Anda di halaman 1dari 6

ANG POLITIKA NG PANTASYA SA ANG GINTO SA MAKILING

Edgar Calabia Samar


The most authentic vocation of romance in our time would [be] to express
that ideology of desacralization by which modern thinkers have sought to convey
their sense of the radical impoverishment and constriction of modern life. So the
great expressions of the modern fantastic, the last unrecognizable avatars of
romance as a mode, draw their magical power from an unsentimental loyalty to
those henceforth abandoned clearings across which higher and lower worlds once
passed. Frederic Jameson, The Political Unconscious
DAHIL SA SAKIT, maagang pumanaw sa edad na 38 si Macario Pineda noong
Agosto 2, 1950. Nakapagsulat siya ng walong nobela at anim sa mga ito ay
nalathala noong nabubuhay pa siya, kabilang ang ikalawa niyang nobela, Ang Ginto
sa Makiling, na inilathala sa Aliwan noong 1947. Bago ito, nakapagsulat na siya ng
mga kuwento sa Ingles bago nga siya tumutok sa pagsusulat sa Tagalog simula
noong 1943.
Sinabi ni Soledad S. Reyes (1971) sa kaniyang masteral tesis ukol sa mga
katha ni Pineda na bagaman maigting ang pagmamalay sa pangingibabaw ng
Ingles sa pagsulat ng panitikan [noon], pinili pa rin ni Macario Pineda na isulat ang
kaniyang mga akda sa wikang ginagamit at nauunawaan ng kaniyang mga
kababayan. Gayumpaman, kinikilala pa rin ni Reyes na may posibilidad ng tagisan
sa pagitan ng diwang makabayan at ng pangangailangang praktikal sa gitna ng
ganitong pasya. Alalahanin na simula sa pagpasok ng digmaan noong 1941, mas
maraming magasin na mapaglalathalaan sa Tagalog kaysa sa Ingles, at hindi iilang
manunulat sa Ingles ang nagsimulang magsulat sa Tagalog. Pagsusulat ang
pangunahing ikinabubuhay ni Pineda, at kumikita umano siya ng isang libong piso
para sa bawat nobela at animnapung piso para sa bawat maikling kuwento.
Samantala, kailangan ding banggitin na sa gitna nitoy sumali siya sa propaganda
corp ng mga gerilya at kinilala bilang beterano pagkatapos ng digmaan.
Sa pambungad nina Francis Macansantos at Priscilla Macansantos sa
kanilang sarbey ng mga akdang pampanitikan sa Pilipinas na nalimbag pagkatapos
ng digmaan, agad nilang kinilala na nangunguna ang Ang Ginto sa Makiling ni
Macario Pineda. Sa kabila ito ng laksa-laksang nobela na nalathala sa mga unang

taon pagkatapos ng digmaan. Sa silid-aklatan lamang ng Pamantasang Ateneo de


Manila, halimbawa, matatagpuan ang mahigit sandaang iba pang nobelang
inilathala sa pagitan lamang ng mga taong 1945 at 1947, kalimitan ay ng
Palimbagang Tagumpay na siya ring unang naglatha sa Ang Ginto sa Makiling noong
1947. Kabilang sa mga manunulat na naglathala rin ng nobela noong 1947 sina
Faustino S. Aguilar, C. Galvez Almario, Liwayway A. Arceo, Nemesio E. Caravana,
Florentino T. Collantes, Ruperto S. Cristobal, Susana C. De Guzman, Jesus S.
Esguerra, Catalino V. Flores, Hilaria Labog, Adriano P. Laudico, Juan Rivera Lazaro,
Patricio Geronimo Mariano, Hernando R. Ocampo, Carlos Padilla, Aurea Jimenez
Santiago, Alfonso Sujeco, at R.S. Teodoro. Maliban sa Ang Ginto sa Makiling,
inilathala rin ni Pineda angHalina sa Ating Bukas noong 1947.
Napahalagahan nina Macansantos si Pineda dahil iniugat umano nito sa
moda ng pantasyang romantiko ang Ang Ginto sa Makiling, katangiang tinaglay
umano ng ating mga awit, korido at komedya sa tradisyon ni Balagtas. Sa kabila
nito, binigyan nila ng diin na ito ay naratibong simbolikal na may halagang sosyal,
moral at politikal (akin ang diin).Kinilala ni Reyes (2007) ang tatlong ginto sa
Makiling nobela ni Pineda: una ang mga literal na piraso ng ginto na matatagpuan
sa Paraiso ng Makiling, ikalawa ang mga kakanggata ng ating lahi na
nananahananan na noon sa Makiling, at ikatlo ang mga henerasyon umano ng
Filipino na gagamitin ang kanilang pinag-aralan upang maampat ang pagdudusa
ng mga kababayan. Kung aalalahanin na sinulat nga ito Pineda sa mga unang taon
ng pagbangon ng Pilipinas pagkatapos ng digmaan, mauunawaan ang ideyalismong
inaasahan mula sa mga mamamayang magbabangon sa bansa.
Kumpara sa realismong panlipunan sa mga nobela ng tulad nina Lazaro
Francisco at Amado V. Hernandez, tinataya nina Macansantos na nagkaroon ng higit
na datng sa mga mambabasa ang Ang Ginto sa Makiling dahil nakaugat ito sa
pandama- at paniniwalang-bayan. Sinabi naman ni Anacleto I. Dizon na maaaring
malaki ang papel ng paghawak ni Pineda sa Tagalog, sapagkat [a]ng kagandahan
ng kanyang lengguwehe ay bihirang matagpuan sa lahat ng manunulat sa daigdig,
sapagkat iyon ay nasa kasimplehan. Balintunang naisakatuparan niya ito sa
pamamagitan ng pagsisikap niyang muling magamit ang mga salitang malaon
nang nawala sa bokabularyo ng mga taga-Bulacan noon pa mang ikalimang
dekada. (Reyes, 1990) Ayon sa panayam ni Reyes sa nabalo ni Pineda, sinasadya
umano ni Pineda ang matatanda sa Bigaa upang magtanong ukol sa ilang mga

