Anda di halaman 1dari 8

Istrukturalismo

Ang Istrukturalismo ay nakaugat sa paniniwalang ang kahulugan ay maaari lamang


mapalitaw kapag ito ay tiningnan sa mas malawak na istruktura---ang istruktura ng wika. Ang
kahulugan ay nakapaloob sa sistema ng wika (ang tinatawag na langue) na nakadepende naman
sa aktwal na sinasabi o binigkas (ang parole). Kayat kung paghambingin ang Formalismo at
Istrukturalismo: habang ang Formalismo ay lumalapit sa teksto ang Istrukturalismo naman ay
lumalayo para higit na makalapit sa konteksto (pero sa kabilang banda, pareho ding gumagamit
ng close reading).
Unang binuksan ang ganitong pananaw ng linguista na si Ferdinand de
Saussure. Inimbento niya ang konsepto ng pagiging arbitrary ng kahulugan ng salita---na walang
isang salita na nakakatayo na mayroong kahulugan. Ang kahulugan ay malilikha lamang
sa relasyon ng salitang ito sa iba pang salita kung saan ito ay napapabilang (meanings are
relational). Nalilikha lamang kung ganoon ang kahulugan dahil sa pagkakaiba (difference) ng
salita sa iba pang salita. Halimbawa nito ang kahulugan ng kulay na pula sa water dispenser:
pula=mainit. Iba ito sa bughaw=malamig. Itong pagkakaiba ang nagbigay sa pula ng
kahulugan. Siempre pa kung ang kulay pula ay makikita na hindi na bughaw ang katabi, mag-iiba
ang kahulugan nito. Itinuring din ni Saussure ang wika bilang sistema ng senyas (sign) na binubuo
ng tagasagisag (signifier) at sinasagisag (signified). Sa halimbawang nabanggit sa itaas ito ang
representasyon:

Tagasagisag (pula)
Sinasagisag (mainit)

Tinawag ng mga teorista ang sistemang ito na semiotics o semiology (parang unang
binanggit ni Derrida?). Pero dapat pansinin na hindi ito naging limitado sa diskurso ng wika ngunit
ng kabuuang istruktura na hakop pati kinship system, totem symbol, mito at iba pa na siya namang
pinag-aralan ni Claude Levis- Strauss, isang antropologo. Ang antropolohikal na pananaw na ito
ang ginamit ni (Roland) Barthes para basahin ang sistema ng senyas sa halos lahat ng bagay mula
sa damit, gusali, wrestling at pagkain (Basahin ang kanyang Myth Today, 1957 at masasabing si
Barthes (later Barthes) ay nasa postistrukturalismo na).
Sa mga naratibo naman ay ginamit ng mga istrukturalista ang analohiya ng wika kung saan
ang konsepto ng syntax sa pangungusap ay ginawang modelo para sa kanilang analisis. Si
Vladimir Propp, halimbawa, ay nakalikha ng analisis ng istruktura ng fairy tales sa pamamagitan
ng simuno (subject) at panaguri (predicate) ng pangungusap. Ang simuno bilang hinahalinhinan
ng bida at ang panaguri bilang aksiyon na nagmula sa bida. Mula dito ay nabuo niya ang naratibo
ng pagkasunod-sunod ng pangyayari mula sa pagpapakilala sa bida hanggang sa kanyang
pagpapakasal sa premyo (karaniwan prinsesa) at pag-upo sa trono. (Subalit ang teoryang ito ni
Propp ay in-assume na ng Naratolohiya.) Pinaikli naman ito ni A. J. Greimas sa pagpapakilala ng:

