Anda di halaman 1dari 7

Aralin 1

Ang Pilipinas ay isang kapuluan. Binubuo ito nang mahigit pitong libong pulo na nabibilang sa
tatlong malalaking pangkat ng mga pulo sa bansa: ang Luzon, ang Visayas, at ang Mindanao. Dahil sa
nasabing kalagayang heograpikal, hindi maiiwasang magkaroon tayo ng ibat ibang pangkat ng mga
Pilipinong may kanya-kanyang wika at diyalekto. Ito ang nagbigay-daan sa napakaraming wika at
diyalektong ginagamit sa ibat ibang bahagi ng bansa. Ang opisyal na estadistika tungkol sa mga wika at
diyalekto sa ating bansa ay hango sa Census of Population and Housing (CPH) na isinasagawa tuwing
isang dekada ng National Statistics Office (NSO). Ayon sa datos ng CPH noong 2000, may humigit-
kumulang 150 wika at diyalekto sa bansa. Tagalog ang nangungunang wika na ginagamit ng 5.4 milyong
sambahayan; pangalawa ang Cebuano/Bisaya/ Binisaya/ Boholano sa 3.6 milyong sambahayan; pangatlo
ang Ilocano sa 1.4 milyong sambahayan; pang-apat ang Hiligaynon/Ilonggo sa 1.1 milyong sambahayan.
Maliban sa mga nabanggit, ang iba pang wika at diyalektong bumubuo sa sampung pinakagamiting wika
sa bansa ay ang sumusunod: Bikol, Waray, Kapampangan, Pangasinan o Panggalatok, Maguindanao, at
Tausug.

(Ang pinagbatayan sa estadistikang ito ay ang Census of Population and Housing (CPH) noong
2000 sapagkat ang datos mula sa CPH ng 2010 kaugnay ng wika at diyalekto ay hindi pa nailalathala.
Masasabing hindi perpekto dahil na rin sa katagalan ng panahon kung kailan isinagawa ang census
subalit mahalaga pa rin ang datos na ito dahil sa ipinahihiwatig nito ang kalagayan ng mga wika at
diyalekto sa ating bansa.)

Ang Wika
Isang napakahalagang instrumento ng komunikasyon ang wika. Mula sa pinagsama-samang
makabuluhang tunog, smbolo, at tuntunin ay nabubuo ang mga salitang nakapagpapahayag ng
kahulugan o kaisipan. Ito ay behikulong ginagamit sa pakikipag- usap at pagpaparating ng mensahe sa
isat isa. Nagkakaintindihan tayo, nakapagbibigayan tayo ng ating mga pananaw o ideya, opinyon,
kautusan, tuntunin, impormasyon, gayundin ng mga mensaheng tumatagos sa puso at isipan ng ibang
tao, pasalita man o pasulat gamit ang wika.

Ang salitang Latin na lingua ay nangangahulugang dila at wika o lengguwahe. Ito ang
pinagmulan ng salitang Pranses na langue na nangangahulugan ding dila at wika. Kalaunan itoy
naging language na siya na ring ginamit na katumbas ng salitang lengguwahe sa wikang Ingles.
Maraming wika sa buong mundo, ang mga salitang wika at dila ay may halos magkaparehong
kahulugan. Ito marahil ay sa dahilang ang dila ay konektado sa pasalitang pagbigkas dahil ang ibat
ibang tunog ay nalilikha sa pamamagitan ng ibat ibang posisyon ng dila. Kaya naman, ang wika ay
may tradisyonal at popular na pagpapakahulugang sistema ng arbitraryong vocal-symbol o mga
sinasalitang tunog na ginagamit ng mga miyembro ng isang pamayanan sa kanilang
pakikipagtalastasan at pakikipag- ugnayan sa isat isa. Marami ding dalubhasa sa wika ang nagbigay
ng ibat ibang pagpapakahulugan sa wika tulad ng mga mababasa sa kabilang pahina:

Ayon kina Paz, Hernandez, at Peneyra (2003:1), ang wika ay tulay na ginagamit para maipahayag at
mangyari ang anumang minimithi o pangangailangan natin. Ito ay behikulo ng ating ekspresyon at
komunikasyon na epektibong nagagamit. Ginagamit ng tao ang wika sa kanyang pag-iisip, sa kanyang
pakikipag-ugnayan, at pakikipag-usap sa ibang tao, at maging sa pakikipag-usap sa sarili.