salita na siyang aangkop sa ibig niyang ipahiwatig. Pansinin na mula sa mga punang
ito makikita ang politika sa pagtatangka ni Pineda na ibalik ang tradisyong bayan sa
panitikan: ang ituring na estetiko ang popular, na muling iugat sa panlasa ng mga
mamamayan ang kasiningan.
Gayumpaman, halos lahat ng mga nabanggit na pag-aaral kay Pineda at
sa Ang Ginto sa Makiling ay nagtutuon sa poetika at estetika ng akda. Si Reyes nga
halimbawa, kahit sa kaniyang mga kasunod na paghahalaga kay Pineda, ay nagtuon
sa mga tema at pamamaraan ng pagkukuwento ni Pineda. Si Dizon naman ay sa
bisa ng wika at karakterisasyon sa mga akda ni Pineda. Hindi gaanong napagtuunan
ng pansin ang kontextong politikal sa kaniyang mga pag-akda. May pahapyaw
lamang pagbanggit si Dizon sa bisa ng paggamit sa mitolohiya at arketipo sa
pamamagitan ng larawan ni Mariang Makiling, na mainam sanang naisulong. Mabisa
ang paggamit aniya sa diwata ng Makiling,
[s]apagkat ang alamat ng isang lahi ay kinaiimbakan ng natatagong kamalayan ng
sambayan, masisinag dito ang nakakubling minang kaugalian at kabihasnang
napalangkap at natakpan na ng mga kabaguhang umiiral sa kasalukuyang panahon.
Sa pamamagitan ng pamamaraang mitolohiko ay nagsasiyentipiko o sosyologo si
Macario Pineda sa kanyangGinto sa Makiling upang ipaliwanag sa ating mga ninuno
na nakaimbak sa ating kamalayan dandantaon na ang nakalilipas.
Mainam sana kung naiugnay ni Dizon ang paggamit ni Pineda kay Mariang
Makiling bilang impluwensiya sa nauna nang politisasyon ni Rizal sa larawan ng
diwata nang una niyang isatitik sa dulo ng siglo 19 ang laganap na noong naratibo
nito. Alalahanin na nang gumawa ng sariling bersiyon ng kuwento Mariang Makiling
si Rizal, nailathala na ang Noli Me Tangere at kasalukuyan niyang tinatapos ang El
Filibusterismo. Sa bersiyon ni Rizal, malinaw ang paggigiit ng mga komentaryong
panlipunan ukol sa usapin ng lupa at pang-aabusong politikal. Bukod dito, hayag din
na bahagi ito ng malawakang propagandang isinasagawa ng mga Filipino noon sa
Espanya upang isalba ang kulturang katutubo sa gitna ng namamayaning
Hispanisasyon. At ayon nga kay Resil B. Mojares sa kaniyang sanaysay na Waiting
for Mariang Makiling, [t]he notion of lost reciprocities in the Mariang Makilang
legend was a major chord in a nationalist discourse [and] Rizals nostalgic
evocation of the legend is written into this larger political narrative.