Subject/Object
Sender/Receiver
Helper/Opponent

kung saan ang mga aksiyon ay maaaring klasifikahin sa performative (tests, struggles etc.),
contractual (establishment and breaking of contracts), at disjunctional (departure at returns).
Sa kaso ni Levi-Strauss, hindi ang sequence ng naratibo ang kanyang naging interes
kundi ang pattern ng istruktura kung saan mahuhugot ang kahulugan na siyang lumikha ng
institusyong panlipunan at kaalaman. Dito naimbento ang konsepto ng kabilaang tunggalian
(binary opposition); ang tunggalian na maaaring irepresenta sa mga sumusunod na salita tulad ng
hari/alipin, mayaman/mahirap, natural/kultural at iba pa.
Sa kabuuan, masasabi na ang istrukturalismo ay lumitaw bilang reaksiyon sa
namamayaning teorya na Formalismo. Layon nitong isantabi ang autoridad ng awtor at itanghal
ang paghahari ng sistema (wika) kung saan ang lahat ng kahulugan ay matatagpuan. Nasa
paniniwala nito na wala nang bago sa mga sinusulat dahil lahat ay nasulat na. Nauna na ang
wika sa paglikha ng kahulugan kesa sa magsusulat pa lang.
Magkapareho nga lang ang dalawang ismo (formalismo at istrukturalismo) sa pananaw
na mayroong sentro o unibersal. Kung sa una, ang unibersal ay nakapaloob at matatagpuan sa
metapisikal na entidad (esensya, katauhan, Diyos) sa huli naman ay ang pinagmulan (maaring
code, batas o sistema). May kakulangan pa rin ang istrukturalismo dahil binabalewala nito ang
ibang realidad tulad ng realidad ng kasaysayan na kahit ang diskurso ng tunggalian (binary
opposition) ay hindi hiwalay dito. Isa pang puna sa istrukturalismo ay ang akto nito ng pagpanig sa
isang diskurso (privileging) na hindi maiiwasang isang politikal na gawain. Kayat ang
pagpapakahulugan ng istrukturalista ay maaari pa ring isabjek sa isang interogasyon. (Malimit ang
ginagamit lamang ay ang kay de Saussure na signifier-signified at Levi-Strauss na binary
opposites.)

SALIMBAYAN NG TEXTO AT KONTEXTO SA AKING


KAMALAYAN

We know perfectly well that we are not free


to say just anything. - Michel Foucault

I Sariling Danas

Kuwento at utos ang unang engkuwentro ko satexto. Kuwento at utos na may tiyak na
kahulugan at pinanggagalingan, hiwalay ngunit mahigpit ang ugnayan sa realidad. Kapag
inutusan ako, halimbawa, ng aking lolo na magdilig na halaman, buo at tiyak ang kahulugan ng
kanyang utos: magdilig ka ng halaman. Ibig sabihin, kailangan kong kumuha ng timba o
regador para buhusan ng tubig ang paligid ng halaman sa likod-bahay. Ang mga salitang
halaman, timba, regador, likod-bahay ay tumutukoy sa aktuwal na halaman,
timba, regador, at likod-bahay. At may taginting ng awtoridad ang utos na iyon; mga
salitang dapat sundin, at di dapat pasubalian.

Noong bata pa ako, hindi bungang-isip lamang ang mga kuwento ng aking lolo;
mayroong tiyak na korespondensya sa totoong buhay ang mga ito. May tiyak na representasyon
ang mga maligno at lamang-lupa. Ang duwende ay maliit na taong sayad sa lupa ang balbas;
samantala ang kapre ay higanteng may sigarilyong kasinglaki ng poste. Buhay na buhay sa aking
imahinasyon ang mga karakter ng kuwento ni lolo. Kasing-init ng kanyang boses ang presensya
nila sa aking diwa. Kasing-totoo sila ng kinatatakutan kong punso sa gilid ng aming
bakod. Nananatili kahit matagal nang tapos ang kuwentuhan.

Sa pagpasok ko sa eskuwela, nagkaroon ng bagong dimensyon ang mga salitang


sinasambit at naririnig ko lamang. Natuto akong sumulat at bumasa. At gaya ng mga salitang
sinasambit, ang mga salitang nasa papel ay may tiyak na pinapatungkulan. Ang kumbinasyon ng
mga titik na m-a-i-s, halimbawa, ay tumutukoy sa aktuwal na mais. Singtiyak ng tumbasang ito
ang pinanggagalingan ng mga salita ang awtor na siyang may-ari ng kahulugang inilalapat ng
aklat sa aking kamalayan. Kung hindi ang awtor, ang guro na siyang nagpapabasa ang
nagpapataw ng kahulugan.