Ayon kay Henry Allan Gleason, Jr., isang lingguwista at propesor emeritus sa Univeristy of Toronto, ang
wika ay masistemang balangkas ng mga tunog na pinili at isinaayos sa pamaraang arbitraryo upang
magamit ng mga taong nabibilang sa isang kultura. Halos magkatulad o magkalapit ito sa
pagpapakahulugang ibinigay ng siyentipikong Ingles na si Archibald A. Hill sa kanyang papel na What is
Language? Ayon sa kanya, ang wika ay ang pangunahin at pinakadetalyadong anyo ng simbolikong
gawaing pantao. Ang mga simbolong ito ay binubuo ng mga tunog na nililikha ng aparato sa pagsasalita
at isinasaayos ng mga klase at patern na lumilikha sa isang komplikado at simetrikal na istruktura. Ang
mga simbolong ito ay mayroon ding kahulugang arbitraryo at kontrolado ng lipunan. Kung kontrolado ng
lipunan ang wika, nangangahulugan lamang ito na ang mga taong nasa iisang lipunan ang siyang
nagtatakda at nagkakasundo sa mga simbolo o mga salitang gagamitin upang sila ay higit na
magkakaunawaan.

Ang wika ang nagbubuklod sa isang lipunan na may iisang kultura. Hindi matatawag na isang
lipunan ang isang grupo ng mga tao kung wala silang isang batayang wikang ginagamit. Ang wika ay
ekslusibong pagmamay-ari ng tao, ginagamit bilang behikulo sa pagpaparating ng naiisip o nadaram.
Malaki ang ginagampanang papel ng wika sa lipunan sapagkat ito ang nagiging tulay upang magbunsod
ng pagkakaunawaan sa ibat ibang uri o grupo ng tao. Sa pamamagitan ay nakikilala ang isang lahi o ang
isang bansa gayundin ang kasarinlan nito. Sa isang wika, malaya ang bansa sa pagkamit ng iisang layunin
na makakapagbunsod ng pambansang kaunlaran.

Katangian ng Wika

1. Ang wika ay masistemang balangkas.

Lahat ng wika sa daigdig ay sistematikong nakasaayos sa isang tiyak na balangkas. Walang wika
ang hindi nakaayon sa balangkas na ito. Lahat ng wika ay nakabatay sa tunog. Fonema ang tawag sa
makahulugang tunog ng isang wika samantalang Fonoloji naman ang tawag sa makaagham na pag-aaral
ng mga ito. Kapag ang mga fonemang ito ay pinagsama, maaaring makabuo ng maliit na yunit ng salita
na tinatawag na morfema. Ang morfemang mabubuo ay maaaing isang salitang-ugat, panlapi o
morfemang fonema katulad ng fonemang /a/ na sa wika natin ay maaaring magpahiwatig ng kasariang
pambabae.

Morfoloji naman ang tawag sa makaagham na pag-aaral ng mga marfema. Samantala, kapag ang mga
salita ay ating pinag-ugnay, maaari naman tayong makabuo ng mga pangungusap. Sintaks naman
ang tawag sa makaagham na pag-aaral ng mga pangungusap. Kapag nagkaroon na ng makahulugang
palitan ng mga pangungusap ang dalawa o higit pang tao ay nagkakaroon na ng tinatawag na diskurso

Aling wika ang hindi sumusunod sa balangkas na ito? Mayroon bang nalilikhang mga salita
nang walang tunog? Maaari bang magkaroon ng diskurso nang walang pangungusap?
Sinasabing anumang wika sa daigdig ay may sistematikong nakaayos sa isang tiyak na balangkas o
patern. Kaya kung ihahambing ang sistematikong balangkas sa pagbuo ng parirala o pangungusap ng
Wikang Filipino sa wikang Ingles, makikita ang pagkakaibanito.

Halimbawa:

Filipino: batang malusog; malusog na bata

Ingles: healthy child

Sa pagbuo ng pariralang pang-uri sa Filipino, maaring mauna ang pangngalan (bata) bago ang pang-uri
(malusog, o mauna ang pang-uri (malusog) sa pangngalan (bata) sa tulong ng mga pang-angkop na na at
ng. Hindi katulad sa Ingles, nauuna parati ang pang-uri sa tinuturingan nito; healthy child at hindi
maaring child healthy, dahil naiiba na ang kahulugan nito.

