Anda di halaman 1dari 9

GLENN REY ANINO FILIPINO PHILOSOPHY

PENOMENOLOHIYA SA PAGSASABING “HAY BUHAY”


Likas sa ating kulturang Pilipino ang pagpapahalaga sa

ating buhay. Masasaksihan natin ito sa ating mga pang-araw

araw na gawain na kung saan ang ating sarili mismo ang

magsasabi na ang buhay ay puno ng pasakit ngunit ito’y mga

pagsubok lamang. Sinasabi pa nga natin na dapat itong

pangalagaan sapagkat ang buhay ay iisa lamang. Masasabi

natin na ang ganitong pananaw sa buhay ay isang matatag na

pundasyon sa pamimilosopiya ng bawat isa sa diwang

Pilipino.

Sa buhay natin may alam tayong mga dakilang kwento

tungkol sa mga taong nakapalibot sa atin: ang ating mga

magulang, kapatid, kaibigan at higit sa lahat ang ating

sarili mismo. Mga kwentong hindi natin madaling makalimutan

sapagkat ang mga ito ay naiiba at hindi pangkaraniwan. Ang

ganitong mga karanasan sa buhay ay mahirap ng tanggalin sa

isipan at ito na rin ang naging kaakibat sa pang araw araw

na pamumuhay. Batid nating lahat na ang bawat isa ay

nailagay sa karanasan at ang karanasang ito ay siyang

magbibigay linaw sa atin. Sa aking sarili ay mayron din


akong mga karanasan na aking binibigyang halaga. Mga

karanasang ako ang naging mismong bida. Para simulan ang

aking karanasan, marapat na sabihing iba ang pagkabalangkas

nito kung ihahambing iba ngunit may magkaparehong kahulugan

na ipinababatid o ipinakikita sa ating kaisipan.

Ang aming pamilya ay simple lamang at hindi gaanong

mayaman upang supurtahan ang lahat ng aking mga panganga-

ilangan sa ang aking pag-aaral. Marami kaming magkakapatid.

Noong ako’y magtapos ng sekundarya sa aming probinsya,

nakaranas ako ng isang natatanging pangyayari sa buhay.

Nang magtapos ako ay magkahalong saya at lungkot ang aking

dinanas. Masaya ako sapagkat natapos ko na ang sekundarya;

napasaya ko ang aking mga magulang, at naipakita ko sa

aking sarili at sa iba ang aking sariling pagsisikap. Sa

kabilang dako naman, sa likod ng aking kasiyahan ay may

kalungkutan na halos di ko kayang intindihin at ipadama sa

iba. Iniisip ko kung ano ang aking gagawin pagkatapos ng

sekundarya at anong uri ng buhay naman ang aking tatahakin

sa susunod. Hindi ako mapakali sa mga panahong iyon at lagi

kong pinipili na mag- isa. Hindi ko naiwasan na tanungin

ang aking sarili sa tuwing ako ay walang kasama at kung

minsan ay kinakausap ko rin ang aking sarili sa pamamagitan

ng sariling diyalogo. Baliw man isipin ang pangyayaring

iyon ngunit hindi ko kayang baliwalain sapagkat yun ang


katotohanang nangyari sa akin. Sa madaling salita, ako ay

nakaranas ng isang masalimuot na buhay sa panahong iyon at

hindi ko kayang maipahayag o malutas sa panandaliang

panahon lamang. Lagi kong pinipiling mag-isa at lumiban sa

mga gawaing kasama ang lahat ng miyembro ng pamilya. Hindi

ko rin maiwasan na tanungin ang aking sarili kung saan kaya

ako patutungo pagkatapos ng lahat ng ito. “Bakit ako ay

nalagay sa ganitong sitwasyon?, Bakit nangyari ito sa

akin?, Bakit ganito ang buhay ko at hindi ganyan?, Bakit

ako pa at hindi sila?, Ano ang dapat kong gawin?, Ganito ba

ang katotohanan?” Ito ay ilan lamang sa mga tanong na aking

binigyang tuon. Hindi ko maipagkait na marami akong

pagtataka at mga “bakit” sa panahong iyon. Paminsan-minsan

nakikita ko ang aking sarili na nagtatanong kung may Diyos

ba sa aking buhay.

