Anda di halaman 1dari 15

Ang Wikang Filipino sa Edukasyong Panteknolohiya Ang Wikang Filipino sa Edukasyong Panteknolohiya: Isang Teknolingguwal na Pagtalakay Christian George

C. Francisco Tagapangulo, Kagawaran ng Filipino at Panitikan Pamantasang De La Salle-Dasmarinas

Aug 26, '08 9:46 AM for everyone

Isandaan at walumpu (180) sa humugit-kumulang na anim na libong buhay na wika sa daigdig ay matatagpuan sa Pilipinas. Ang ganitong sitwasyon ay maituturing na isang penomenong pangwika na nagaganap sa isang lipunan. Sa katunayan, bawat wika sa mundo ay maikakategorya batay sa uri nito. May mga wikang intelektuwalisado at malawakang ginagamit sa ibat ibang antas ng komunikasyong pasalita at pasulat, halimbawa nito ay ang English, French, Spanish at German. Samantala, may mga wika rin na masasabing intelektuwalisado subalit limitado ang gamit sa mga bansang mauunlad gaya ng wikang Korean at Niponggo (tonal languages kung ituring ang mga ito). Higit sa lahat, may tinatawag na papaunlad na mga wika sa mundo na karaniwang matatagpuan sa Asya gaya Filipino, Malay at iba pa. Tinawag itong papaunlad dahil patuloy itong dinedebelop sa pamamagitan ng mga lingguwistikong pag-aaral hinggil sa mga kalagayang pangwika sa ating bansa. Pinatutunayan lamang nito na bawat wika ay may kani-kaniyang papel na ginagampanan sa tinatawag nating pangkat-wika o speech community. Kung kaya, sa larangan ng lingguwistiks, walang tinatawag na superyor at/o inferyor na wika. Nangangahulugan lamang na ang isang wika ay nararapat na mabisang tugunan ang pangangailangan ng mga gumagamit nito. Halimbawa, ang paggamit ng Filipino ay nakatutugon sa mga personal na pangangailangan ng mga Pilipino. Ang mga pangangailangang ito ay tumutukoy sa kanyang emosyon, paniniwala at mga adhikaing nais niyang personal na maipaabot sa kanyang kapwa. Sa kabilang banda, ginagamit naman natin ang English (American English ang tinutukoy ko rito at hindi ang ibang varayti ng English sa mundo) para sa ating instrumental na pangangailangan. Sa pamamagitan nito, malayang nagagawa ng mga Pilipino na makipagtalastasan tungo sa paghahanap ng trabaho sa ibang bansa. Nagsisilbi itong instrumento sa pangempleyong perspektiba gayundin naman sa aspektong pangsosyalisasyon. Bunsod ng ganitong sitwasyon ang pagpapakita ng halaga sa pagkakaroon ng sarili o pampersonal na wika, pambansang wika at mga wikang global. Marami man ang wika sa buong daigdig gayundin sa Pilipinas, hindi maaaring pagkumparahin ang bawat isa. Dahil ang WIKA MO, ang tumutulong sa iyo upang lubos mong maiparamdam ang nais mo sa pinakamabisang paraan. Bukod pa, hatid din nito ang kristalisado at awtentikong mensahe na hindi kayang maibigay ng kahit na anong banyagang wika. Ang WIKANG FILIPINO naman ang nagsisilbing wika ng nagkakaisang bansa. Ito rin ang wikang nagiging daluyan ng mga mahahalagang impormasyong politikal at sosyal na kayang-kayang maipaabot anumang antas ng kabuhayan ang iyong kinabibilangan. Ang pagsulong at pagtangkilik sa wikang ito ang