Sa pangungusap naman, lagi nang nauuna ang simuno sa panaguri sa Ingles (simuno + panaguri).
Samantalang sa Filipino ay karaniwan na ang dalawang ayos ng pangungusap

(panaguri + simuno o simuno + panaguri).

2. Ang wika ay sinasalitang tunog.

Hindi lahat ng tunog ay wika sapagkat hindi lagat ng tunog ay may kahulugan. Sa tao, ang
pinakamakahulugang tunog na nililikha natin at kung gayoy kasangkapan ng komunikasyon sa halos
lahat kung hindi man lahat ng pagkakataon ay ang tunog na sinasalita. Samakatwid, ito ang mga
tunog na nalilikha ng ating aparato sa pagsasalita na nagmumula sa hanging nanggagaling sa baga o ang
pinanggagalingang lakas o enerji, nagdaraan sa pumapalag na bagay na lumilikha ng tunog o artikulador
at mino-modify ng resonador.

3. Ang wika ay pinipili at isinasaayos.

Sa lahat ng pagkakataon, pinipili natin ang wikang ating gagamitin. Madalas, ang pagpili ay
nagaganap sa ating subconscious at magkaminsan ay sa ating conscious na pag-iisip. Bakit lagi nating
pinipili ang wikang ating gagamitin? Ang sagot: Upang tayoy maunawaan ng ating kausap. Hindi
maaaring ipagpilitan nating gamitin ang isang wikang hindi nauunawaan ng ating kausap. Gayundin ang
ating kausap, hindi niya maaaring ipagpilitan ang wikang hindi batid. Tayo, ang ating kausap o ang
pareho ay kailangang pumili ng komong wika kung saan tayo magkakaunawaan. Samantala, upang
maging efektiv naman ang komunikasyon, kailangang isaayos natin ang paggamit ng wika. Sa paggamit
nito, kailangang isaalang-alang natin ang ilang mga konsiderasyon.

4. Ang wika ay arbitraryo.

Kung ipinapalagay na ang wika ay arbitraryo ano ang paliwanag sa pahayag na ito? Ayon kay
Archibald A. Hill, Just that the sounds of speech and their connection with entities of experience are
passed on to all members of any community by older members of that comunity. Kung gayon, ang isang
taong walang ugnayan sa isang komunidad ay hindi matututong magsalita kung paanong ang mga
naninirahan sa komunidad na iyon ay nagsasalita sapagkat ang esensya ng wika ay panlipunan. Ngunit,
samantalang ang bawat komunidad ay nakabubuo ng mga sariling pagkakakilanlan sa paggamit
ng wika na ikinaiiba nila sa iba pang komunidad, bawat individwal ay nakadedevelop din ng sariling
pagkakakilanlan sa pag-sasalita na ikinaiiba niya sa iba pa, sapagkat bawat individwal ay may sariling
katangian, kakayahan at kaalamang hindi maaaring katulad ng sa iba. After all, no two individuals are
exactly alike.

5. Ang wika ay ginagamit.

Ang wika ay kasangkapan sa komunikasyon at katulad ng iba pang kasangkapan, kailangang


patuloy itong ginagamit. Ang isang kasangkapang hindi na ginagamit ay nawawalan na ng saysay, hindi
ba? Gayon din ang wika. Idagdag pa na kapag ang wika ay hindi na ginagamit, ito ay unti-unting
mawawala at tuluyang mamamatay. Ano ang saysay ng patay na wika? Wala.

6. Ang wika ay nakabatay sa kultura.

Paanong nagkaba-iba ang mga wika sa daigdig? Ang sagot, dahil sa pagkakaiba-iba ng mga
kultura ng mga bansa at mga pangkat. Ito ang paliwanag kung bakit may mga kaisipan sa isang wika ang
walang katumbas sa ibang wika sapagkat wala sa kultura ng ibang wika ang kaisipang iyon ng isang wika.
Pansinin natin ang pagkakiba ng Ingles at Filipino. Anu-ano ang ibat ibang anyo ng ice formations sa
Ingles? Ano ang katumbas ng mga iyon sa Filipino? Maaaring, yelo at nyebe lamang. Ngunit ano ang
katumbas natin sa iba pa? Wala, sapagkat hindi naman bahagi ng ating kultura ang glacier, icebergs,
frost, hailstorm at iba pa. Samantala, ano naman ang katumbas sa Ingles ng ating palay, bigas at
kanin? Rice lamang, hindi ba? Bakit limitado ang vokabularyong Ingles sa pagtutumbas ng mga
salitang kargado ng kulturang agrikltural? Ang sagot, hindi iyon bahagi ng kanilang kultura.

