Anda di halaman 1dari 2

ANAK NG BAGONG BAYANI

(isang monologo)
-ni Joel Costa Malabanan

Magandang araw po sa inyo, tuloy po kayo, opo, tuloy po kayo dito nga po ako nakatira sa bagong bahay na ito. Ipinagawa po ito ni daddy mula sa perang ipinadala ni mommy. Siyanga po pala, ang mommy ko ay bagong bayani, yun po ang sabi sa TV at turo sa school ni Miss Rizza. Bagong bayani daw po ang tawag sa mga nagtatarabaho sa ibang bansa tulad ni mommy. Si mommy po ay nasa Taiwan, dalawang taon na siyang nagtatrabaho. Sandali lang po, ayan na si daddy, baka po magalit na naman, saglit lang po! Sino na naman ang kausap mo? Wala po, umalis na po Sinabi ko na sa iyo na huwag kang makikipag-usap sa iba pag wala ako! Di ka marunong sumunod, Um! Daddy, wag po, aray ko po, huwag po, Daddy, tama na po!!! Alam ninyo, laging ganyan si daddy, mula nang umalis si mommy ay naging masungit na at sinasaktan ako. Binabatukan niya ako lalo pag lasing siya. Saka bakit ganun? Lagi niyang isinasama dito yung babae na Anna ang pangalan, sabi niya ay yun daw ang bago kong mommy, pero may mommy naman ako na nasa Taiwan. Kung alam lang sana ni mommy ang ginagawa ni daddy. Naku, saglit lang, dumating na naman si daddy, kasama yung babaeng Anna ang pangalan! Ano naman ang ginagawa mo diyan? Di ba sabi ko sa iyo na pag dumating kami ng tita Anna mo ay doon ka lang sa kwarto mo? Um! Daddy, tama na po! Honey, bakit ba hindi mo pa iwan sa lola niya ang batang iyan? Ayaw ko nang makita yan dito! Hayaan mo at sa isang Linggo ay iuuwi ko na iyan sa Laguna Daddy, huwag po ninyo akong iuwi sa Laguna, paano po ang pag-aaral ko sa Saint Vincent? Titigil ka na sa pag-aaral, hindi na kita kayang pag-aralin! Madami kang gastos, mahal ang matrikula, sobra na. Natututo ka pang mangatwiran sa akin? Iyan ba ang natututunan mo sa school? Saka abala ka lang sa akin! Pero nagpapadala naman ng pera palagi si mommy! Sumasagot ka na sa akin ha, um! Um! Aray ko po, daddy, huwag po huwag po! Alam ninyo, lagi niya akong sinasaktan. Bakit kaya hindi ako mahal ni Daddy? Totoo kaya yung sabi niya na hindi niya ako tunay na anak? Na buntis na si mommy nang pakasalan niya? Pinikot lang daw siya. Kung alam lang sana ni mommy ang ginagawa ni daddy. Inuubos niya ang perang pinaghirapan ni mommy sa Taiwan. Sana umuwi na simommy. Sana bumalik na siya.

Tapos, isang araw na wala si daddy, umuwi nga si mommy. Ang saya-saya ko, para bang ako yung nasa komersyal ng Jollibee. Iyong may mommy din na dumating? Kaya lang, kaya lang. Umuwi si mommy na nasa puting kahonTapos sabi ng kaibigan ni mommy, tumalon daw si mommy sa building. May ginawa daw na hindi maganda iyong amo niyang Taiwanese. Hindi daw nakayanan ni mommy ang problema,. Kinausap ko si mommy habang nakahiga sa puting kahon pero ayaw na niyang magising. Wala na angmommy ko, wala naPaano na ang pag-aaral ko? Mommy, gumising ka. Mommy. Huwag mo akong iwan mommy Mommy Gising na. Mommy Mommy !!!! Labinlimang taon na ang nakalilipas matapos ang pangyayaring iyon. Kinupkop at pinag-aral ako ng kapatid ng mommy ko na si Tita Salve. Ngayon ay nakatapos na ako ng kursong nursing sa UP Manila. Si daddy? Wala na akong balita sa kanya. Ang aking mga karanasan ay nagsilbing aral sa akin para maging matatag. Ang totoo, kagaya ni mommy, ay balak ko ding maging OFW sa America. Next week ay aalis na ako patungong California upang magtrabaho bilang isang nurse. Ayaw ko ding iwan si Tita Salve pero mahirap ang buhay sa ating bansa. Babalik din ako sa Pilipinas pagkalipas ng dalawang taon. Mahal ko ang bansang ito at dito ko nais ialay ang aking paglilingkod. Siyanga pala, kung magkakapamilya din ako, pipilitin kong huwag sapitin ng aking magiging anak ang aking naging karanasan. Titiyakin kung magiging buo ang pamilya namin at hindi ako magmamadali sa pag-aasawa. At siyempre, sa lahat ng pagsubok, mahalaga ang pagiging matatag at ang matibay na pananalig sa Diyos.Sana, ganoon ka din!