Anda di halaman 1dari 4

“Sa Namomotan Kong Ama:

Isang Epistolaryong Pagtatanghal hango sa Brief An Den Vater ni Franz Kafka”

5. 11. 2017.

Ngayong gabi nilusong naming lima ang walang hanggang karagatan ng posibilidad tungo sa isang
pagtatanghal. Limang iba’t ibang taong may iba’t ibang posisyon sa larangan ng teatro. Ngayong gabi
tinamnan namin ang lupang tigang sa imahinasyon dulot ng kay raming limitasyong taglay ng
simpleng buhay artista.

Ayos lang ang buhay artista.

Lubos ang paghahanda namin sa gaganaping malayang plataporma para sa iba’t ibang manananghal
sa Mayo 20, 2017 sa Vargas Museum.

Nagsimula ang lahat sa isang panawagan mula sa isang kaibigan.

Ilang taon na rin ng makilala ko si Ate Yen (minsan Adrienne, minsan nama’y Yenyen De Sarapen).
Siya ang unang nagpresenta sa akin ng ideyang lumahok sa panapos na kaganapan para sa
kasalukuyang hinihirang na Piyestang Karnabal handog ng MALUPET na Sipat Lawin. Ang
kaganapang ito’y pinamagatang “Strange Pilgrim”. Gaganapin ang mga pagtatanghal sa loob at labas
ng Vargas Museum sa ikadalawampu ng Mayo, sa ika-anim ng gabi hanggang sa kinaumagahan ng
lingo, ika-anim ng umaga.

Hinahangaan ko ang tapang at lakas ng loob nila Kuya JK sa paglulungsad ng mga proyektong
nagtataglay ng blankong tiket. Ang ideyang ito’y isang eksperimentasyong panglipunan upang makita
ang tunay na pagpapahalaga ng isang manunuod sa isang likhang handog ng iba’t ibang artista ng
teatro. Mukhang madaling sabihin ang konsepto ng blankong tiket subalit sa isang lupon ng artistang
naghihikahos sa lupit ng palitan ng mga piso, isa itong nakapangingilabot na proseso.

Ang pagtatanghal na ito ang magsisilbing pangatlong sabak ng aking mga ideya sa aking pinaplanong
tesis na gaganapin sa Marso na huhubugin ng ilang mga manglilikha sa loob ng halos isang taon.
Magsisimula ang proyekto ngayong Mayo at uusbong ito sa Marso o Abril at magpapatuloy ang
paglago nito sa mga susunod pang mga buwan at taon sa mga dadaan pang oportunidad sa amin.

Sa Namomotan Kong Ama, isang pariralang hango sa Bikol, na sa ingles ay “Dearest Father” at sa
aleman nama’y “Brief An Den Vater”; Ito ang magsisilbing ugat ng pagtatanghal na aming
huhubugin sa darating na mga madugong buwan. Ang akdang ito ay sinulat ni Franz Kafka dalawang
taon bago siya mamatay sa sakit na Tuberculosis (Nobyembre 1919)i. Dito dinantos ni Kafka sa
mahigit kumulang isang daang pahina ang kanyang mga saloobin sa kanyang ama na tila hinango sa
malikot at matulis na imahinasyon ng isang abogadoii. Dito nilatag lahat ni Kafka ang kanyang mga
argumento ukol sa mga batas na nilatag ng kanyang ama sa kanilang pamilya na walang ano ano
nilang sinusunod habang sige naman ang pagsuway ng ama nito sa ilang mga maliliit datapwat
detalyadong mga regulasyon hindi lamang sa loob ngunit pati na rin sa labas ng kanilang pamamahay.

Hindi ito ang unang pakikisalamuha ko sa proyektong ito. Mahigit isang taon na rin ang lumipas ng
pagigtingin ko ang ideya sa isang Intermediate Directing class (Directing 2) sa pamumuno ni Prof.
Estrella. Ang Directing 2 class ay hindi kadalasang iniaalay sa mga estudyante ng teatro. Pinapayagan
lamang ang isang magaaral na kunin ito kung ilalahad niya sa departamento ang kanyang saloobin na
kunin ang klaseng ito upang magsilbing preparasyon sa kanyang babagtasing tesis sa pagdirihe. Ang
klaseng ito ang nagsilbing aming mga pre-thesis production para sa aming mga espesyal na
proyektong panapos para sa batselor ng sining pangteatro.

Isa ito sa mga ehersisyong inilatag niya sa aming aanim na estudyante niya sa Directing 2. Bahagi ang
hamon na ito sa lupon ng mga ehersisyong binagtas namin sa pagdirihe ng mga pagtatanghal na
hindi base sa isang dramatikong tradisyon. Bago ang proyektong ito, tinalakay at dinirehe rin namin
ang ilang mga sangay ng mga tradisyong hindi dramatiko tulad ng object theatre at pagdirihe ng mga
events.

Bago namin sinimulan ang proyekto, dinaanan namin ang ilang mga simpleng teorya kung paano
magsimula ng isang kathang pagtatanghal (devised performance). Isa sa mga nabasa ko ay ang teorya
ni Anne Bogart sa paglikha ng isang kathang pagtatanghal – ang pagbuo ng tanong (question), pang-
angkla (anchor) at istraktura (structure). Inilahad niya ang mga ito sa kanyang librong The
Viewpoints Book na kanyang isinulat kasabay ni Tina Landauiii. Dito isinalaysay niya na upang
magkaroon ng isang malakas at matibay na puwersa na magpapausad sa isang kathang pagtatanghal
kinakailangan nila ng isang tanong na sadyang kay lakas na aabot ito sa punto makapanghahawa ito
hindi lamang sa mga manlilikha ngunit pati na rin sa mga manunuod. Kailangan din ng isang sapat
na pang-angkla (kadalasa’y isang tao o isang kaganapan) na magsisilbing tulay upang masagot at
matuligsa ang nakakahawang tanong na taglay ng isang lupon ng mga mangngatha. Upang mas
mapagtibay pa ang kathang ito’y kinakailangan din nito ang isang istrakturang pagsasabitan ng
kahabaan ng pagtatanghal upang masalinsin ng maayos ng mga mangangatha ang oras, mga
impormasyon, teksto at mga imaheng taglay ng isang pagtatanghal.

