Noong araw ay may isang magandang dalagang nagngangalang Rosa, na balita sa
kagandahan, kayumian at kabaitan. Maraming binatang nangangayupapa sa kanyang kagandahan. Ngunit ni isa sa mga ito ay hindi niya mapusuan. “Hindi ako mag-aasawa. Ang ibig ko’y iukol ang aking buong buhay sa paglilingkod kay Bathala, sa pagtulong sa mga nangangailangan ng aking tulong.” Kung saang tahanan mayroong maysakit, kung saan may nagdurusa, kung saan may nangangailangan ng kalinga, ay naroon si Rosa, laging dumaramay. Ngunit si Cristobal, isang mahigpit niyang mangingibig, ay di makapayag na di mapasakanya ang dalaga. Labis ang pagkagusto niya rito. Isang gabing nagpapahangin ang dalaga sa hardin ay tinangka siyang gawan nang masama ni Cristobal. “Sa ayaw at sa gusto mo’y magiging akin ka!” ang wika nito. Ngunit nanalangin kay Bathala si Rosa. “Huwag po ninyong bayaan na ang inialay sa Inyong buhay ay dungisan ng lalaking ito,” taimtim na bulong ni Rosa. Noon di’y nalungayngay siya’t naging isang bangkay. Sa takot ni Cristobal ay ibinaon niya ang dalaga sa bakuran nito at saka siya lumayo sa pook na iyon upang di na magbalik kailanman. Hindi na nakita ng mga taga-roon si Rosa. Sa halip, sa bakuran nito ay may isang halamang tumubo, na may bulaklak na ang kulay ay murang pula at ang tangkay ay may mga tinik. Ang unang nakakita niyon, na nagandahan sa bulaklak, ay nagtangkang pitasin ito ngunit paghawak niya sa tangkay ay napasigaw siya, “aruuy! Aruuy! Ang tulis ng tinik ng halamang ito. Tila ayaw papupol kanino man!” At iyan ang totoo. Niloob ng Bathala na gawing bulaklak ang namatay na butihing dalaga, bulaklak na ang tangkay ay may mga tinik natagapangalaga rito upang di pagnasaang pupulin lamang ng sinuman. Ang mga tinik ay babala na ang bulaklak ay ayaw paputol.