Anda di halaman 1dari 1

Ang Katamaran ng mga Pilipino

Ang sanaysay ni Jose Rizal na "Katamaran ng mga Pilipino" (La indolencia de los Filipinos) ay
sinulat niya para magbigay tugon sa pagbabansag sa mga Pilipino na tamad. Ang ibig sabihin ng
sanaysay na ito sa Ingles, "The Indolence of the Filipinos", ay "little love for work, lack of
activities". Ayon kay Rizal, ang pagbabansag na ito ay may katotohanan. Sinabi niya na may mga
dahilan at sanhi kung baket masasabi na ang mga Pilipino ay mga tamad.
Ayon sa kanya, ang pangunahing sanhi ay ang mainit na klima ng Pilipinas. Nahihirapan ang
mga Pilipino na gumawa dahil sa init ng araw na tumitinag sa kanilang mga balat. Masasabi na
ang katamaran ng mga Pilipino ay dahil na rin sa pagsakop ng Kastila sa Pilipinas. Noong bago
pa dumating ang mga Kastila, nakikipagkalakalan na ang mga Pilipino sa Tsina at sa ibang
karatig na bansa, nagsasaka, nag-aalaga ng mga manok, naghahabi ng mga tela at damit, at iba
pa. Subalit nang dumating ang mga Kastila, pinatamlay niya ang mga kalakalan na ito at
nagresulta nang di-pag-usad ng industriya ng Pilipinas at ng mga produktong niluluwas.
Salungat noon na nakakapagsaka sila ng malaya, ang mga Pilipino noong panahon ng Kastila ay
makakapagsaka lang kapag may pahintulot na ng pamahalaan. At kung magtatanim naman sila,
ang kapalit naman ng kanilang produkto ay maliit na halaga lang. Ang mga patakaran ng
pamahalaan katulad ng sapilitang paggawa at pagbabawal ng pagkakaroon ng sandata at baril ay
naging sanhi din ng katamaran ng mga Pilipino. Dahil sa sapilitang paggawa, hindi nagkaroon
ng katiyakan ang kanilang kabuhayan at nang lumaon sila'y naging pabaya. Dahil sa pagbabawal
ng pagkakaroon ng sandata at baril, maraming Pilipino ang namatay sa kamay ng mga piratang
galing ng Sulu at Mindanaw. Nagbunga ito ng pagbagsak ng industriya at sakahan sa mga lugar
na nilusob ng mga pirata at pinabayaan na lang ang mga ito dahil na rin sa walang pera para
isaayos at buhayin pa ang mga ito at hindi sila tinutulungan ng pamahalaan noon. Ayon pa kay
Rizal, ang mga kasakiman at pagmamalabis ng mga encomendero at gobernador ay nagdulot
din ng mga pamatay-sigla upang ang mga Pilipino ay gumawa. Noong panahon ng Kastila,
tinitingala ng mga Pilipino ang mga Kastila, na hindi gumagawa ng mabibigat na gawain. Dahil
dito, ginagaya nila ito para masabi na sila'y "parang mga Kastila", na maaaring kahulugan ay
Panginoon o maginoo. Ang mga Pilipino din noon ay naniwala sa mga kura paroko na nagsasabi
na ang mga mayayaman ay hindi pupunta sa langit kapag ito'y namatay na. Natanim sa isip ng
mga Pilipino noon na hindi na dapat gumawa upang hindi na yumaman. Isa pang nagpalala sa
katamaran ng mga Pilipino ay ang pagsusugal. Umaasa na lang sa swerte ang mga Pilipino noon
para lang mabuhay. Ang masamang sistema ng edukasyon noon ay nagdulot din ng mababang
pagkilala sa sarili. Ani nga ni Rizal, "buhat sa pagkabata ay wala silang natutunan kundi ang
pagkilos na parang makina na hindi nalalaman ang buong kabagayan." Nagkaroon tuloy ng pagaalinlangan at pagtutunggali ng isip at tungkulin ay naging ugat ng katamaran ng mga Pilipino.
Iminulat sa tamad na pamumuhay ng mga monghe noon ang mga Pilipino kaya naging tamad
sila. Iniukol nila ang kanilang salapi sa Simbahan upang magkaroon lang ng mga himala sa
kanilang buhay. Isa pang nagpalala sa katamaran ng mga Pilipino ay ang di-pagkakaroon ng
nasyonalismo dahil na rin pagkait sa karapatan na magtatag ng mga samahan na magbubuklod
sana ng mga Pilipino. Tinamad ang mga Pilipino na makipag-usap at makipag-ugnayan sa mga
ibang tao sa ibang lugar ng Pilipinas. Isa pang dahilan ay kapag mayroong isang Pilipino na
nagtagumpay, hindi na nagaganyak ang iba pang Pilipino na magtagumpay dahil na naiisip
naman nila na mayroong nang gagawa ng trabaho para sa kanila.

Anda mungkin juga menyukai