Sa ganitong pangyayari nagkaroon ako ng krisis sa

aking sarili at lagi na lamang may halong pagtataka at mga

di pangkaraniwang tanong. Mga tanong na kadalasan ay

binabalewala ng karamihan sapagkat hindi nila gusto. Sa

ganitong karanasan, nasabi ko sa aking sarili na nakaranas

ako ng isang kumplekadong uri ng pamumuhay. Nalaman ko sa

aking sariling pangkaisipan na ako ay may dalang kakaibang

kaganapan. Sa aking pagkikilatis at matinding pagsusuri may

mga kasagutan ding umiiral subalit ito’y hindi


nangangahulugan na tapos na ang suliranin. Unti-unting

umiral ang magkakaiba at magkabaligtad na kasagutan dulot

ng masusing pagsusuri sa aking sarili. Lumalim ang aking

kaisipan dahil sa kasalimuotan ng buhay. Wala akong ibang

magawa at masabi sa aking sarili kundi ang bigkasin nang

may kalaliman at sa mahinahong pamamaraan ang katagang

“hay, buhay!.”

Maliban sa aking karanasan, mayron ding akong mga

narinig at napansing mga kwento at kaganapan na magkatulad

ngunit magkaiba ang struktura sa pagkakaganap. Marami akong

narinig na mga kaibigan na nag-uusap tungkol sa kanilang

mga sitwasyon at ang kumplekasyon sa buhay. Habang ang

usapan ay lumalalim lumabas ang mga katotohanan sa bawat

isa. Sa huli, wala silang masabi kundi ang “hay buhay” na

may halong tawa at pagtataka. May nakatagpo rin akong mga

kaibigan na bigla na lamang yumuko at sabay sabi sa

mahinahon na paraan “hay buhay”. Ang iba naman ay dinadaan

sa pabirong paraan. Dito napansin ko ang iba-ibang istilo

sa pagkaganap ng karanasan at ang magkakaibang damdamin ng

pagpapahayag.

Para makuha kung ano ang tunay na ipinahihiwatig sa

mga magkakaibang karanasan ay gagamitin ko ang pamamaraang

penomenolohiya. Ang unang hakbang sa penomenolohiyang

pamamaraan ay ang pagsususpindi o ang pag-alis ng aking


kasalukuyang opinyon, kaalaman, o posisyon tungkol sa

pagsasabi sa katagang “hay buhay”. Dito pinapanatili ko ang

aking pagiging neutral at walang pinapanigan na posisyon na

nababatay sa ganyang karanasan sa buhay. Sa ganitong

paraan, pinairal ko ang isang nangingibabaw na natural na

kaugalian ukol sa naganap na pangyayari. Sa hakbang na ito,

ginagamit ko ang pagbabaliwala o ang pansamantalang pag-

alis ng aking sariling kaalaman para maging bukas ako sa

aktwal na realidad sa orihinal na karanasan. Sa madaling

salita, iniiwasan ko na magkaroonng pinapaborang posisyon.

Sa ganitong paraan, makukuha ko kung ano talaga ang

ipinahiwatig at nais iparating nang nasabing karanasan.

Pinapairal ko ang tanong, “Ano ang ipinahihiwatig ng ‘hay

buhay’ upang maging daan para sa pangalawang hakbang ng

pamamaraang penomenolohiya.”

Ang susunod na hakbang sa pamamaraang penomenologo ay

ang pagkuha sa tiyak na kahulugan sa naturang pangyayari

(eidetic reduction) o ang pagkukuha ng tunay na diwa

(essence). Para makuha at marating ang karurukan sa kabuuan

ng karanasan kinakailngang palalimin ang pangingilatis at

masusing paghahanap hanggang makuha ang pangwakas na

sentralisadong kaalaman at tunay na diwa sa pangyayari. Sa

mga karanasan ay may pagkakaibang struktura ang

pagkakaganap at damdaming lumalabas. Ano ang pagkakaiba sa


aking karanasang ng mga naganap sa iba? Ano kaya ang

ipinahihiwatig ng pagsasabing “hay buhay”? May pagkakaiba

ba sa kahulugan nito kung may pagkakaibang damdamin ang

ipinapakita sa pagpapahayag? Sa palagay ko ay walang

ipinagkaiba sapagkat pareho ang kahulugan ng mga sinasabi.

