayo so Magda sa bangka, dahil alam niyang hindi marunong lumangoy ang
dalawang bata.
Siyang pagdating ni Roque, na agad ding tumalon sa ilog upang iligtas ang mga
anak. Ngunit lumakas and agos ng ilog, at napailalim sa tubig ang mag-aama.

Mula sa malayo, natanaw nina Magda at Damaso and pang-yayari. At sising-sisi


ang dalawa sa kanilang nagawa, lalo pa't hindi na nila nakitang pumaibabaw sa tubig ang
mag-aama.

Bigla, mula sa tubig ay isang babae ang lumutang sa hangin.

"Masahol pa kayo sa hayop! Dahil sa inyong makasariling pagnanasa ay nagawa


ninyong saktan ang ibang tao. Dapat lamang kayong maging kauri ng hayop," ang wika
ng babae na diwata pala ng ilog.

Bigla ang pagbabago ng anyo ni Magda at ni Damaso. Ang kanilang katawan ay


puno ng balahibo, humaba ang kanilang mga nguso, tumalim ang mga ngipin at
nagkapangil. At kasunod niyon, hindi na nila nagawang makapagsalita, bagkus ay ungol
at kakatwang ingay ang lumalabas sa kanilang mga bibig.

"Mananatili kayo sa ganyang anyo, hangga't ikaw Damaso ay hindi natutong


tumanaw ng utang na loob napapala sa iyo. At ika Magda, hangga't hindi mo naipapakita
ang tunay mong pagmamahal s iyong mga magiging anak." At nawala na ang diwata
pagkawika niyon.

At ang dalawang isinumpa ay namuhay sa kakahuyan. Nagkaroon sila ng


maraming anak. Sila ang unang angkan ng mga aso sa daigdig. At sa dami ng mga tao,
ang mga aso ay naging alaga nila sa kanilang mga tauhan.

At sa hanggang ngayon nga ay pinapatunayan pa rin ng mga aso na sila ay tapat


sa kanilang mga amo.
Ang Alamat ng Makopa

Noong mga unang taon ng pananakop ng mga Kastila sa Pilipinas, sinasabing


tahimik at maligayang namumuhay ang mga tao sa isang nayon sa Kailokohan. Madaling
naihasik ng mga Kastila ang Kritiyanismo sa nayong yaon sapagkat ang mga mamamayan
at mababait at masunurin. Kilala rin sila sa kasipagan at pagkamadasalin.

Ganyan na lamang ang pagmamahal at pag-iingat ng mga tao roon sa gintong


kampana sapagkat nananalig silang sa kampanang yaon nakasalalay ang takbo ng
kanilang pamumuhay. Nagsisilbi yaong inspirasyon nila sa buhay. Lalo silang nagsisikap
na mapaunlad ang kanilang kabuhayan.

Ang kampanang ginto ay naging sagrado at napakahalaga sa mga mamamayan,


naging laging usap-usapan hanggang mabalitaan ng masasamang loob sa isang
malayong pook. Nais din nila ang kasaganaan, kaya't hinangad nilang mapasakanila ang
kampana. Lihim silang bumalangkas ng kaparaanan. Nalaman nilang sa itaas ng
simbahan nakalagay ang kampana. Isang gabing madilim ay nagsipaghanda sila at
sandatahang tinungo ang pook ng simbahan. Mangyari na ang mangyari, pilit nilang
kukunin ang kampana.
Sa kabutihang-palad, may nakapagbalita naman sa mga pari sa napipintong
panloloob sa simbahan. Nalaman nilang ang kampana ay nanakawin kaya't buong ingat
nila iton ibinaba at lihim na ibinaon. Ipagsasanggalang nila ito anuman ang kanilang
sapitin!

Nang dumating ang masasamang loob ay hindi na nila nakita ang kampanang
ginto. Laking galit nila! Dahil sa pagkabigo, pinagpapatay nilang lahat ang nasa simbahan
sapagkat ayaw magtapat sa kinaroroonan ng kampana.

Anong lungkot sa taong bayan kinabukasan! Patay lahat ang mga tao sa simbahan
- ang mga pari, sakristan at ilang mga tauhan ! Wala ang kampana at walang nakakaalam
kung saan ito naroroon.

Inasikaso ng taong bayan ang mga bangkay ng nasawi at inilibing ang mga iyon
nang buong dangal.

Mula noon, ang tagingting ng kampana ay hindi na narinig sa nayong naturan.


Nalungkot na ang mga tao at nawalan na sila ng sigla at pag-asa. Tinamad na rin sila at
natuyo ang kanilang pananim. Umunti na ng umunti ang kanilang ani at mga alagang
hayop.
Lumipas ang maraming taon at ang tungkol sa kampana ay nalimot na ng mga
tao. Nangamatay na ang matatandang nakakaalam sa kasaysayan ng kampanang ginto
at ang mga kabataan nama'y wala nang nalalaman tungkol doon.

