Anda di halaman 1dari 5

ANINO

Si Anika? Kilala ko siya, kilalang-kilala. Siya ang matalik kong kaibigan, yon ang alam ko. Masakit isipin na hindi ko siya kayang kausapin, wala naman kasi akong bibig. Sa katunayan, wala akong mukha, walang ilong, tenga, o kaya mata. Nakapagtataka nga kung bakit ko naaamoy ang pabango niya, kung bakit nakakarinig ako ng boses mula sa kanya, at kung bakit nasisilayan ko ang maganda niyang mukha. Palagi kaming magkasama at palagi ko rin siyang binabantayan sa lahat ng ginagawa niya, upang kung saka-sakali man na may mangyaring masama sa kanya, magagawa ko siyang tulungan. Ngunit paano? Minsan ko lamang siya nahahawakan kapag hahawakin o didikitan niya rin ako. Matagal na panahon na noong huli kong naramdaman na nagdikit ang mga katawan namin, mga labing-anim na taong gulang siya noon at nasa ika-apat na taon ng hayskul. Gaya ng sinabi ko kanina, kilalang kilala ko si Anika, alam ko lahat ng pangyayari sa buhay niya at kadamay niya ako sa lahat ng ginagawa niya, palagi pa ngang pareho ang ginagawa namin. Hindi nawalan ng oras na iniwan namin ang isat isa, kaya nga itinuturing ko siyang matalik kong kaibigan, sana ganoon din ang tingin niya sa akin. Sanggol pa lamang si Anika, magkasama na kami. Nag-iisa siyang anak nina tita Rica at tito Mar. Natatandaan ko pa noon na masayang masaya sila nang dumating sa buhay nila si Anika, kahit ginusto nilang maging lalaki ang anak nila. Akala ko nga noon ayaw ni Anika sa kanila kasi iyak siya ng iyak noon. Hindi ko naman siya makausap dahil hindi pa siya marunong magsalita at makaintindi noon. Nagdaan ang maraming taon at sa wakas nakapaglakad, nakapagsalita at nakaintindi narin si Anika. Naging masaya ako para sakanya. Hindi ako nakialam sa buhay niya. Hindi ko rin naman magawa yong mga bagay na makapagpapasaya sana sa kanya, napansin ko kasi noon pa lang na may malungkot siyang mukha kahit palagi siyang nakatawa, para bang may itinatago siyang pakiramdam na ayaw niyang ipakita, kahit sa akin man lamang. Inilagay ko na lang sa isip ko na maghihintay akong sabihin niya sa akin kung ano ang problema niya, ngunit hindi ko na pala kinailangan na maghintay. Maganda ang takbo ng buhay ng pamilya ni Anika noon kahit tatlo lang sila sa isang bubong, hindi ko na isasama ang sarili ko at ang iba pang mga katulad ko. May magandang trabaho si tito Mar, isa siyang manedyer at si tita Rica naman ay namamahala

naman sa isang malaking restaurant. Si Anika ay maayos ang pag-aaral, matalino kasi siya at laging napupunta sa top 1, naging salutatorian siya noong natapos siya sa elemetarya. Ngunit noong araw din yon ng kanyang pagtatapos nagbago ang lahat, nagbago ang pakikitungo sakanya nina tito Mar. Hindi dumalo sa seremonya ng pagtatapos ni Anika sina tito Mar. Ang naging dahilan nilang mag-asawa ay hindi daw sila natuwa sa pagiging salutatorian lamang ni Anika. Mataas nga pala ang ekspektasyon nila kay Anika sobrang taas. Malungkot si Anika noon dahil wala sa entablado ang kanyang mga magulang upang isabit sa kanya ang natatanging pangaral. Napansin niya kaya na nandon ako? Hindi ko nagawang isabit sa kanya yong malaking medalya sapagkat hindi ko maigalaw ang aking mga kamay ng kusang loob, kung makakaya ko lamang, hindi sana magiging ganon kalungkot si Anika. Kahit hanggang sa pag-uwi wala siyang imik, sino nga naman kasi ang kakausapin niya? Alangang ako? Hindi parin nga niya ako napapansin simula noong una kaming nagkita. Sabagay, wala naman kasi akong mukha at katauhan, higit sa lahat iisa lang ang kulay ko itim. Pagdating namin sa bahay noon ay nandon lamang sina tito Mar at Rica, hinihintay talagang makauwi si Anika. Sinimulan siyang sermonan at sigawan. Sabay biglang .. PAK! Tanga ka Nika! Bakit hindi mo pa naabot yong tuktok!? Akala pa naman namin ng daddy mo, maipagyayabang ka namin sa mga kaibigan namin bilang valedictorian ng klase niyo, pero anong ginawa mo!? Binigo mo lang kami! sigaw ni tita Rica kay Anika na para bang walang tainga si Anika. Dapa Nika! Dapat sayo sinasaktan! Wala kang kwentang anak! Noong una pa lang alam kong hindi ka nararapat samin! Naging lalaki ka nalang sana! Yung matalino! Untog mo na ulo mo sa pader baka sakaling maalog! dugtong ni tito Mar sa sinabi ni tita Rica. Pinilit kong saluhin ang malakas na sampal ni tita Rica noon kay Anika ngunit hindi ko nagawa. Pinilit ko ring saluhin lahat ng palo, lahat ng sakit, lahat ng hirap ni Anika, ngunit hindi ko parin talaga magawa. Tuloy-tuloy ang galit ng mag-asawa kayat hindi na nabigyan ng pagkakataon si Anika upang magsalita at lumaban. Kitang kita sa mukha ni Anika ang pagkainis niya sa nangyayari. Kahit ako ay inis na inis na, hindi lang