tutulong sa bawat Pilipino na maunawaan ang mga pinakamahihirap na konsepto ng mundo. Higit sa lahat, ang WIKA NG MUNDO ang siyang nagiging tagapag-ugnay sa mas malawak na impormasyon. Nagagawa nitong maging kongkreto ang global village kung saan bawat tao ay malayang nauunawaan ang wika, kultura gayundin ang mga paniniwala ng ibat ibang nasyon. Gayumpaman, bahagi ng global na kalakaran ang dimensyong teknolohikal na ang bawat kultura sa mundo ay nagpapakita ng kani-kanilang pekulyaridad sa aspekto ng popular na paniniwala kung saan bahagi ang pag-aaral ng wika. Sa bahaging ito, malawakang nakikisangkot ang akademiya upang matugunan ang mga kailanganing pedagohikal. Kung kaya, minsan na ring naipahayag ni Tony Blair na, Ang ginawang pagbabago ng teknolohiya sa takbo ng buhay ng tao ay hindi matatawaran lalo na sa larangan ng edukasyon. Sadyang mawawalang-saysay ang husay at galing ng susunod na henerasyong propesyonal gaya ng mga titser kung patuloy itong sasandig sa mga tradisyonal na kaparaanan. Sa katunayan, halos lahat ng bansa sa buong daigdig ay nagpapasiklaban sa tinatawag na battlefields of learning nang sa gayon ay huwag silang mahuli kaugnay sa mga bagong kaalamang hatid ng Information and Communications Technology. Isang halimbawa nito ay ang world wide web (www) na tinatayang pinakamalaking imbakan ng impormasyon sa buong mundo. Sa pamamagitan nito, nagagawa ng tao na makaakses sa anumang uri ng datos o kaalaman na naisin niya. Hanggang sa kasalukuyan, patuloy pa ring pinanghahawakan ng mga techie (eksperto sa teknolohiya) na ang modernong panahon ay mahigpit na nakasalalay sa mga inobasyong ihahatid pa ng teknolohiya. Paliwanag nila, ito ay isang komprehensibong paghahanda kaugnay sa ibat ibang oportunidad ng pagkatuto na ang makikinabang ay ang sangkatauhan partikular na ang akademiya. Hindi na naman bago sa atin ang mga termino gaya ng information age, e-class, multimedia, e-mail, online/distance learning education, cybernetics, web page, hypermedia at marami pang iba. Bagamat may mga iilan pa rin marahil na napapabalikwas at hayagang tinatalikuran ang magandang dulot teknolohiya. Sa ganitong pagkakataon, binigyang pansin nina Caroll at Witherspoon (2002) na sa loob ng klasrum ng bawat eskwela, lahat tayo ay pawang mga estudyante, nagkataon lamang na ang iba ay baguhan at ang iba ay eksperto na. Sa kasalukuyang panahon, kitang-kita ito sa bawat klasrum sa Pilipinas. Kadalasan, ang mga titser ang siyang nalalagay sa alanganing posisyon kapag usaping teknolohiya na ang nakalatag. Naniniwala naman si Reksten (2000) na kung magkakaroon ng pagtutulungan sa paggamit ng teknolohiya, mas magiging madali ang pagkatuto dito. Sa madaling sabi, ang pagsasanib-pwersa ng titser at ng mga estudyante ay mainam tungo sa mas makabuluhang talakayang pangklasrum. May kakayahan kasi ang teknolohiya na maiangat ang pag-iisip ng mga estudyante lalo na kung ito ay maayos na naidisenyo sa kurikulum. Samantala, sa pag-aaral na isinagawa nina Norton at Wiburg (2003), ang konsepto ng teknolohiya ay maitutumbas sa salitang technique na ang ibig sabihin ay ang tamang paraan ng pagpili at pagkilala kaugnay sa mga kaparaanang nagagamit ng tao sa kanyang mga gawain. Ang angkop at tamang pagpili ng teknolohiya na ating

gagamitin sa ating mga klase ay nararapat ding isaalang-alang nang sa gayon ay mas epektibo itong mailapat sa bawat aralin. Nagagawa kasi nito na mas maging produktibo pa ang kalidad ng edukasyon ng isang lipunan. Bukod dito, mas napapabilis din nito ang akses ng bawat estudyante at titser sa impormasyon saan mang dako ng daigdig. Ayon nga kay Villacorta (2003), ang edukasyon ay ang pagpapaabot sa mga mag-aaral ng mga kaalaman, kakayahan at kaugaliang higit na magbibigay sa kanila ng pagkakataong maging produktibo at makabayang mamamayang makapag-aambag sa kaunlaran ng kanilang lipunan. Ibig sabihin, ang edukasyon ay ang pagbibigay sa mga mag-aaral ng karunungan bilang produkto o end result ng kaakuhan ng isang indibidwal. Nangangahulugan lamang ito na sinumang tao na sumailalim o sasailalim sa gawaing ito ay hindi matatakasan ang mga pagbabago sa kanyang paniniwala at mga ideolohiya sa buhay na makakaapekto hindi lamang sa kanyang sarili bagkus sa lipunang kanyang ginagalawan. Sa katunayan, marami ng mga pananalig pampagtuturo ang nabago ng modernong panahon na nagdulot ng malaking impak sa edukasyon. Ilan sa mga ito ay ang sumusunod: 1. Linyar tungo sa Hypermedia na Pagkatuto. Pagpapakita ito ng kumbensyonal na pamamaraan ng pagtuturo gamit ang mga libro at iba pang tradisyonal na parapernalya bilang mga pangunahing instrumento ng pagtuturo. Samantala, ang hypermedia na paraan ng pagkatuto ay tumutukoy naman sa gamit ng telebisyon, ibat ibang larong panteknolohiya gayundin ang gamit ng Internet sa loob ng klasrum. 2. Simpleng Instruksyon tungo sa Pagtuklas ng Kaalaman. Ipinapakita naman dito ang magkatuwang na debelopment ng pagtuturo at pagkatuto. Sa kasalukuyang mga pananalig ng pagtuturo, mas ninanais na ngayon ng mga estudyante na matuto sila mula sa sarili nilang mga karanasan at mga pagtuklas. Dahil dito, mas nagiging mabisa at episyente ang kanilang pagkatuto sapagkat awtentiko ang bawat karanasan nila. 3. Pagtuturong Nakapokus sa Titser tungo Pagkatutong Nakasentro sa Estudyante. Gamit ang mga makabagong teknolohiya, magaganap ang pagtuturong nakasentro sa estudyante dahil sa kanila nagmumula ang aksyon o inisyatibo. Subalit, hindi nangangahulugang kaunti na lamang ang papel ng titser sa loob ng klasrum, bagkus, mas magiging malawak pa ito dahil siya ang magsisilbing gabay ng kabuuang talakayang ilalahad ng mga estudyante. 4. Mula Paaralan tungo sa Panghabambuhay na Pagkatuto. Dito ay binubuwag ang paniniwalang sa paaralan lamang magsisimula at magtatapos ang pagkatuto, bagkus, gamit ang mga makabagong teknolohiya, dulot ang panghabambuhay na pagkatamo ng mga kaalaman sa mundo. Nagsisilbi rin itong hamon sa mga estudyante gayundin naman sa mga titser upang patuloy na tumuklas ng mga bagong kaalaman sa kanilang paligid. 5. Tortyur na Paraan ng Pagkatuto tungo sa Pangkasiyahang Pagkatuto. Isa sa mga makabagong inobasyon na isinasagawa ng mga paaralan sa kasalukuyang