Ang mga talata sa Bibliya na matututuhan kong basahin ay may tiyak ding
painapatungkulan: ang langit ay lugar na pupuntahan ng mga kaluluwa ng mababait na tao; ang
impyerno ay walang hanggang apoy na nakalaan para sa masasamang tao; ang Diyos ay
matandang lalaking balbasarado; ang puno ng Igos ay isang punong hindi namumunga. At tulad
ng salita ng aking lolo, ang mga talatang ito ay dapat paniwalaan at sundin sapagkat utos ng
dakilang Diyos na tagapagligtas. Tulad ng salita ni lolo, mataginting ang boses ng Diyos na
naririnig ko kapag nagbabasa ako ng Bibliya.

Dalawang taon matapos ideklara ni Marcos ang Batas Militar (nasa ikaapat na baitang
ako noon sa elementarya), naligalig ang payapang tumbasan ng salita at kahulugan sa
kinagisnan kong mundo. Matututuhan ko ang isang klase ng salitang noon ko lamang
maririnig. Isang kantang dala ng mga estudyanteng aktibista na ipinadpad ng pag-oorganisa sa
aming lugar:

Tamad na burgis na ayaw gumawa


Sa pawis ng iba't nagpapasasa
Hindi marunong mangahiya,
Walanghiya!

Banderang pula iwagayway


Banderang pula iwagayway
Ang anakpawis ay mabuhay.

Hindi katulad ng mga salita ng aking lolo at ng mga talata sa Bibliya, walang malinaw
na kahulugan sa akin ang kantang ito. Isa pa, wala itong alingawngaw ng utos ng hari na di
mababali. Basta ang dinig ko noon sa 'tamad ana burgis' ay tumataburgis na sa salitang
Pantabangan ay nangangahulugang tumatae.

Sa aking pagbabalik-tanaw, ito ang unang karanasan ko ng katotohanang puwedeng


magkaroon ng iba pang kahulugan ang texto na kaiba sa intensyon ng lumikha nito. Na ako, na
dating tagatanggap lamang ng salita, ay maaaring maglapat ng sarili kong pagkaunawa sa
salitang aking nakaka-engkuwentro. Mas higit, pa, kakabit ng pag-unawang ito ang mga kilos at
pakiramdam ng paglaya. Habang kinakanta ko at ng aking mga pinsan
ang tumataburgis, nagmamartsa kaming naniningkit ang mga mata sa tuwa, lalo na bahaging
Banderang pula iwagayway.... na sinasabayan namin ng pagwawagayway ng hinubad naming
mga damit.

Mula sa mga salitang inuunawa at tinatanggap sa kontexto ng utos at pagsunod,


naranasan ko ang pag-intindi sa salita sa kontexto ng paglalaro at pagsuway. Mahigpit ang utos
ng aking lolo, na bise-alkalde noon at maka-Marcos: huwag na huwag ko nang maririnig na
kakantahin nyo ulit ang kantang iyan. Ang pagsuway sa utos na ito ay katumbas ng latay sa
puwet o ng talim ng pananakot: isa pa at tatamaan na kayo. Pero malakas ang batak sa amin
ng kantang iyon, kaya magpapatuloy ang pagsuway. Hindi na lamang ako kumakanta
ng tumataburgis kundi makikipagtalaban pa sa ibat ibang texto -- mga polyetos at iba pang
babasahin na naglalatag ng kontexto ng paghihigpit ng aking lolo. At lalawak ang pag-intindi ko
sa pagparoot-parito ng mga aktibista sa aming lugar; ang pagtutol ng mga kababayan sa aming
paglikas; ang paglipana ng mga sundalo; at higit sa lahat, ang pagpapalubog ng aming bayan
para gawing dam.

Mula rito, uusbong ang realisasyon na hindi simpleng obhektibong tumbasan ang
relasyon ng salita at realidad. Na ang salita ay hindi lamang nyutral na simbolong
tagapagpangalan ng mga bagay at karanasan, isa rin itong kasangkapan ng politikal na
kapangyarihan at kontrol. Na ang salita ay larangan ng ideolohikal at makauring tunggalian.