Hindi na batayan kung paano o sa anong paraan ito

binibigkas ng indibidwal. Sa madaling salita, isa lang ang

patutunguhan ng nasabing kataga maging sa masaya o

malungkot sa sitwasyon. Sa kabilang dako, masasabi kaya ng

isang tao ang ekspresyong “hay buhay” kung wala siyang

dahilan? Maliban kung sasadyaing sabihin, ang sagot ay

hindi talaga sapagkat ayon sa eksistensyalistang si Maurice

Merleau- Ponty, ang isang hagap sa isipan ay nabubuo sa

tulong ng mga salita. [Thought seeks the word for its

completion]. Bago pa man maibigkas ang salita ay nasa

isipan na ito ng tao at nangangailangan ito ng salita para

maging buo. Dito ang karanasan sa bawat isa ay may

magkatulad na ipinahihiwatig. Bawat isa sa kanila na

nakakaranas ay may alam sa mga nangyari sa kanila at ang

pagsasabing “hay buhay” ay ang ekspresyon na bunga ng

kanilang pag-iisip. Bilang resulta sa pag-iisip ng bawat

isa tungkol sa mga naganap sa kanilang buhay ay malinaw na

sinasabi na ang salitang “hay buhay” ay naging instrumento

sa pagpapalabas ng damdamin. Ang wika ay siyang nagiging


tulay sa pagpapahayag ng indibidwal. Sa madaling salita,

ang kahulugan ng “hay buhay” ay hindi nakabase o

nakadepende sa kung sino at paano ito ipinahayag. Bagkus,

ang tunay na diwa ng pagsasabi nito ay ang pagkamalay sa

sariling kaalaman na siya ay umiiral sa mundo at ang

sariling pagkakabatid sa kanyang pagiging tao na kung saan

hindi siya nanatiling inosente sa mga katotohanan ng buhay.

Ang pagsasabi ng “hay buhay” ay hindi nangangahulugang

hindi niya gusto ang buhay; sa halip ay nararanasan niya

kung ano ang buhay at ang tunay na realidad nito.

Kailangang makaranas siya ng kumplikasyon na

makakapagbibigay-lakas sa pag-alam kung ano ang buhay. Sa

ganitong karanasan ay sinusubukan o nasusubukan niyang

alamin kung ano ang mga nangyari sa kanyang sarili at

natatanggap niya na sa pagiging tao ay may kanya-kanyang

kakambal na kumplikasyon sa buhay na dapat maranasan tungo

sa sariling kaunlaran. Dagdag pa nito, malugod na tinanggap

ng indibidwal ang katotohanan kung ano ang buhay at ano

naman ang kaugnayan sa mga kumplikadong sitwasyon na

nangyayari sa kanya. Ang nangyari sa akin ay ang

pagkakakilanlan ko sa aking sarili at ang pagpapalalim nito

sapagkat ayon kay Emerita S. Quito, isang Pilipinong

pilosopo, ang mabuting pag-iisip ay nagreresulta sa

mabuting pamumuhay. [To think well is to live well]. Sa


pamamagitan ng malalim na pag-iisip tungkol sa ating sarili

ay magkakaroon ng kasiya-siyang buhay. Sa kabuuan, ang

taong nagsasabing “hay buhay” ay hindi ibig sabihin na ayaw

na niya sa mundo at hindi na niya kayang mabuhay sa

kumplikadong sitwasyon. Ang pagsasabi nito ay bunga ng

matalinong pagsusuri kung ano ang kahulugan ng buhay at

malinaw na naintindihan niya ito. Dahil dito inaalam niya

muna kung ano ang buhay at makakapagmunimuni siya kung ano

ang mga hakbang na dapat gawin para makamit ang tagumpay.

Sa pagsasabi nito masasalamin natin kung ano ba ang

konsepto ng buhay para sa bawat mamamayang Pilipino.

Sa pamamagitan ng una at pangalawang hakbang

mararating ko ang pangatlo at pangkabuuan sa nangyari. Sa

parting ito, dito matatagpuan ang buong katiyakan sa

pangyayari- ang aking pagkamalay sa aking sarili, na ako

pala ay bahagi ng karanasan sa pagsasabing “hay buhay”.

Napag-alaman ko na ako ang pangunahing ugat at sanhi para

maging makatotohanan ang karanasan. Ang aking pagsasabing

“hay buhay” ay nagkakaroon ng sariling kamalayan sa

sariling kalooban. At dahil sa aking kamalayan binibigyan

ko ng kahalagahan ang aking karanasan at idinidiin ko kung

gaano iyon kahalaga sa aking sarili.

Sa pamamamaraang penomenolohiya, napgnilay-nilayan ko

na ako ay may bago at malalim na pamamaraan sa pagtanaw sa


pangyayari, ang pagsasabing “hay buhay”. Ngayon, sa

nasabing pangyayari ay nakikita ko na iba na ang aking

kaisipan at ipinapakita ang sarili ko mismo sa ibang paraan.

Anda mungkin juga menyukai