panahon ay kung paano matututo ang mga estudyante sa paraang napahahalagahan nila ang bawat sandaling pananatili nila sa loob o labas man ng klasrum. Sabi nga, teachers are also entertainers. Ang entertainment ay malaki ang naitutulong upang ma-motivate sa pag-aaral ang mga estudyante. 6. Ang Paniniwalang Titser bilang Tagapaghatid ng Impormasyon tungo sa Pagiging Facilitator. Sa panahon ng impormasyon, nararapat na malinaw ang papel ng titser na siya ay hindi lamang simpleng tagapaghatid ng impormasyon sa mga estudyante. Nararapat niyang panghawakan na siya ay facilitator na gagabay at magsisilbing konsultant ng kaalaman sa klasrum. Tinatayang ang mga nabanggit na pagbabago ay ang mga modernisadong perspektibo ng edukasyon sa modernong panahon. Bagamat ang ilan sa mga ito ay lantaran na rin namang nagagamit ng maraming titser sa kasalukuyan. Gayumpaman, hindi rito nagtatapos ang ating gawain, bagkus, nararapat pa ring maglaan ng pagtataya o ebalwasyon kung mahusay bang nagamit ang teknolohiya sa isang partikular na aralin. Sa puntong ito, makikita ang kahalagahan ng integrasyon ng teknolohiya sa wika partikular sa aspektong pansarili, panlokal at pangglobal. Higit pa, sa kalakarang global kung saan lubos ang kontribusyong inihahatid ng Information and Communications Technology. Ito ang mga bumubuo sa isang lipunang lubos na pinahahalagahan ang konseptong teknolingguwal. Kung saan, pinalalakas ang ugnayan ng mga wikang ginagamit katuwang ang lantarang pakikilahok sa global village. Sa huli, isang katotohanan na kung ang isang lipunan ay marunong magpahalaga sa kung anumang wikang mayroon sila ay isang lipunang naniniwala sa pag-unlad ng kanilang kabuhayan at kaakuhan. Maraming salamat!

8 comments share

Konsentriko Modelo... 0 comments share

Aug 26, '08 9:44 AM for everyone

Aug 26, '08 9:33 AM for everyone MGA KASALUKUYANG PERSPEKTIV GAMIT ANG TEKNOLOJI SA PAGTUTURO NG PAGBASA AT PAGSULAT Mga Kasalukuyang Perspektiv...

Christian George C. Francisco ccfrancisco@mail.dasma.dlsu.edu.ph Kagawaran ng Filipino at Panitikan Pamantasang De La Salle Dasmarinas

Ang ginawang pagbabago ng teknoloji sa takbo ng buhay ng tao ay hindi matatawaran lalo na sa larangan ng edukasyon. Sadyang mawawalang-saysay ang husay at galing ng susunod na henerasyong profesyunal gaya ng mga titser kung patuloy itong sasandig sa mga tradisyonal na kaparaanan. Tony Blair Prime Minister, UK Magandang hapon sa inyong lahat! Kakambal na marahil ng titser ang ibat ibang hamong kinakabaka niya sa tuwing siya ay haharap sa kanyang mga estudyante sa araw-araw na pagtuturo. Sa kasalukuyan, ang mga hamong ito ay hindi lamang nakakahon sa aralin na kanyang idedeliver bagkus sa mga estratehiya na aangkop dito. Kung tatanawin, ang mag-isip ng isang partikular na estratehiya at dulog pampagtuturo ay isang mabigat na gawain para sa mga titser. Gayumpaman, gaano man kabigat ang gawaing ito ay patuloy pa rin ang mga titser sa pag-iisip, pagdidiskubre at walang humpay na sumusubok sa mga makabagong inoveysyon sa larangang pedagojikal maiangat lang ang kalidad ng pagkatuto ng bawat estudyante. Sa totoo lang, malaki na ang naidulot at maidudulot pa ng modernong panahon kaugnay sa uri ng edukasyon sa Pilipinas at sa iba pang bahagi ng daigdig. Tinatanaw ng mga eksperto sa teknoloji na ang modernong edukasyon ay mahigpit na nakasalalay sa gamit ng teknoloji. Isa rin itong puspusang paghahanda sa pagdidisenyo ng ibat ibang oportunidad sa pagkatuto na kapwa tao at kultura ng isang lipunan ang silang pangunahing magbebenefit. Sa kabilang banda, sa tuwing maririnig natin ang salitang moderno, agad natin itong ikinakabit sa salitang teknolohiya, hi-tech, cybernetics,

