Noong unang panahon, sa lalawigan ng Cotabato, may isang
lugar na may napakaraming mga puno. Tinawag itong Lupain ng mga Puno. Ang mga puno dito ay masaya at matiwasay na namumuhay na parang iisang pamilya. Si Lolo Puno ang pinakamatanda at tumatayong pinaka-ama ng mga puno. Ilang libong taon na siyang nabubuhay. Mahal na mahal siya at mataas ang paggalang sa kanya ng lahat ng mga puno-nina Tatay Puno, Nanay Puno at mga maliliit na puno. Isang araw habang naglalaro ang mga maliliit na puno, nakakita sila ng isang lalaking may makapal na bigote. Siyay dahan-dahang naglalakad. Lumuluwa ang kanyang mga mata habang tumitingin sa mga puno. Pinag-aaralan niya ang laki at hugis ng lahat ng mga puno. Hmmm! Ang gaganda at anlalaki ng mga punong ito. Sabi ng lalaki. Nagtataka ang lahat ng maliliit na puno. Huwag kayong mag-alala, sabi ni Lolo Puno, Dumadalaw lang yan, aalis din yan agad. Pagkaraan ng ilang araw, biglang humahangos na nagtatakbo at nagsisigaw ang isang maliit na puno. Lolo Puno, Lolo Puno! Sigaw nito, Ang lalaki po ay nagbalik! Napakarami napo nila! May hawak po silang isang mahabang bagay na kulay pilak! Kumikinang pa po ang dulo nito! Ano po kaya iyon? Ibibigay po ba nila sa atin yon? Makakatulong ba yon sa aming mabilis na paglaki? Pagkakita sa mga kalalakihan, si Lolo Puno ay nanginig sa takot. Makinig kayong lahat! Makinig kayo! Tayo ay nasa panganib. Tayo ay puputulin ng mga taong ito. Matutumba tayong lahat. Mawawala tayong lahat! Natakot ang lahat ng mga puno. Ako ang magbibigay ng proteksiyon sa inyo lalo na sa mga malilit na puno. Ako ang magsisilbing kalasag upang hindi kayo magalaw. Kapag narinig ninyo akong bumagsak sa lupa, alalahanin ninyo ako sa pamamagitan ng pagiging matapang at pagpapanatili ng pag-asa sa inyong mga puso. Ang lahat ng mga puno ay tumakbo habang tinakpan ni LoloPuno ang pintuan ng lupain ng mga puno. Narinig sa buong lupain ng mga puno ang malakas na sigaw ni Lolo Puno nang ilang araw mula umaga hanggang gabi. Ahhhhh, nasasaktan ako! Hanggang isang araw, narinig nila ang isang malakas na lagabog na parang may bumagsak sa lupa. Para itong malakas na kulog sabay sa paglindol at pagyanig ng lupa. Ang lahat ng mga puno ay nalungkot. Alam nilang wala na ang kanilang pinakamamahal na Lolo Puno. Araw-araw, wala nang ginawa ang mga puno kundi umiyak nang umiyak. Sila ay nalungkot sa pagkawala ni Lolo Puno. Simula noon, hindi na makapaglaro ang maliliit na puno. Hindi na sila nagbibiruan at nagkakatuwaan. Lahat sila ay tahimik na umiiyak habang inaalala ang kabaitan ni LoloPuno. Hanggang ngayon ay makikita sa lalawigan ng Cotabato ang mga punong umiiyak. Ngayon ang mga punong ito ay tinatawag na mga puno ng goma.