Malinaw na isa sa mga nililingon ni Pineda ang nobela ni Rizal, lalo pa at nang
banggitin niya na isa sa mga nananahan sa Bundok Makiling ang mag-inang Sisa at
Crispin, ang mga pinaslang ng kasawian sa kolonyalismong Kastila na para bang
hindi pa sapat ang naging pagturing sa kanila bilang baliw at kriminal. Makikita rito
na hindi surface mining lamang ang ginagawa ni Pineda, di gaya ng madalas
mangyari sa ibang texto na bunga ng lack of appreciation for the integrity and
complexity of folklore (Mojares 2002). Sa nobela ni Pineda, sadyang nililinang ang
implikasyong politikal ng imahen na nakabaon sa di-malay ng bayan. Kailangang
ipagpalagay na dahil kay Rizal, may malay si Pineda sa alingawngaw na maaaring
likhain ng paggamit kay Mariang Makiling bilang textong kilala ng bayan.
Sa pagtalakay sa mga teknik ni Pineda sa nobela, binabanggit ang
ideyalisasyon ng pagtatangkang kumatha ng Utopia o Paraiso, subalit hindi
tinalakay ang papel ng pantasya at kababalaghan upang magsulong ng politika.
Mahalaga ito sapagkat matatagpuan ang elementong ito sa mga katutubong epiko,
alamat at kuwentong bayan na malinaw na pinaghahanguan ni Pineda, gaya ng
sinabi ni Dizon. Huwag nang sabihin pa na hindi ito nalalayo sa istratehiya ng
marvelous realism na kinasangkapan naman ng mga manunulat sa Timog Amerika
upang ipakilala ang kanilang uri ng tuligsa sa kolonisasyon at neokolonyalismo.
At ayon nga kay Gabriel Garcia Marquez, para sa kanilay hindi ito kamanghamangha sapagkat likha lamang ng guniguni. Madalas na ang pagturing sa mga ito
bilang pantasya o kababalaghan ay nagmumula sa imposisyon ng inaasahan sa
isang realidad na nagmumula sa labas. Kaya naman, ibinulalas niya matapos
tanggapin ang Nobel noong 1982 na, [t]he interpretation of our reality through
patterns not our own, serves only to make us ever more unknown, ever less free,
ever more solitary. Sa kaso natin, kailangang tingnan na matagal nang kinikilala ng
mga mamamayan ang Makiling, gaya ng iba pang bundok sa Pilipinas, bilang
sagradong sentro ng isang bayang emergent. (Mojares) Para sa bayan, higit na
kamangha-mangha kung hindi ito ituturing bilang kamangha-mangha.
Subalit ano nga ba ang pagturing at bisa ng mahika sa loob ng naratibo ni
Pineda? Hindi kagaya sa mga koridong tulad ng Ibong Adarna na may malinaw na
tagisan ng majica blanca at negra, sa nobelay may isang uri lamang ng mahikaat
iyon ay ang mahika ng Makiling. Pansinin na ang kasalukuyan sa nobela (1947) ay
isang panahong mabuway ang relasyon ng mga tauhan sa mahikang ito: may mga
naniniwala gaya ng mamamahayag na siya ring tagapagsalaysay; may hindi