Internet, e-mail, global village, information age, multimedia, hypermedia at kung anuano pang mga terminong bago sa ating mga pandinig. Kung kaya, sa oras na mangyari ito, ang iba ay agad na napapabalikwas at babalik na lamang sa mga kinagawian nilang estratehiya. Ayon nga kina Caroll at Witherspoon (2002), sa loob ng klasrum ng bawat eskwela, lahat tayo ay estudyante, nagkataon lamang na ang iba ay baguhan at ang iba ay eskperto na. Sa kasalukuyang panahon, kitang-kita ito sa bawat klasrum sa Pilipinas. Kadalasan, ang mga titser ang siyang nalalagay sa alanganing posisyon kapag usaping teknoloji na ang nakalatag. Naniniwala naman si Reksten (2000) na kung magkakaroon ng pagtutulungan sa paggamit ng teknoloji, mas magiging madali ang pagkatuto dito. Sa madaling sabi, ang pagsasanib-pwersa ng titser at ng mga estudyante ay mainam tungo sa mas makabuluhang talakayang pangklasrum. May kakayahan kasi ang teknoloji na maiangat ang pag-iisip ng mga estudyante lalo na kung ito ay maayos na naidisenyo sa kurikulum. Mula sa kompleks na konsepto ng teknoloji, simulan natin itong hubaran mula sa kanyang kahulugan, gamit, dulot at mga benepisyong hatid nito sa mga titser sa makabagong panahon. Ayon kina Norton at Wiburg (2003), ang pinagmulan ng kahulugan ng technology ay ang salitang technique na ang ibig sabihin ay ang tamang paraan ng pagpili at pagkilala kaugnay sa mga kaparaanang nagagamit ng tao sa kanyang mga gawain. Ang mga sumusunod ay ilan sa mga benepisyong dulot ng teknoloji sa buhay ng mga tao: 1. Nagagawa ng teknoloji na gawing isa ang kalat-kalat na lipunan sa mundo sa pamamagitan ng tinatawag na global village. 2. Nagsisilbing tulay ang teknoloji upang makalikha ang isang individwal ng isang bagay kung saan maipamamalas niya ang kanyang galing at kakayahan tungo sa produktibong kaparaanan. 3. Ang teknoloji ay may kakayahan na gawing mas produktibo pa ang kalidad ng edukasyon ng isang lipunan. Mas napapabilis kasi nito ang akses ng bawat estudyante at titser sa informasyon saan mang dako ng daigdig. Matapos nating makita ang mga benepisyong dulot ng teknoloji, marahil ang susunod na tanong na naglalaro sa isipan ng bawat isa ay paano ako magsisimula? Ang pagkatuto sa teknoloji ay hindi nagaganap sa isang kisapmata lamang lalo na kung aplikasyong pangklasrum ang pag-uusapan. Una sa aking listahan ay ang atityud, ito ay tumutukoy sa pagbabago ng pananaw kaugnay sa isang bagay. Ang pangamba sa paggamit ng anumang uri ng teknoloji ang siyang kauna-unahang bagay na nararapat nating alisin dahil hindi ito nakatutulong sa paglago natin bilang mga profesyunal. Sa oras na maalis ang nabanggit na paniniwala, maaari nang iaplay ang Limang Level ng Pagpapatibay (Five Levels of Adoption) nina Caroll at Witherspoon (2002).

1.

2.

3.

4.

5.

Panimulang Level Ito ang yugto ng pagkatuto sa teknolojji na kinapapalooban ng mga pangamba at takot sa paggamit nito gayundin sa mga termino tulad ng word processing, e-mail at Internet. Level ng Pagpapatibay Ito ang yugto kung saan unti-unti nang binubuksan ng isang titser ang kanyang kamalayan sa paggamit ng teknoloji subalit walang involvment ang mga estudyante. Level ng Pag-angkop Ang yugtong ito ay ang pagbibigay-puwang ng titser sa paggamit ng teknoloji bilang dagdag kagamitang panturo. Sa puntong ito, may nagaganap nang involvment sa pagitan ng mga estudyante. Level ng Paglalaan Sa level na ito ay malalim na ang paraan ng paggamit ng teknoloji kung saan nagaganap ang tinatawag na on-line collaboration sa pagitan ng titser at estudyante. Kadalasan itong inihahalintulad sa on-line learning/forum/discussion o distance learning education. Level ng Pagbabago Sa bahaging ito, tuwiran nang nagaganap ang inisyatibo mula sa titser upang lantarang baguhin ang set-up ng klasrum kung saan ang paggamit ng teknoloji ay normalisado na sa pagitan ng titser at mga estudyante.