sa nangyayari kundi pati sa aking sarili, sapagkat hindi ko siya magawang ipagtanggol o kahit mahawakan man lamang ng mga panahong iyon. Hindi ko naman kasi maintindihan kung bakit ganon ang galit nila kay Anika. Hindi pa ba sila natuwa sa natamong pangaral ni Anika? Napakasensitibo naman bila pagdating sa ganong bagay. Wala silang pakialam sa anak nila, nag-iisa pa naman si Anika, iniisip lang nila ang sasabihin ng iba tungkol sakanila. Wala silang awa kay Anika. Nangyari na ang lahat ngunit hanggang huli ay wala pa ring nagawa si Anika upang ipagtanggol ang sarili. Iniwan siyang nakalupasay sa sahig, kasama ako. Hindi ko talaga kayang iwan si Anika lalo na noong nangyari yon. Hindi siya umiyak. Hinangaan ko siya noong mga panahon na iyon dahil sa edad niyang dose, nakaya niyang maging matapang. Wala ng idinagdag na magandang ala-ala si Anika sa kanyang isipan, sa palagay ko pa nga ay binura na niya lahat. Naging malaki ang epekto ng nangyaring yon sa buhay niya. Sa katunayan, nadagdagan pa lahat ng yon ng tumuntong siya sa hayskul. Hindi na nabigyan ng kalayaan si Anika. Umikot ang buhay niya sa pag-aaral sapagkat yon ang nais ng kanyang mga magulang. Kahit naisin din ni Anika ang mag-aral ng mabuti, hindi niya ito magawa. Sa unang pagkakataon kinausap ako ni Anika noon, sinabi niya habang nakaharap sa pader, Ititigil ko na ang mga pangarap ko para sa kanila .. Nag-aral akong mabuti para sa kanila tapos ganon lang igaganti nila sakin?.. Wala na kong pakialam kung anong gawin nila sakin sakaling bumagsak man ako.. Konting tiis pa kahit manhid na manhid na ako.. Kung mag-aaral ako para lang sa lahat ng gusto nila, para saan pa ang mga pangarap ko sa sarili ko?.. Hindi naman pwedeng pangarap lang nila ang matupad, dba?.. Kapag sinaktan ulit nila ako.. Mababaliw na siguro ako.. At .. Hindi na itinuloy ni Anika, animoy may malalim pang kasunod ang mga sinabi niyang iyon. Kinausap ko siya ngunit hindi siya sumagot. Alam kong nagsalita ako, wala ba siyang narinig? Patuloy na sinasaktan si Anika sa mga nagdaang taon sa hindi ko malamang dahilan, hindi ko talaga sila maintindihan. Habang dumaan ang panahon noon, napansin ko kay Anika ang malaking pagbabago. Kung hindi ako nagkakamali, naging rebelde na siya.