naniniwala gaya ni Bato na kasamahang mamamahayag ng tagapagsalaysay na


pinagtatawanan ang liham ni Esteban Reyes sa posibilidad na si Mariang Makiling
ang dahilan ng pagkawala ng isang matandang babae sa Bulacan; at may walang
pakialam, gaya ni Danding Del Mundo na siyang patnugot ng lathalain ng Ramon
Roces na pinagsusulatan ng tagapagsalaysay. Nagiging mahalaga rin kung gayon na
sa Maynila ito maganap upang itanghal ang lungsod bilang ultimong sityo ng
kawalang-katiyakan, ng pag-aalinlangan sa harap ng mga hindi nito maipaliwanag o
pinipiling hindi ipaliwanag. At mula rito, inililimbag ang mga pahayagan bilang sityo
ng diskursoupang ipahayag na ang anumang mahika at kamangha-mangha ay
hindi kinakailangang totoo, bastat mapag-uusapan.
Sa harap nito, mahalagang alalahanin ang paalala ni Mojares na folklore can
serve contradictory intereststhe legitimation of a dominant social order or its
demystification and subversion. Sa harap ng pantasya lalong nagiging kritikal na
usapin ang realismo bilang moda ng representasyon na lubhang nabigyan ng
pagkiling sa itinuturing na pambansang panitikan. Sa isang sanaysay, tinalakay ni
Roland Tolentino ang halaga ng perspektibo bilang siyang pinagmumulan ng
realismo o ang estetika ng pag-unawa sa mundo ng naratibo na kakawing naman
ng demokratikong nasyonalismong ibinubunga ng pesimismo sa realidad. Pansinin
na sa nobela, may pagkukuwadro ng naratibo sa pamamagitan ng isang
tagapagsalaysay na pinagsasalaysayan din lamang ng isang matanda (si Tata Doro)
na siyang talagang saksi sa mga pangyayari. Sa loob ng salaysay ni Tata Doro,
ipapahayag ang pagpapatong-patong pa ng pagsasalaysay ng ilang pantastikong
detalye sa pamamagitan ng pagkukuwento niya sa ilang mga ikinuwento rin lamang
sapagkat hindi niya nasaksihangaya ng talagang nangyari kay Edong nang
mahulog ito sa bangin, o ng nangyari kay Sebio nang sinundan niya ang inakalang
tinig ni Edong at pagkatapos ay humahangos na nagbalik na animoy nabaliw. At
paano nga tatayain ang hanggahan ng kamalayang musmos ni Doro (anim na taon
siya noon) na siyang pinaghuhugutan ng pag-alala sa kasalukuyan ng naratibo
(apatnaput anim na taon na siya).
Samantala, kung titingnan ang padron ng karanasan ng isang bayani,
makikitang agad-agad na problematiko ang pagpoposisyon kay Edong bilang
bayaning epiko. Totoong umalis din siya sa simula, subalit upang gawin ang
kanyang trabaho na tungkuling pang-ekonomiya niya sa pamilya at hindi sa bayan.
At kahit sa harap ng ganitong padron, walang hayag na kritika sa kapitalismo ang

katauhan niya. Kuntento siya sa kaniyang trabaho, mabuti ang pakikitungo sa


kaniya ni Ba Tomas na siyang may-ari ng bigasan. Wala ang pesimismong sinasabi
ni Roland Tolentino na mahalagang naging katangian ng kinilalang pambansang
panitikan.
Walang digmaang naghihintay sa kaniyang pakikipagsapalaranat kung
mayroon mang tunggalian, itoy higit na eksistensiyal at hindi materyalang
pagpipilit na makuha ang dapo para sa iniibig na si Sanang at ang pagliligtas sa
inakay na naging dahilan ng pagkakahulog niya sa bangin. Pagkatapos noon,
sasabihin sa kaniya ni Mariang Makiling na nagawa na niya ang kaniyang
pananagutan sa daigdig. Wala ang ringal ng pakikihamok ng isang bayani sa epiko.
Bukod dito, pinili pa niya ang katiwasayan sa Makiling, na maaaring tingnan bilang
pagtakas sa mga suliranin at kasawian sa daigdig na ibig na niyang talikuran bastat
kasama si Sanang. Sa malaking bahagi ng nobela, wala na ngang pisikal na
presensiya si Edong. Pantasya na rin maging ang pagmamasid niya kay Sanang at
pagliligtas

dito

nang

pagtangkaan

ng

binatang

taga-Santol,

pantasyang

naipapahatid na lamang sa pamamagitan ng patotoo ng itinuturing na baliw sa


bayan, si Nanong Balabal. Sa ganitong ebalwasyon nagmumukhang si Edong ang
ganap na kataliwas ng ayon kay Tolentinoy buhy na karanasan na siyang
inaasahang extensyon ng produksyon ng pagsasakatuparan ng pinakaasam na
katarungan sa lipunan.
Gayumpaman, kailangan ngang kilalanin din na hindi ganoon kasimple ang
ebalwasyon sa pagkakabuo sa katauhan ni Edong dahil mayroon ngang pangako na
iiwan din niya ang Utopia ng Makiling balang-araw upang kaharapin ang hamon ng
daigdig kasama ang mga bayani ng lahi. Kung kailan, hindi tiyak si Tata Doro
bagaman inaasam niyang itoy ngayon na. Sa bandang huli, lalaging magiging
suliranin ang isang politika na nakaangkla sa pagpapaliban o walang-humpay na
pagtanaw lamang sa hinaharap o sa darating samantalang may kasalukuyan na
kailangang bunuin. Ito marahil ang pinaghuhugutan ng malalim na buntong-hininga
ni Tata Doro sa katapusan ng nobela, kasabay ng isang dalangin sa pagbubukas sa
wakas ng mina ng ginto sa Makiling.

Anda mungkin juga menyukai