Gaya ng aking nabanggit kanina, hindi sa pamamagitan ng isang kisapmata lamang maaakwayr ang pagkatuto sa teknoloji, ito ay isang proseso na dumadaan sa limang level. At sa bawat level na aking nabanggit, makikitang gradwal nating makakamit ang kasanayan at kahusayan sa paggamit ng teknoloji sa ating klasrum. Sapagkat, tanggapin man natin o hindi, kailangan nating yapusin nang bahagya kundi man buo ang pagbulusok ng teknoloji sa ating panahon. Unang-una, ang mga kabataan ay lantad na ang oryentasyon sa larangang ito. Pangalawa, hindi na kontrolado ninuman ang mga pagbabagong hatid ng teknoloji sa larangan ng pagkatuto. Sa katunayan, naglahad sina Norton at Wiburg (2003) ng walong pagbabago sa pagkatuto gamit ang teknoloji. Ang mga ito ay ang sumusunod: 1. Mula sa Linyar tungo sa Hypermedia na Pagkatuto. Pagpapakita ito ng konvensyonal na pamamaraan ng pagtuturo gamit ang mga libro at iba pang tradisyonal na parapernalya bilang mga pangunahing instrument ng pagtuturo. Samantala, ang hypermedia na paraan ng pagkatuto ay tumutukoy naman sa gamit ng televisyon, ibat ibang larong panteknoloji gayundin ang gamit ng Internet sa loob ng klasrum. 2. Mula sa Simpleng Instruksyon tungo sa Konstruksyon at Pagtuklas ng Kaalaman. Ipinapakita naman dito ang magkatuwang na development ng pagtuturo at pagkatuto. Sa kasalukuyang mga pananalig ng pagtuturo, mas ninanais na ngayon ng mga estudyante na matuto sila mula sa sarili nilang mga karanasan at mga pagtuklas. Dahil dito, mas nagiging efektiv at efisyent ang kanilang pagkatuto sapagkat awtentik ang bawat karanasan nila. 3. Mula sa Pagtuturong Nakafokus sa Titser tungo Pagkatutong Nakasentro sa Estudyante. Gamit ang mga makabagong teknoloji, magaganap ang pagtuturong

4.

5.

6.

7.

8.

nakasentro sa estudyante dahil sa kanila nagmumula ang aksyon o inisyativ. Subalit, hindi nangangahulugan kaunti na lamang ang papel ng titser sa loob ng klasrum, bagkus, mas magiging kompleks pa ito dahil siya ang magsisilbing gabay ng kabuuang talakayang ilalahad ng mga estudyante. Mula sa Simpleng Pagtanggap ng Materyal Pangkaalaman upang Matuto tungo sa mas Malawak at Masikot na Pagtanggap ng Ibat ibang Kaalaman. Dahil sa lawak ng kaalamang hatid ng teknoloji, mas nagiging mahalaga at kritikal ang papel ng titser, nararapat na siya ay maging sintesayzer ng buong talakayan. Kung kaya, mahalaga na ang bawat titser ay updated din sa mga inovasyong pangkaalaman. Mula Paaralan tungo sa Panghabambuhay na Pagkatuto. Dito ay binubuwag ang paniniwalang sa paaralan lamang magsisimula at magtatapos ang pagkatuto, bagkus, gamit ang mga makabagong teknoloji, dulot ang panghabambuhay na akwisisyon ng mga kaalaman sa mundo. Nagsisilbi rin itong hamon sa mga estudyante gayundin naman sa mga titser upang patuloy na tumuklas ng mga bagong kaalaman sa kanilang paligid. Mula one-size-fits-all na uri ng edukasyon tungo sa Pagdevelop ng mga Makabagong Kaparaanan ng Pagkatuto. Kung dati ay nakakahon lamang ang paraan ng pagtuturo, ngayon, gamit ang teknoloji, nadedevelop ang ibat ibang kakayahan at karanasan ng mga estudyante batay sa kanilang mga pinagmulan, talento at mga estilo ng pagkatuto. Mula sa Tortyur na Paraan ng Pagkatuto tungo sa Pangkasiyahang Pagkatuto. Isa sa mga makabagong inoveysyon na isinasagawa ng mga paaralan sa kasalukuyang panahon ay kung paano matututo ang mga estudyante sa paraang naeenjoy nila ang bawat sandaling pananatili nila sa loob o labas man ng klasrum. Sabi nga, teachers are also entertainers. Ang enterteynment ay malaki ang naitutulong upang mamotiveyt sa pag-aaral ang mga estudyante. Mula sa Paniniwalang Titser bilang Tagapaghatid ng mga Informasyon tungo sa Titser bilang Fasiliteytor. Sa panahon ng informasyon, nararapat na malinaw ang papel ng titser na siya ay hindi na lamang simpleng tagapaghatid ng informasyon sa mga estudyante. Nararapat niyang panghawakan na siya ay fasiliteytor na gagabay at magsisilbing konsultant ng kaalaman sa klasrum.

