Anda di halaman 1dari 2

Ang Katungkulan sa Bayan

ni Padre Modesto de Castro Ipinagkakaloob lamang sa karapat-dapat na nilalang ang katungkulan sa bayan. (Ang sanaysay na itoy hango sa isa sa mga liham ni Urbana sa kapatid niyang si Feliza, sa akda ni P. Modesto de Castro na lalong kilala sa pamagat na Urbana at Feliza. Sa ganang kuro ni Don Efipanio de los Santos, si Pari Modesto ay siyang dapat kilalaning hari sa tuluyan sa hanay ng mga manunulat sa wikang Tagalog nang ika-19 na dantaon.) Ang katungkulan sa bayan ay nakakahalimbawa ng isang korona na hindi ipinagkakaloob kundi sa may karapatan, kaya hindi dapat pagpilitang kamtan, kundi manapay tanggihan kung hindi rin lamang mapapupurihan ang camahalan. Ang kamahalan at karangalan ang dapat humanap ng ulong puputungan, at hindi dapat na ang ulo ang humanap ng koronang ipuputong sa sarili. Karaniwang ang karangalan ang katungkulan ay kakambal na mabigat na pananagutan, kayat bago pahikayat ang loob ng isang tao sa paghahangad ng karangalan ay dapat na ilingap muna niya ang kanyang mga mata, suriin ang katungkulang ninanasa at pagtimbang-timbangin kung itoy makakaya niya. Bulay-bulayin ang sariling karunungan, kabaitan at lakas, iagapay ang mga ito sa bigat ng nilulunggating katungkulan, at kung nagkakatimbang-timbang ay saka pahinuhod ang loob sa pagtanggap ng iniaalok na karangalan. Gayon pa man, itoy hindi dapat pagnasaang mahigpit at pagpilitang kamtan, subalit dapat tanggapin kung siyang pinagkakaisahan ng bayan at maging niloloob ng Diyos. Ang karaniwang pagsasabi, ang magnasang magkamit nang kamahalan sa bayan ay hindi maganda, sapagkat kadalasan, itoy udyok, hindi ng pagkagayak ng loob na ang isang taoy pakinabangan ng kanyang kapwa, kundi ng handog na siya ang makinabang sa tungkuling kanyang hahawakan; hindi ang pagtalaga sa pagtitiis ng hirap na pagtupad ng katungkulan kundi ng hangad na siyay guminhawa; hindi ng pagnanasang paginhawahin ang kaniyang pagpupunuan. Ang gahaman sa kamahalan ay karaniwang hindi marunong tumupad nang katungkulan; paanoy hindi ang katungkulan kundi ang kamahalan ang kanyang pinagnanasaan; salat sa bait, sapagkat kung may iningatan na bait, matapos makikilala ang bigat ng katungkulan kanyang babalikatin, itoy hindi niya pagpipilitang matamo kundi bagkus tatanggihan Kayat pakaingatan ninuman na huwag nasain na siyay tingalain, sukuan, iagalang at pintuhuin ng bayan. Huwag kalimutan na ang karangalan sa mundo ay kagaya rin ng mundo may katapusan. Ang palad ng tao ay tulad sa gulong na umiikot: ang nasa itaas ngayon, mamayay mapapailalim; ang tinitingala ngayon, bukas ay yuyurakan. Kaya ang dapat tingnan ay hindi ang kasalukuyan lamang kundi pati ang haharapin. Itanim sa dibdib na ang pagtupad ng katungkulan ay ipinagsusulit hindi lamang sa hustisya sa lupa kundi sa hustisya rin naman sa langit; ang makalangitan ng hustisya rito ay hindi makaliligtas sa hustisya nang Diyos. Huwag magpalalo sapagkat di man magkasing-uri ang puno at pinagpupunuan, silay may isa lamang pinagmulan, isa lamang pagkakaraanan, at isa rin naman ang kauuwian. Diyos ang pinanggalingan, kayat ang lahat ay magdaraan lahat sa hukuman ng Diyos at Diyos din ang kauuwian.

Huwag magpakita nang kalupitan sa pagnanasang igalang ng tao, sapagkat hindi ang katampalasanan kundi ang pagtuntong sa matwid at pagpapakita ng magandang loob ang nakahahalina ng paggalang at pagmamahal nang tao. May katungkulan man, datapwat malupit, ay di napapamahal kundi kinapopootan at pagkatalingid ay pinaglililuhan ng kanyang pinagmamalupitan. Ang kapurihan ng taong nasa katungkulan ay nasa pagmamahal sa asal, pagpapakita ng loob at pamimihag ng puso. Ang pagmamalaki at pagmamataas ay tandang pinagkakakilanlan ng kaiklian ng isip at pinagkakadahilanan ng pagkapoot ng kaniyang kapwa. Kailanmay huwag limutin ng isang namumuno ang kanyang tungkuling lumingap sa lahat, sapagcka kung ang paglingap niya ay laganap sa lahat ay hindi lamang siya ang mamahalin ng tao kundi sampu ng kaniyang pamilya, at sa panahon nang kagipitan ay hindi magpapabaya ang kanyang mga pinagpakitaan nang magaling. Ang isang ginoo na marunong tumupad ng katungculan, tapat ang loob sa mga kaibigan, mapag-ampon sa mga mabababa, maawain sa mahihirap ang ganitong ginoo ay ligaya at kapurihan ng bayan at hari ng lahat ng puso. Sa katagang wika, ang tunay na kamahalan ay nasa pagmamahal sa asal at paggawa nang magaling. Itala sa hindibdib ng lahat na ang korona mat setro ay walang halaga kung hindi napapalamutian ng mahahalagang hiyas ng kagandahang asal, pagtuntong sa matwid at kagandahan ng loob.