Sa loob ng bakuran ng simbahan ay may tumubong isang punong di pa kilala ng


mga tao. Ito'y nagbunga ng hugis kampana, makikislap na pula ang labas at maputing
parang bulak ang laman. Sapagkat nasa bakuran ng simbahan, ang mga bunga'y sa
gintong kopa sa simbahan naihambing ng mga tao.

"Parang kopa!" ang sabi ng ilan.

"Maraming kopa!" ang bulalas naman ng marami.

Simula noon, kung tawagin ng mga tao ang pook simbahan ay sinasabing, :Doon
sa maraming kopa, doon sa makopa."

Nang matagalan, ang puno ay nakilala na sa tawag na makopa.


Alamat ng Lansones

Tumunog ang kampana sa munting Kapilya ng isang nayon sa bayan ng Paete,


lalawigan ng Laguna. Napabalikwas si Manuel at masuyong ginising ang nahihimbing na
kabiyak. "Gising na Edna, at tayo'y mahuhuli sa misa." Marahang nagmulat ng mga mata
ang babae, kumurap-kurap at nang mabalingan ng tingin ang asawa ay napangiti.

Mabilis na gumayak ang mag-asawa upang magsimba sa misang minsan sa isang


buwan idinaraos sa kanilang nayon ng kura paroko ng bayan. Hindi nagtagal at ang mag-
asawa ay kasama na sa pulutong ng mga taga-nayong patungo sa Kapilya. Magkatabing
lumuhod sa isang sulok ang magkabiyak at taimtim na nananalangin. "Diyos ko," and
marahang panalangin ni Edna, "Patnubayan mo po kami sa aming pamumuhay, nawa's
huwag magbago ang pagmamahal sa akin ni Manuel." Si Manuel naman ay taimtim ding
dumadalangin sa kaligtasan ng asawa, na alam niyang nagtataglay sa sinapupunan ng
unang binhi ng kanilang pag-iibigan.
Nang matapos ang misa ay magiliw na inakay ni Manuel ang kabiyak at sila'y
lumakad na pauwi sa kanilang tahanan. Sa kanilang marahang paglalakad ay biglang
napahinto si Edna.

"Naku! kay gandang mga bunga niyon," ang wika kay Manuel sabay turo sa puno
ng lansones na hitik na hitik sa bunga. "Gusto ko niyon, ikuha mo ako," ani Ednang halos
matulo ang laway sa pananabik. Napakurap-kurap si Manuel. Hindi niya malaman ang
gagawin. Alam niyang ang lansones ay lason at hindi maaring kainin ngunit batid din
naman niyang nagdadalang-tao ang asawa at hindi dapat biguin sa pagkaing hinihiling.
Sa pagkakatigagal ng lalaki ay marahan siyang kinalabit ni Edna at muling sumamong
ikuha siya ng mga bunga ng lansones.

"Iyan ay lason kaya't hindi ko maibibigay sa iyo." Pagkarinig ni Edna sa wika ng


asawa ay pumatak ang luha. Sunod-sunod na hikbi ang pumulas sa kanyang mga labi.
Parang ginugutay ang dibdib ni Manuel sa malaking habag sa asawa ngunit tinigasan
niya ang kanyang loob.

Masuyong inakbayan ni Manuel ang asawa at marahang nangusap. "Huwag na


iyan ang hilingin mo, alam mo namang iya'y lason. Hayaan mo at pagdating natin sa
bahay ay pipitas ako sa duluhan ng mga manggang manibalang."

Walang imikan nilang tinalunton ang landas patungo sa kanilang tahanan. Ang
maaliwalas na langit ng kanilang pag-iibigan ay biglang sinaputan ng ulap. Ni hindi
sinulyapan ni Edna ang mga manggang manibalang na pitas ni Manuel sa kanilang
duluhan. Ang babae'y laging nagkukulong sa silid, ayaw tumikim man lamang ng pagkain
at ayaw tapunan ng tingin ang pinagtatampuhang asawa.

Hindi nagtagal ang babae'y naratay sa banig ng karamdaman. Hindi malaman ni


Manuel ang gagawin sa kalunoslunos na kalagayan ng asawa."Edna, ano ba ang
dinaramdam mo?" lipos na pag-aalalang wika ni Manuel habang buong pagsuyong
hinahaplos ang noo ng maysakit.

Marahang iling lamang ang itinugon ng nakaratay at dalawang butil ng luha ang
nag-uunahang gumulong sa pisngi. Balisang nagpalakad-lakad si Manuel sa tabi ng
maysakit. Hindi niya matagalang tignan ang payat na kaanyuan ngayon na kaibang-
kakaiba sa dating Ednang sinuyo niya't minahal. Wala na ngayon ang namumurok na
pisngi, ang dating mapupungay na mga mata'y malalamlam, wala na ang ningning ng
kaligayahan, maputla ang dati'y mapupulang mga labi at mistulang larawan ng
kamatayan.