Ang mga paniniwalang nabanggit ay ang dulot ng teknoloji bilang makabagong perspektiv ng edukasyon sa modernong panahon. Manapat ang ilan sa mga ito ay nagagamit na ng ilan sa atin sa tuwing tayo ay nagkokondak ng klase. Ang nararapat ngayon nating tingnan dito ay gaano ba natin kaepektibo itong nagagamit o napapraktis? Sapagkat mahalaga rin na sumailalim ang ating mga gawaing pangklase sa evalwasyon nang sa gayon ay makita natin ang kalakasan gayundin naman ang kahinaan ng ilan sa mga ginagamit nating estratehiya. Matapos alamin ang ibat ibang kaparaanan kung paano magsisimula, kabatiran sa mga inoveysyon sa larangan ng edukasyon at teknoloji, marahil ang sunod na

katanungan ay anu-ano naman ang mga halimbawa ng teknoloji na maaari nating magamit sa loob ng klasrum? Simple lamang ang sagot diyan, MARAMI! Napakaraming varayti ng teknoloji na tiyak at pihadong malaki ang maitutulong sa ating pagtuturo. Subalit, akin lamang tatalakayin sa inyo ang ilan sa mga ito na tiyak namang aplikabol o akma sa pangkalahatang uri ng edukasyon sa Pilipinas. Batay nga sa matandang kasabihang Pilipino, kapag maikli ang kumot, matutong mamaluktot! Sa madaling salita, hindi man kasing advans ang teknoloji natin kumpara sa ibang bansa, imaksimays pa rin natin kung ano ang mayroon tayo sa ating mga paaralan upang maipamulat at maipamalas din naman natin sa ating mga estudyante ang ating kakayahan at kasanayan sa paggamit ng mga ito. Ilan sa maaari nating gamitin ay ang mga sumusunod:

(KAAKIBAT NG BAWAT AYTEM AY ANG PAGPAPAKITA NG SAMPOL NA VISWAL BILANG BAHAGI NG LEKTYUR-DEMO) 1. Televisyon, Pelikula at mga Vidyo Materyal. Bagamat ang mga ito ay palasak nang ginagamit sa ating bansa lalo sa ibang bansa, malaki pa rin ang dulot ng mga ito bilang ispringbord at balon ng karunungan sa pagtalakay ng ibat ibang araling pangklase. Isang partikular na halimbawa nito ay ang mga komersyalays na mga programa sa televisyon na nagtuturo ng ibat ibang aralin. Ilan lamang ang Sineskwela (siyensa at teknolohiya), Math-tinik (matematiks), Epol apol (Ingles), Art angel (Sining) at marami pang iba na sigurado akong familyar kayong lahat. Nagagamit naman natin ang mga pelikula sa pagtalakay ng literaturang lokal o banyaga na siya namang tumutulong sa paghubog ng atityud ng ating mga estudyante. Samantala, ang mga vidyo materyal naman ay tumutukoy sa mga awtentikong mga palabas na maaaring sariling likha ng titser o maaari rin naman na likha ng mga malikhaing kaisipan ng mga estudyante. Sa pagtataya, nagagawa kasi ng tatlong midyang nabanggit na mas palakasin at patatagin ang kaalaman ng mga estudyante. Dahil bukod sa diyalogo, ito ay lantad na nalalapatan din ng viswal na may aksyong kaakibat gayundin ng tunog na nakapagbibigay buhay at kulay sa kanilang napapanood. Sa pamamagitan nito, tiyak ang paghuli o pagkaptyur sa kanilang emosyon tungo sa mas malalim na komprehensyon. 2. Gamit ang Kompyuter Grafiks. Sa pamamagitan ng mga grafiks na hatid ng Information and Communications Technology (ICT), mas nag-eeksplor ang mga estudyante na nagbubunsod sa pagdiskubre nila sa sarili nilang mga karanasan at kaparaanan na hindi kayang ibigay ng simpleng talakayang pangklasrum gayundin ng mga libro. Nabibigyan din nito ng pagkakataon ang mga mag-aaral na makapamili ng mga gawain na sasalamin sa kanilang individwalidad. Dagdag pa, ang mga estudyante ay nagiging tagalikha, tagamasid at tagapag-alam ng kaalaman.