Natuto na siya ng mga bisyo - paninigarilyo, paginum ng alak at iba pang masasamang gawain. Hindi ko siya mapagsabihan, hindi naman kasi niya ako naririnig. Nawalan na ng pakialam sina tito Mar at tito Rica kay Anika nang magtapos siya sa hayskul. Medyo naging masaya rin ako para sa kanya dahil kahit papaano ay nakatanggap parin siya ng parangal nang siyay nagtapos, loyalty award nga lang. Pagkatapos non ay nagdesisyon na si Anika na umalis at humiwalay kina tito Mar at tita Rica, kahit pigilan pa siya. Ngunit hindi pumayag si tito Mar, kahit sang-ayon na sang-ayon si tita Rica. Hindi kumibo si Anika nang pinigilan siya ni tito Mar, para bang pumayag si Anika. Ngunit kilala ko si Anika, alam kong hindi na niya matiis ang paghihirap niya sa kanyang mga magulang kaya sigurado akong gustong-gusto na niyang umalis. Bakit pa siya nagpapigil kay tito Mar? Ilang araw ang dumaan nang hindi kumikibo si Anika, napansin kong hindi siya nanigarilyo ngayong araw at himala yon. Ano kaya ang iniisip ni Anika, mukhang may binabalak yata siya. Tama ako sa inisip ko noon, may binalak nga siya at itoy masama. Hatinggabi noon at nasa bahay kaming lahat, tulog si tito at tita, ngunit gising pa si Anika, malalim ang iniisip. Tinitigan ko siyang maigi at nagulat ako sa nakita ko may dala siyang kutsilyo at mahigpit ang hawak niya dito. Sinubukan ko ulit na gumalaw ngunit talagang hindi ko magawa ng kusa, kukunin ko sana at aagawin sa kanya ang hawak niya. Ang buong akala ko noon ay mawawalan na ako ng matalik na kaibigan ngunit nagkamali ako, hindi siya ang nawala. Tumayo si Anika mula sa kanyang kinatatayuan at naglakad ng tahimik, ganon din ang ginawa ko, kasama niya ako ngunit hindi ko alam ang gagawin niya. Papunta kami sa kwarto nila tito Mar, patuloy kaming naging tahimik. Lumapit kami sa kanila mahimbing ang tulog at mga mukhang mababit na tao. Nakatayo na si Anika sa gilid mismo ni tito Mar, kung saan nakatapat din ang nag-iisang bukas na ilaw. Ngumiti siya at itinaas ang kamay na may hawak na kutsilyo. Nilakasan ko ang loob ko at sumigaw kahit alam kong hindi na naman niya ako maririnig. Sumigaw ako ng, Huwag Anika! Alam mo kung gaano kalaking kasalanan yan! Akala ko wala na akong magagawa noon, akala ko hindi ko siya mapipigilan. Salamat na lang napatingin siya sa akin nang itinaas niya ang kamay niya, napatigil siya noon at tinitigan ako. Umiyak siya bigla. Narinig niya yata ako. Hindi! Nakita niya lang

ako, nakita niya lang ang sarili niya, nakita lang niya ang anino nya. Tumakbo siya pabalik sa kwarto niya at kinuha ang mga nakahandang gamit para sa pagtakas niya. Dali dali na siyang umalis ng bahay nila habang tulog pa sina tito Mar at tita Rica. Patuloy na dumaloy ang luha niya habang patuloy din siyang tumakbo, hindi alam kung saan siya pupunta. Natahimik ako at patuloy lang din siyang sinundan. Nagalit yata si Anika sakin kasi pinigilan ko siya, kasi ako ang dahilan kung bakit hindi natupad ang plano niya. Ayos lang naman kung magalit siya, ang mahalaga may nagawa akong tama para sa kanya. Kung hindi ko kasi siya napigilan noon, marahil nasa masamang lugar kami ngayon. Tumigil siya sa pagtakbo kaya tumigil narin ako. Tumapat si Anika sa poste ng ilaw sa gilid ng kalsada, malinaw na naman niya akong nakikita. Kinausap niya ulit ako at sinabing., Salamat sayo.. Tinulungan mo ako.. Hinding hindi ko makakalimutan ang nangyari.. Kung hindi dahil sayo nakagawa na siguro ako ng kasalanan na dadalhin ko sa sarili ko habang buhay.. Alam kong hindi ka mawawala sa tabi ko.. Salamat.. Hindi ko inakalang sasabihin ni Anika sakin yon. Napakasarap pakinggan, hindi ko yon makakalimutan. Ngayon, maayos na ang buhay namin ni Anika kahit wala na siyang balita sa mga magulang niya nang halos sampung taon. May maayos siyang trabaho ngayon at napagsikapan niyang makapagtapos ng kolehiyo. Hindi siya maiiwan mag-isa dahil kasama niya ako palagi, saan man siya magpunta kahit hanggang sa libingan pa.

Anda mungkin juga menyukai