7. Ang wika at kaisipan ay hindi mapaghihiwalay.

Ang wika ay sentro ng karanasan bilang tao. Ang lahat ng konseptong tinataglay ng tao hinggil sa
mga bagay-bagay sa mundo ay nagmula sa kanyang wikang ginagamit. Masasabing ang wika ang
humuhulma sa kaisipan ng tao sapagkat gamit ang wika, naipakikita ng tao kung paano niya nakikita ang
mundo o ang kaniyang lipunang kinabibilangan. Hindi rin maipaparating ang mga kaisipang taglay ng tao
kung walang wikang ginagamit. Ang wika ay instrument ng pag-iisip. Sa pamamagitan ng wika ay
umuunlad ang kaisipan. Sa pag-unlad naman ng kaisipan ay umunlad ang wika.

MGA TEORYA SA PAGKATUTO NG WIKA

Marami nang ginawang pag-aaral sa kung paano natutuhan ng isang tao ang unang wika o wikang
nakagisnan. Ang mga dalubhasa sa wika ay nagkakaiba-iba din ng pagtingin hinggil sa usaping ito:

Natututo ang tao ng wika sa pamamagitan ng likas na kakayahan nito.

Natututo ang tao sa pamamagitan ng panggagaya ng mga naririnig na mga salita o ito ay
kanilang inaaral.
Natututo ang tao sa walang humpay na pakikipag-ugnayan sa isat isa upang
magampanan ang pangangailangang panlipunan.

Ang mga sumusunod ay mga teoryang nagmula sa pag-aaral ng sikolohiya na pinaniniwalaang may
malaking kaugnayan sa pagkatuto ng wika.

1. Teoryang Behaviorism o Behaviourist Approach

Si B.F. Skinner (1904-1990) na isang tagapagtaguyod na teoryang ito ay naniniwalang ang pagkatuto ng
wika ay pag-uugaling napag-aaralan. Pinaniniwalaan ng mga behaviorist na ang kilos at gawi ng isang tao
ay maaaring hubugin sa pamamagitan ng pagkokontrol ng kapaligiran. Sa madaling salita, ang
paghahantad sa isang bata sa mga bagay na palagiang ginagawa ay may malaking impluwensiya upang
matutuhan ang wika. Halimbawa, sa isang bata na natututo pa lamang na magsalita, ang guro o
magulang ay maaaring gumamit ng negatibo o positibong pagganyak o reinforcement gaya ng
pagbibigay ng pabuya o parusa habang itinuturo ang wika. Pinanaligan din ng mga behaviorist na
mahalaga ang obserbasyon at imitasyon sa pagkatuto ng wika.

2. Teoryang Innative o Nativist Approach

Ayon sa teoryang ito, lahat ng tao ay may likas na kakayahang matuto at matutunan ang wika dahil sa
paniniwalang lahat ng ipinapanganak ay taglay ang isang built-in device o isang likhang-isip na aparato
na kung tawagin ay black box na kung saan ito ang reponsable sa pagkatuto ng wika. Nalilinang ang
wika habang nagkakaroon ng ugnayan ang tao sa kaniyang kapaligiran.

Si Noam Chomsky (1928-) na tagapagtaguyod ng teoryang ito, ay nagbigay katawagan sa


likhang-isip na aparato na kung tawagin ay language- acquisition device o LAD. Ayon sa kanya, ito ang
tumatanggap ng mga impormasyon mula sa kapaligiran sa anyong wika kung kaya likas ding natutunan
ng mga bata ang linggwistikong katangian ng wika. Pinaniniwalaan din ng mga nativist na habang
lumalaki ang bata ay patuloy itong gumagamit ng wika at ang wika ay patuloy na umuunlad dahil sa
pakikipag-ugnayan sa kanyang kapwa.

3. Teoryang Kognitib

Nakasalig ang teoryang ito sa pananaw ni Jean Piaget (1896-1980). Ayon sa kanya, ang pagkatuto ng
wika ng isang bata ay nakaugnay sa kakayahan nitong mag-isip. Pinaniniwalaan din ng teoryang ito na
kung ang bata ay may pag-unawa sa mga konseptong nakalantad sa kanyang kapaligiran mas madali niya
itong magagamit sa pagsasalita. Ayon din sa pananaw na ito, ang wika ay sumasalamin sa prosesong
pangkaisipan ng isang bata. Ang pag-unlad ng kognitibong kakayahan ay pag-unlad din ng pagkatuto ng
wika. Ang dalawang ito ay parehong nalilinang sa pamamagitan ng interaksyong nagaganap sa
kapaligiran.