3. Word Processors, Desktop Publishers at Web-Based Editor. Masakit man sa pandinig ang mga terminong ito, manapat, ginagamit na rin natin ang mga ito bilang mga kagamitang panturo sa ating mga estudyante. Ang word processor ay isang programa sa kompyuter na tumutulong sa computer user na makalikha ng isang komposisyon, makapag-edit, makapag-revays, makapag-format gayundin ang makapag-print ng mga dokumento. Samantala, ang desktop publisher naman ay tumutulong sa computer user upang makapagprodyus ng mga dokumento o materyal tulad ng isinasagawa ng mga profesyunal sa larangan ng teknoloji. Samantala, ang web-based editor naman ay tumutulong sa mga computer user na lumikha ng mga web page (pahinang bumubungad sa atin sa tuwing tayo ay mag-iinternet) kung saan maaari tayong mag-post ng mga informasyon tulad ng mga tula, sanaysay, pananaliksik at marami pang iba na orihinal na gawa ng ating mga estudyante. Sa pamamagitan nito, mamomotiveyt pa natin sila na makalikha ng ibat ibang uri ng gawain dahil makikita at mababasa ang kanilang ginawa saan mang panig ng daigdig. Subalit, nararapat din nating ikonsider ang mga konseptong ilalahad natin sa web page nang sa gayon ay hindi tayo makapagbigay ng maling informasyon sa mga makakabasa nito. 4. Ang Internet. Tinatawag itong interlinked network of networks kung saan ang isang kompyuter ay nakalink o konektado sa pag-akses ng ibat ibang informasyon sa buong mundo. Kaya nitong makipapalitan ng data saan mang kompyuter yunit nakabase ang isang kompyuter. Sa pamamagitan ng World Wide Web (www), nagagawa nitong ibigay ang napakaraming imbak na informasyon sa mundo. Ito kasi ang tinatawag ng pinakamalaking imbakan ng informasyon na nalikha ng sangkatauhan. Gamit ito, nagagawa ng mga estudyante na makakuha ng napakaraming informasyon sa paraang mabilis at efisyent. Subalit nararapat ding isaisip na hindi lahat ng informasyong taglay ng WWW ay totoo. Kinakailangan din na maging mapili tayo sa pagkuha ng mga ito. 5. Presentasyong Gamit ang Powerpoint. Ito na marahil ang isa sa pinakakomong gamitin hindi lamang mga presenter, estudyante, gayundin ng mga titser. Nagagawa ng program ng powerpoint na maging malikhain ang mga computer user nito dahil na rin ang mismong user ang lumilikha ng presentasyon gamit ang ibat ibang viswal, disenyo gayundin ang tunog na kanyang ilalapat sa tinatawag na slide. Kung likas namang hindi malikhain ang user, ang program ng powerpoint ay may mga ready-made slides din kung saan pupunan na lang ng user ng teksto ang mga slide. Isang pagpapatunay lamang ito na ang ating panahon ay panahon ng mga visual learners. Mas nagugustuhan ng mga estudyante gayundin nating mga titser ang mga presentasyong pangklase na ginagamitan ng viswal na materyal mula sa teknoloji. Ang mga piktyur at tunog ay ilan lamang sa mga viswal na representasyon na may malaking papel na ginagampanan sa pang-araw-araw na komunikasyon. Bukod pa rito,

gamit ang mga grafiks at multimedia mula sa Internet, nagagawa ng titser na mailahad ang mayayamang kultura ng ibat ibang bansa. Maaari rin tayong makalikha ng mga personalays na materyal, gaya ng nametags ng mga estudyante, flashcards, handouts, instructional video, on-line instruction at higit sa lahat ang virtual field trips kung saan gamit ang teknoloji, maaari tayong makarating saan mang sulok ng daigdig. Sa bahagi naman ng mga estudyante, hinahayaan ng teknoloji na mas maging malikhain pa sila sa pamamagitan ng paggawa ng ibat ibang report, makabuo ng mga kwento at iba pang bagay kung saan maipamamalas nila ang kanilang pagiging masining. Binibigyang-kalayaan din ng teknoloji ang mga estudyante na magkaroong ng palitan ng informasyon gamit ang electronic mail, makadevelop ng mga demonstrasyong viswal at maiangat ang kakayahan sa komunikasyong pasulat at pasalita. Sinang-ayunan naman ito nina Kemp at Smellie (1994), anila, ang bisa ng pagsasama-samang piktyur, salita at tunog ay may kakayahang maiangat ang emosyon, mabago ang atityud at magdulot ng motivasyon sa mga tagatanggap nito (estudyante). Tumutulong ito sa pagdevelop ng positibong saloobin sa bahagi ng mga estudyante. Sa pagdevelop ng anumang kagamitang pampagtuturo gamit ang teknoloji, kinakailangang isaalang-alang ang mga sumusunod: 1. Masinsing pagpili at pag-oorganays ng magiging kontent nito. 2. Magkaroon ng istandard na deliveri kaugnay sa instruksyon. 3. Siguraduhing akma ang gamit ng mga salita sa pagdevelop ng anumang kagamitang panturo. 4. Upang maging interaktiv ang klase, gawing batayan ang ilang teorya ng pagkatuto. 5. Tantyahin ang haba ng presentasyon. Iakma lamang sa antas o level ng mga estudyante upang hindi ito kabagutan. 6. Siguraduhing balanse ang gamit ng viswal sa mga tekstong nakapaloob dito. Sa elementarya, mas mainam ang maraming grafiks. Sa kabilang banda, sa hayskul, gawin na lamang itong minimal. Sa kolehiyo naman, kadalasang graf at mga teybol ang nagsisilbing grafiks sa mga presentasyong pangklase. Sinumang nagnanais na dumivelop ng isang programang pampagtuturo, isang paradaym ang nais kong imungkahi upang mas maging konkreto at epektibo ang isang kagamitang pampagtuturong nakabatay sa teknoloji (technology-based visual aids). Tinawag ito nina Norton at Wiburg (2003) mula kay Fardouly (1998) na ADDIE, isa itong akronim para sa Analysis, Design, Development, Implementation at Evaluation. Bininyagan ko naman itong 5P sa Filipino na tumatayo sa Pagsusuri, Pagdidisenyo, Pagdivelop, Pag-atake at Pagtataya.