Matututuhan ko na ang pagbabawal ng aking lolo sa kantang tumtaburgis ay bahagi


ng mapaniil at mapanlinlang na texto at kontexto ng batas militar. Magkakaroon ng bagong
mukha ang mga tauhan sa mga kuwento ng aking lolo, mga mukhang bibigyang hugis ng sarili
kong imahinasyon batay sa aking pagtanggap at hindi na sa dikta ng makapangyarihang tinig ng
aking lolo. Hindi na iisa ang ibig sabihin ng duwende, ng kapre; hindi na iisa ang
pinanggagalingan ng kanilang kahulugan; at hindi na lamang ako simpleng tagapakinig. Isa na
rin akong manlilikha ng texto at kahulugan.

II Pakikipagtalaban sa Teorya
Sa larangan ng panitikan, texto ang katawagang ginagamit upang tukuyin ang ibat
ibang mga akda, lalo na ang mga nakasulat. Sa texto umiinog, naglalagos, nagbabanggaan ang
ibat ibang teoryang pampanitikan, na hinati ni Wendell Harris sa dalawang kampo: hermetic at
hermeneutic (Harris, Litearary Maeaning). Hermetic ang tawag ni Harris sa mga teoryang
nagtuturing sa texto bilang endtidad na walang ugnay sa mundo o realidad. Para sa hermetic,
wala sa labas ng salita ang kahulugan ng isang akda, kundi nasa loob mismo nito nasa wika,
nasa kasangkapang pampanitikan. Itinuturing naman ng hermeneutic na may kaugnayan sa
lipunan ang texto. Isa itong imbitasyon tungo sa malalim na pag-unawa sa realidad.

Ngunit hindi ganito kasimple ang hatian ng mga teoryang ito. Bagamat nagkakaisang
walang kinalaman sa realidad ang texto, ang mga teoryang nakapailalim sa hermetics ay
nagsasalungatan din sa kanilang mga lapit ukol sa pag-unawa sa kahulugan at kabuluhan
ng texto. Idinidiin ng Russian formalism, halimbawa, na ang pagsusuring pampanitikan ay
dapat maging syentipiko tulad ng lapit sa likas na agham. Sa ganitong pagtingin, tanging ang
mga pampanitikang kasangkapan ang dapat tingnan sapagkat ang mga ito lamang ang maaaring
pag-usapan at pagkasunduan sa pamamaraang syentipiko. Ang kinasanayang paraan ng pagbasa
sa akda ay walang kinalaman sa akda, kaya: ipaubaya na sa kasaysayan ang pagbusisi sa
nakaraan, kasalukuyan at hinaharap ng lipunan; sa sosyolohiya ang tungkol sa kalagyaan at
relasyon ng mga tao at komunidad; sa sikolohiya ang mga bagay na tungkol sa kamalayan, gawi,
at pag-iisip ng indibidwal; sa relihiyon ang tungkol sa mga aral.

Salungat naman sa ganitong pagtingin ang kabilang dulo ng formalism, ang New
American Critics. Idinidiin nito na hindi maaaring isalang sa laboratoryo ang emosyon, ang
espiritu ng tao na siyang itinatampok ng panitikan. Naniniwala itong ang mga akda ay
kalipunan ng mga kasangkapan, ngunit ang mga ito ay hindi upang bigyan lamang ng sariwang
karanasan o perspektiba ng isang bagay ang mambabasa. Mas higit, kasangkapan ito upang mas
maunawaan ang ideyal na esensya ng tao at ng kanyang ugnay sa dakilang Espiritu.

Para naman sa istrukturalismo, walang halaga ang texto; bahagi lamang ito ng pang-
araw-araw na pahayag (utterance) na nagkakaroon lamang ng kabuluhan dahil sa pag-iral ng
isang unibersal na mga istruktura ng wika. Walang bagong texto, and lahat ay pag-uulit-ulit
lamang ng mga dati nang nakasulat. Wala nang ginagawa ang manunulat kundi muling
isalansan, kumpunihin, pagsamahin ang mga dati nang umiiral na akda. Patay na ang awtor at
sa kamatayang ito isinilang ang mambabasa, ayon nga kay Roland Barthes.