4. Teoryang Makatao

Ang pananaw na ito ay nakasalig sa teorya ni Stephen Krashen (1941-)mula sa kaniyang teorya na
Affective Filter Hypothesis. Sinasabing mapapabilis ang pagkatuto ng wika kung may positibong saloobin
ang isang tao na matutunan nito. Sa madaling salita, binibigyang pansin ng teoryang ito ang kahalagahan
ng damdamin at emosyon ng isang tao. Kung ang isang tao ay may takot o pag-aalinlangan sa pagkatuto
ng wika dala ng kapaligiran o sitwasyon, ang pagkatuto ay hindi lubusang matatamo.

GAMIT NG WIKA SA IBAT IBANG SITWASYON

Madalas sa ating pakikihalubilo sa ibat ibang tao ay nag-iiba ang paraan at tono ng ating pakikipag-usap.
Maingat nating pinipili ang mga salitang ating bibitawan lalo na kung ang ating kausap ay mas
nakatatanda o mas nakatataas sa atin. Sa ibat ibang okasyon o sitwasyon, awtomatikong nalalaman
natin kung anpng uri ng pakikipag-usap ang ating gagamitin: magpopormal ba o hindi?
Makikipagtsismisan ba o kaswal na pakikipag-usap ang kailangang gawin? Sa madaling salita, nalalagyan
natin ng leybel ang mga salitang nais gamitin ayon sa hinihingi ng sitwasyon. At sa ganitong kaganapan
ay umusbong ang kaantasan ng wika, kung saan ito ay nakabatay sa pormalidad o impormalidad na
paggamit ng wika.

May apat na kaantasan ang wika na nahahati sa dalawang kategorya ayon sa pormalidad nito:

1. Pormal. Binubuo ito ng mga salitang pamantayan o istandard dahil ito ay


kinikilala,tinatanggap, at ginagamit ng karamihang nakapag-aaral sa wika katulad ng mga nasa
akademya, pamahalaan, at ibat ibang institusyon.

a. Pampanitikan - Ito ang wikang ang ginagamit ay matalinghaga at masining na kadalasang gamit sa
ibat ibang akdang pampanitikan. Ang madalas na gumagamit ng ganitong uri ng antas ay mga
malikhaing manunulat.

Halimbawa:

nagmumurang.kamatis nagtataingang kawali

di-mahulugang karayom

di-maliparang uwak

b. Pambansa - Ito ang wikang ginagamit sa pamahalaan at sa paaralan. Ang mga salitang ginagamit ay
makikita rin sa mga aklat pangwika at babasahing ipinalalabas sa buong kapuluan o sa sirkulasyong
pangmadla.

Halimbawa:

pilosopiya kagawaran

republika tagapagpaganap

edukasyon tagapaghukom

2. Impormal. Ito ay ang wika na karaniwan, palasak, at gamit sa kaswal na usapan sa pang-araw-araw.
a. Lalawiganin- Dayalekto o karaniwang sinasalita sa isang rehiyon katulad ng Tagalog, Iloko,
Cebuano, at Bikolano.

b. Kolokyal - Ito ay nagmula sa pormal na mga salita na naglaon ay naasimila na dala ng mga taong
gumagamit nito. Ito ay madalas na ginagamit sa umpukan o ordinaryong mga usapan kung kaya hindi
pinapansin ang wastong gamit ng gramatika, ngunit tinatanggap naman ng nakararami. Isang katangian
nito ay ang pagpapaikli ng isa, dalawa, o higit pang titik sa salita.

Halimbawa:

nasan?, pa' no?, sakin?, kelan? Meron ka bang dala?

antay, lika, kelangan

c. Balbal- Umusbong ang mga salitang ito sa mga lansangan at kadalasang ginagamit ng mga masa
ngunit nang lumaon ay ginamit na rin ng ibang tao. Ibat ibang pangkat ng tao ang kadalasang
gumagamit nito katulad ng mga taong nasa ikatlong kasarian gaya ng mga bakla, upang bumuo ng sarili
nilang koda na sila lamang ang nagkakaintindihan.

Anda mungkin juga menyukai