Nang hindi na niya makaya ang damdaming lumulukob sa kanyang pagkatao ay


mabilis na nagpasiya. Kukunin niya ang mga bunga ng lansones. Ang bunga ng
kamatayang pinakamimithi ng kanyang asawa. Sa wakas ay isinuko rin niya ang
katigasan ng kanyang loob, dahil sa matinding abag sa kabiyak.

Nanaog siya at tinungo ang puno ng lansones. Nanginginig ang kamay na pinitas
ang isang kumpol ng bunga ng kamatayan.

"Diyos ko, tulungan mo po kami, pinakamamahal ko ang aking asawa at wala


nang halaga sa akin ang buhay kung siya'y mawawala pa sa aking piling," nangangatagal
ang mga labing marahan niyang naiusal kasabay ng mariing pagpikit ng mga mata.
Sunod-sunod na patak ng luha ang nalaglag sa pagkagunitang ang bungang iyon ang
tatapos sa lahat ng kanilang kaligayahan.

Sa pagmumulat niya ng paningin siya'y nabigla. Anong laking himala! May


nabuong liwanag sa kanyang harapan at gayon na lamang ang kanyang panggigilalas
noong iyon ay maging isang napakagandang babaing binusilak sa kaputian.
Humalimuyak ang bangong sa tanang buhay niya ay noon lamang niyang masamyo. Sa
tinig na waring isang anghel ay marahang nangungusap ang babae. "Anak ko, kainin mo
ang bungang iyong hawak."

Nagbantulot sumunod si Manuel sapagkat alam niyang ang bungang iyon ay


lason. Sa nakitang pagaalinlangan ni Manuel ay muling nangusap ang babaeng nakaputi.
"Huwag kang matakot, kainin mo ang bungang iyong hawak." Pagkasabi noo'y kumuha
ng isang bunga sa hawak na kumpol ni Manuel at ito'y marahang pinisil.

Mawala ang takot ni Manuel at mabilis na tinalupan ang isang bunga ng lansones.
Anong sarap at anong tamis! Nang ibaling niya ang paningin sa babaeng nakaputi ay
nawala na ito. Biglang naglaho at saan man niya igala ang kanyang mata ay hindi makita.
"Salamat po, Diyos ko!" ang nabikas ni Manuel. Biglang sumigla ang katawanni Manuel
at hindi magkandatutong pinitas ang lahat ng mga bungang makakaya niyang dalhin at
nagdudumaling umuwi sa naghihintay na asawa.
Ang Alamat ng Ilang-Ilang

Sa isang nayon, may mag-asawang matagal na ring di magkaanak s kabila ng


kasaganaan nila sa buhay. Abot ang dasal nila kay Bathala na sana'y pagkalooban nga
sila ng anak.

Isang gabi, habang nananalangin ang babae, nagpakita ang isang anghel sa kanya
at nagwika, "Huwag kang matakot. Isinugo ako ni Bathala upang maghatid ng
magandang balita. Kayo ay bibigyan na ng anak na babae na napakaganda. Tawagin
ninyo siyang Ilang, subalit iwasan ninyo na mahawakan siya ng lalaki. Kapag nangyari
iyon, mawawala sa inyo ang inyong anak," pahabol ng anghel.

Nang nadalaga na si Ilang, maraming lalaki ang naakit sa kaniya.

Labis na nangamba ang mga magulang niya na baka mahawakn ng mga lalaki
kaya't kinulong nila sa isang silid ang anak.

Matinding kalungkutan ang nadama ni Ilang. Lagi siyang umiiyak araw at gabi.
Gabi-gabi ay nananalangin siya.

Dininig ni Bathala ang panalangin ni Ilang. Isang araw, biglang nabuksan ang
bintana sa silid ni Ilang at siya'y tuwang-tuwang nakalabas. Nagmasid sa magandang
hardin at lumanghap ng sariwang hangin. Walang anu-ano, biglang may nakakita sa
kaniya. Tinawag siya ng isang lalake at hinawakan ang kaniyang palad.

Huli na nang dumating ang kaniyang ina. Si Ilang ay unti-unting naglaho. Walang
nagawa ang ina kundi umiyak na lang at sinabing, "Ilang… Ilang… nasaan ka na anak?"
Isang napakabangong halimuyak ng isang bulaklak ang naamoy ng ina. Nanggaling ito sa
lugar ng kinalubugan ni Ilang. May isang halamang unti-unting umusbong sa lupa. Ang
halamang ito ay pinangalanang Ilang, bilang pag-alaala sa kanilang anak na si Ilang.

Sa paglipas ng panahon, ang Ilang ay naging Ilang-Ilang.

Anda mungkin juga menyukai