Sa teoryang ito, hindi mahalaga ang anyo, hindi mahalaga ang mga kasangkapang
pampanitikan; may halaga lamang ang akda dahil nagsisilbi itong bintana kung saan masisilip
ang unibersal na operasyon ng mga istruktura ng wika, gaya ng gramatika, ponolohiya,
semantika. Sa equation ni Ferdinand de Saussure, langue/parole. Ang parolebilang tawag sa
pang-araw-araw na pahayag kasama na ang mga akdang pampanitikan at langue, na tumutukoy
sa mga istruktura ng wika na siyang gumagabay sa pagbuo ng mga pangungusap na nauunawaan.
Ang texto, ayon kay Saussure, ay isang senyal na binubuo ng dalawang aspekto ang
signified at signifier. Bahagi ang mga ito ng iisang kabuuan at mahigpit ang ugnayan sa isat isa
ngunit kailanman ay hindi ganap na magtatagpo. Hindi kailanman mahuhuli ng salitang
tumutukoy (signifier) ang salitang tinutukoy (signified). Halimbawa, ang salitang bukid bilang
senyal ay hindi nakatali sa konsepto ng lupang tinatamnan ng palay dahil wala naman sa
pinagkabit-kabit na mga letrang b, u, k, i, at d at sa tunog na nililikha ng pagkakabit na ito ang
pagkabukid ng bukid o ang konsepto ng lupang tinatamnan. Kung hindi ganito, hindi sana
magiging bundok ang pagkaunawa ng isang Cebuano sa salitang bukid. Kung gayon,
pinasusubalian nito ang paniniwalang ang salita ay simbolong may tiyak na katumbas sa
realidad. Ayon kay Roland Barthes:

We now know that the text is not a line of words releasing a single theological
meaning (the message of an author-God) but a multi-dimensional space in which a
variety of writing, none of them original, blend and clash. The text is a tissue of
quotation drawn from innumerable centers of culture. (Culler, pp. 32-33)

Ayon sa istrukturalsimo, arbitraryo ang kahulugan; nabubuo ito hindi dahil nakapaloob
na ito sa mga titik at tunog na bumubuo nito kundi dahil ito ay kaiba sa iba pang kahulugan o
salita. Sa ganitong lohika, ang bukid ay naging bukid dahil hindi ito bukod, hindi
ito bukad, hindi bakod, atbp.

Di maglalaon, ang ganitong pagtingin sa texto ay tatalikuran din ng mismong mga


pasimuno nito. Isa sa mga problemang kakaharapin nila ay mismong ang konsepto ng binary
opposition na puso at kaluluwa ng istrukturalismo. Halimbawa, itinuturing nilang mas mahalaga
ang langue kaysa parole ngunit sa mas masinsing pagsusuri, lumalabas na mas importante ang
parole dahil kung wala ito, paano malalaman ang operasyon ng langue? Itutulak sila
ng ganitong kawalan ng istableng posisyon ng senyal tungo sa masalimuot ng mundo ng post-
structuralism, kung saan ang lahat ay nagsasalimbayan bilang mga texto. Sa mundong ito, na
ang lahat ng bagay at texto, walang sentro. Ang awtor, ang mambabasa, ang kanilang lipunan
ay kapuwa mga texto na nakikipagtalaban sa isat isa. Wala nang pagkakaiba
ang texto sa kontexto
At dahil walang hanggan ang pagkakaiba-iba ng mga salita, walang hanggan din ang paghahanap
ng kahulugan. Amen.

Samanatala, gamit ang diagram ni Roman Jacobson na

CONTEXT(referential)
WRITER (emotive) WRITING (poetic) READER (connotative)
CODE (metalinguistic)

inihanay ni Raman Selden ang mga teoryang pampanitikan nang ganito:


MARXIST
ROMANTIC FORMALISTIC READER-ORIENTED
STRUCTURALIST

Nakatuon ang formalist theories sa mismong akto ng pagsusulat nang tiwalag sa


realidad. Ang structuralist theories naman ay nakapokus sa wika, sa mga istruktura
nito. Kabilang ang dalawa sa tradisyong hermetic.