5P NG KAGAMITANG PAMPAGTUTURO NA NAKABATAY SA TEKNOLOJI


PAGSUSURI Pagtukoy sa mga gagamit (learners) Pagtiyak sa mga bagay na alam na nila Katangian ng pagkatuto Pangunahing kailanganin nila Mga dahilan ng pangangailangan

PAGDIDISENYO AT PAGDIDIVELOP Nararapat na matukoy rito ang layunin na sasaklawin ng kagamitang pampagtuturo na ididivelop. Sistematikong pag-alam sa kakayahang nais idevelop sa mga estudyante. Wastong Pagkakasunud-sunod ng kontent ng ididivelop na materyal. Pagtiyak sa mga teknik tungo sa pagkamit ng mga layunin.

PAG-ATAKE Tumutukoy ito kapwa sa titser at mga estudyante kung paano nagaganap ang eksekyusyon gamit ang dinivelop na materyal. Sa puntong ito nagaganap ang presentasyong pangklase at papel ng titser bilang tagapagmaniobra ng buong sesyon ng klase.

PAGTATAYA Tumutukoy ito sa evalwasyon kapwa ng titser at estudyante kaugnay sa kabisaan ng dinivelop na materyal. Layunin nitong maging batayan sa pagpapalakas ng gamit ng teknoloji tungo sa malalim pang pagkatuto.

Ang paradaym na aking inilahad ay magsilbi sanang gabay sa bawat titser na naririto ngayon tungo sa pagdevelop ng isang makabuluhang instructional media. Unti-untiin na rin nating baguhin ang ating mga gawi at paniniwala na mahirap matutuhan ang teknoloji. Tanging pagtanggap, pagkamulat at walang humpay na pagpapraktis gaya ng ating mga estudyante ang siyang mga pangunahing sangkap tungo sa mas malalim na oryentasyon ukol dito. Gayumpaman, sa pagwawakas ng lektyur na ito, nais ko pa ring iparating sa inyong lahat na anumang uri ng teknoloji ang dumating o malikha ng sangkatauhan, tiyak na wala pa ring tatalo sa husay ng mga Pilipinong titser sa paghubog ng kamalayan ng isang individwal. Dahil tayo ay likas na malikhain, mapamaraan at higit sa lahat, kaya nating lusubin ang kaakuhan ng

bawat estudyante natin na hindi kayang gawin ng teknoloji. Lagi nating isaisip na BONUS lamang ang teknoloji tungo sa mas ikagaganda pa ng mga talakayang pangklasrum. Maraming salamat po!

Lektyur na binasa sa pambansang seminar na inisponsoran ng Kagawaran ng Filipino ng Pamantasang Normal ng Pilipinas mula ika-18 hanggang ika-20 ng Hulyo, 2006 na may temang Katok at Liglig sa Sariling Pananalig sa Pagtuturo ng Pagbasa at Pagsulat. MGA REFERENS Caroll, J.A. at Witherspoon, T.L. (2002). Linking technology and curriculum, 2nd ed.Ohio: Prentice hall. Cutler, W.E. (1993). Triple your reading speed. NY: prentice hall. Francisco, C.C. (2005). Gamit ng walong dagdag na letra ayon sa 2001

revisyon Masters thesis. DLSU-D. Cavite. Kemp, J. (1994). Planning, producing and using instructional technologies, 7th ed. USA: Harper collins. Healy, A.E. at Walusayi, M. (1997). Strategies for writing: a basic approach. USA: NTC publishing group. Lipson, M.Y. at Wixson, K.K. (2003). Assesment and instruction of reading and writing difficulty: an interactive approach.USA: Pearson education, inc. McWhorter, K.T. (1996). Efficient and flexible reading. USA: Harper collins. Norton, P. at Wiburg, K.M. (2003). Teaching with technology: designing opportunities to learn 2nd ed. Canada: Wadsworth. Reksten, L.E. (2000). Using technology to increase student learning. USA: Corwin press inc. Ryan, S. et.al. (2000). The virtual university. UK: Kogan page.

Anumang konsern kaugnay sa papel na ito ay malayang makapaglalahad sa mga sumusunod na kontak: ccfrancisco@mail.dasma.dlsu.edu.ph cgcfrancisco@yahoo.com mobile # 09198317403

Anda mungkin juga menyukai