Anda di halaman 1dari 2

Pangarap sa Tatlong Gabi ng Pagsiyasat sa Sarili:

Mga Personal na Saloobin sa Paglahok sa Three-day Directing Workshop


ni Jesca Prudencio, MFA

Mangarap. Ang teatro ayon kay Jesca ay isang plataporma ng ilang indibidwal na nagsama-sama
upang lumikha ng isang malaking pangarap. Isang panaginip na nagtatahi ng kaniya-kaniyang
proseso, naratibo at enerhiya. Ito ang ilan sa mga nakuha kong mahahalagang paggugunam-gunam sa
tatlong araw na pananatili ko sa isang intensive workshop kasama si Jesca Prudencio, sa
pakikipagtulungan sa opisina ng University Theatre Complex at ng Julie Taymour Foundation.
Si Jesca ay isang Filipinang nagtamo ng Master of Fine Arts in Directing sa University of Calgary,
California[i]. Siya ay isang direktor at koreograpo na kasalukuyang nakabase sa New York. Siya’y
nabigyan ng isang taong fellowship ng Julie Taymour Foundation upang libutin ang ilang sulok ng
mundo upang matuto at magbahagi ng mga kaalaman sa teatro’t pagdirihe.
Noong Marso 3, 4 at 5 nabigyan ako ng pagkakataon, kasama ang ilang mga kasamahan sa teatro na
maging bahagi ng tatlong araw na intensive workshop ng Physical Theater na ginanap sa University
Theater Dance Studio. Tatlong araw kaming naghalungkat ng ilang paraan upang madiskubre ang
ilang mga paraan upang manipulahin ang aming mga katawan.
Ilan sa aming mga napagdaanang ehersisyo ay ang paggamit ng aming mga pangalan bilang isang
tekstong nagbubuklod upang lumikha ng isang boses-komunidad. Linang ang aming mga boses at
katawa’y sabay sabay naming ipinaalulong ang aming mga hiyaw sa hangin at kasabay noo’y binuo
ang samu’t saring ritmong handog dulot ng iglap na pagtatanghal.
Nakatutuwang isiping nagamit ni Jesca ang aming mga pangalan (isang paraan ng pagbuo ng
identidad) upang palabasin ang pagkakomunidad na kadalasa’y natatabunan ng mga matatayog na
pangarap ng bawat artista sa sining na ito. Sadyang kay hirap ng magbalik tanaw sa ugat ng aming
pangalan lalong lalo na’t pinaliligiran ang teatro, lalong lalo na sa loob ng akademya, ng limpak
limpak na pangalang nililok sa kanluran, mga pangalang Stanislavski, Grotowski, Bogart, Cannon,
Spolin, Chekov at ilan pang mga kanluraning pangalang minsa’y kay hirap bigkasin o linangin sa
papel sapagkat sila’y kay komplikado kung bigkasin at tignan (e.g. Vakhtangov).
Napaisip tuloy ako bigla. Bakit nga ba ako lumahok sa kaganapang ito? Hindi kaya isa rin ako sa mga
pinoy na kay daling masilaw ng mga pangalang kanluraning ito? Hindi kaya isa rin ako sa mga
mapagbalat-kayong artista na kay daling malinlang ng mga makinang at kumikisaykisay na balat ng
mga kanluraning kaisipan? Nangibabaw naman sa utak ko, “hindi, pinoy rin naman si Jesca”. Oo nga
pinoy na nangibang bansa upang masama ang kanyang pangalan sa prestihiyosong DIRECTOR’S
LEAGUE IN AMERICA, ika niya mismo ang mga terminong ito sa amin noong kinausap niya kami
tungkol sa mga karapatan ng isang direktor.
Sa buong kurso ng workshop napaisip ako, magiging ganito ba ako, isang pinoy sa kanluraning lupa,
uhaw sa dunong na pinapasuso ng isang inahing puti? Ito ba talaga ang gusto kong makamtan
pagtapos ko dito? Sasabay ba ako sa mararahas na agos ng alon ng bawat artistang nagtutungong
Nueva York? Susundin ba ang mga usig tungo sa migrasyon ng pangarap?
Marami akong natutunan sa tatlong iglap datapwat siksik na mga araw sa workshop na ito. Nakita ko
ang aking sarili sa kalagitnaan ng mga kapwa kong artistang uhaw na uhaw sa kaliwanagan. Mula sa
tatlong araw na ito, umusbong ang ilang sunod sunod na mga tanong, mga tanong sa aking sarili at
sa mundong ginagalawan, mga tanong tulad ng: "Bakit tayo naririto? Bakit nais kong maging
direktor? Bakit nais kong magpakitang gilas sa harap ng mga kasamahan ko sa teatro? Bakit ang hirap
maging totoo? Bakit Amerika? Bakit ‘Pinas? Bakit ako pinanganak na kayumanggi? Bakit hindi kano?
Bakit teatro? Bakit teksto? Bakit pangarap? Bakit puso? Bakit nga ba?"
Ewan?
Ewan.
“Dahil siguro sa bagsik ng pangarap.”
Dahil sa mga katagang ito, pinili kong wakasan na ang pagbagsak ng mga nagsusumigaw na mga letra
sa papel na ito.
Hanggang dito na lamang, sapagkat mahirap sumulat ng nakikipagbuno sa kalabuan ng mata dulot sa
pagbuo ng kimpal ng mga luha.
Hanggang dito na lamang ang aking pagbaybay tungo sa naghihingalong alulong ng pangarap.

[i] Nakuha sa personal website ni Jesca Prudencio: http://www.jescaprudencio.com/ .

Anda mungkin juga menyukai