Samantala, buhay at kamalayan naman ng awtor ang konsentrasyon ng romantic


theories. Binusisi ng mga ito ang emosyon, paniniwala, paninindigan ng awtor. Kinikilingan
naman ng Marxist theories ang sosyal at historikal na kontexto ng texto. Inuusisa nito ang
kalagayang nagluwal ng akda. Karanasan, pananaw, at emosyon naman ng mambabasa ang
binibigyang-diin ng reader-oriented theories. Nakapaloob ang tatlong ito sa tradisyon ng
hermeneutic.

Naniniwala ang tatlong ito na ang texto ay may kakayahang magbigay-liwanag sa mga
entidad labas sa salita: sa awtor, sa lipunan, sa mambabasa.

Masasalamin sa texto ang intensyon ng manunulat, nakatala rito ang kanyang


paniniwala at paninindigan. Maririnig sa kanyang akda ang kanyang tinig, madarama ang
kanyang emosyon. Sa pamamagitan ng kanyang tula, halimbawa, masisilip, kung hindi man
magagalugad, ang kamalayan ng makata..

Larangan ng pakikilahok sa pagbuo ng kahulugan ang texto. Isa itong bukas na parang
na nagbibigay ng pagkakataon sa mambabasa na makipagtalaban sa awtor sa pagbuo ng
panibagong kahulugan. Nangyayari ito dahil walang textong tapos na ang kahulugan. The
meaning of the text is never self-formulated; sabi nga ni Selden, the reader must act upon
the textual material in order to produce meaning. (p. 109)

Wala sa diagram ni Selden ang feminism at post-colonial theory pero maihahanay rin ito
sa tradisyong hermeneutic. Hindi masusukat ang papel ng texto sa pagbibigay-katuwiran sa
patriyarkismo. Kadalasan nang inilalarawan sa panitikan ang babae bilang mahinang kasarian na
nararapat lamang maging anino o pag-aari ng lalaki. Sa Katolisismo halimbawa, mas
binibigyang-diin ang kuwentong nagmula si Eba sa tadyang ni Adan kaysa sa pantay na
pagakakalikha sa kanila ng Diyos. Sa kabilang banda, texto rin ang pangunahing magiging
kasangkapan ng kababaihan upang palayain ang kanilang sarili mula sa hulmang pinaglagakan sa
kanila ng patriarkal na lipunan.

Kaugnay naman ng pananakop, sinasabi ni Said na totoong sa lupa umiinog ang sentrong
tunggalian sa pagitan ng mananakop at ng sinasakop. Ngunit ang usapin ng kung sino ang
nararapat magmay-ari ng lupa, kung sino ang nararapat tumira at magtrabaho sa lupa, atbp ay
pinagpapasiyahan sa naratibo, sa texto. Dagdag ni Said: The power to narrate or to block
other narratives from forming and emerging, is very important to culture and imperialism, and
constitutes one of the main connections between them. (Culture and Imperialism p.xiii)

Tunay na ang texto ay isang entidad na hindi maaaring ihiwalay sa lipunan. Hinubog
ito ng isang partikular na lipunan at panahon at katulong rin ito sa paghubog ng lipunan at
panahong iyon. Larangan ito ng tunggalian ng mga uri. Bahagi ito ng gahum (hegemony) ng
naghaharing uri; bahagi rin ito ng sandata ng uring pinagsasamantalahan tungo sa kanilang
paglaya. Kapuwa aspekto ng iisang kabuuan ang texto (mga akda) at kontexto (lipunan). Ayon
kay Edward W. Said sa The World, the Text, and the Critic, It is not only that any text is a
networking of often colliding forces but also that a text in its actually being a text, is a being in
the world, it therefore addresses anyone who reads (p. 33)

Binibigyang-diin dito ni Said ang diyalektikong ugnayan ng panitikan at lipunan,


ng texto at kontexto sa pagbuo ng kahulugan. Ipinakikita niya rito na buhay ang texto,umiiral
sa daigdig at samakatuwid ay nakikipag-usap dala ang mga espesipikong realidad ng lipunang
inusbungan nito. Pinasusubalian nito ang mga paniniwalang itinuring na katotohanan sa
mahabang panahon: na ang texto ay walang kaugnayan sa realidad; na ang texto ay isang
nyutral na larangan; na ang mambabasa ay pasibong tagatanggap ng katotohanan ng texto.

Anda mungkin juga menyukai