Kung sisisirin pa natin ang ugat ng kathang pagtatanghal na aming sinimulan, ang tanong na aming
napili sa pagtatanghal na ito ay – “Ano ang depenisyon ng isang tahanan?”. Kaalinsabay nito ay ang
paggamit ng aming mga sarili at ni Franz Kafka upang maging tulay sa pagbulatlat ng katanungang
ito. Gagamayin rin ng pagtatanghal ang istraktura ng Brief An Den Vater o liham ni Kafka sa
kanyang ama upang maging sapat na gulugod na kakapitan ng buto’t laman ng nasabing kathang
pagtatanghal.

Inilahad ni Alison Oddey sa kanyang librong Devising Theatre: A Practical and Theoretical
Handbookiv, ang ilan sa mga pamantayan ng paggawa ng isang kathang pagtatanghal ng ilang mga
kumpanya ng teatro sa kalakhang Briton. Isa rito ay ang pagkolekta ng mga materyales na magiging
gabay at tulong sa pagbuo ng isang grupo ng pagtatanghal. Ito ang aming naging sunod na hakbang
sa pagdiskubre namin ng mga posibilidad na maaaring gawin sa aming proyekto.
Isa sa mga naging materyales namin sa proyekto ay ang liham ni Kafka sa kanyang ama. Ilang beses
kaming nagkaroon ng pormal na pagbasa ng liham na ito at ilang beses din naming pinagusapan ang
mag posibilidad na maaaring umusbong mula rito. Natalakay namin ang mga temang binagtas ni
Kafka sa kahabaan ng liham. Tinuhog niya ang mga konsepto ng relihiyon, pamilya, patriyarka,
identidad, kalayaan, edukasyon, lipunan, pagpapakasal, sekswalidad at iba pa. Hitik sa komentaryo
ang akdang ito na naging sulo namin sa madilim na daan tungo sa pagbuo ng isang kathang
pagtatanghal. Mula sa mga temang ito’y umusbong ang ilang mga ideyang aming pinaglaruan ng ilang
linggo.

Naging materyal din namin ang talambuhay ni Kafka sa aming pagtatanghal. Ginamit namin ang
piyesang ito upang mas makialala naming ng mabuti si Franz at upang matumbok naming ang mga
dhailan kung bakit niya naisulat ang liham na ito. Bukod sa talambuhay, ginamit din namin ang
aming mga personal na saloobin sa aming mga pamilya upang maging tugon sa mga sentimento ni
Kafka na hinubog pa sa kalakhan ng Czech panahong dekada singkuwenta. Itinuhog namin ang mga
personal na liham sa liham ni Kafka na lumikha ng isang espasyong tumatawid sa pagitan ng mga
panahon at espasyo. Isa sa mga kasamahan ko ang gumamit ng lenggwaheng koryano upang
maisalaysay niya ang kanyang mga tunay na sentiment sa kanyang koryanong ama. Isa rin sa aking
mga kasamahan ang bumaybay ng bisaya sa kanyang nilikhang liham para rin sa amang ngayo’y
nakikipagsapalaran sa kalakhang dubai para buhay ang kanilang pamilya. Bumuo naman ang isa rin
naming kasamahan ng isa alegoriya ng kanyang mga magulang na parehong nakipagsapalaran sa mga
kanluraning bansa (Italya at Amerika) upang makamtan ang isang magandang buhay. Hitik at siksik
sa kulay ang naging produkto ng aming pakikipagsapalaran sa pagdiskubre ng mga posibilidad sa
pagbuo ng epistolaryong pagtatanghal na ito.

Isang epistolaryong pagtatanghal. Yun nga maaari ang naging pangunahing deskripsyon ng aming
nililok na pagtatanghal. Isang pagtatanghal na hinubog sa utak ng ilang mga kasamahan sa teatro
gamit ang makabagbag damdaming liham ni Kafka na naging tulay ng aming malilikot na utak at
mapaglarong damdamin tungo sa isang gawa-gawa at ligtas na espasyong tumatangkilik sa aming mga
hinaing sa lipunan, kaalinsabay ng mga hinaing ni Kafka ukol sa patriyarka, pagpapakasal, pamilya,
identidad at marami pang iba.

Ang pagtatanghal ay ang naging tulay namin sa pagdiskubre at patuloy na paglaladlad ng aming mga
sarili hindi lamang sa aming mga kasamahan sa industriya ngunit pati na rin sa mga manunuod at
magiging tagatangkilik pa sa mga darating pang araw na nakararanas din ng parehong sentimento.

Isa sa kagandahan ng paglikha ng isang kathang pagtatanghal ay ang kakayanan nitong umusad
kasabay ng pagiging iglap ng isang likhang teatro. Maaari itong magbago at mapagunlad pa sa mga
panibagong taong magbubuklat din ng mga pahina’t katanungang aming binulatlat.

Ngayon sasalubungin ng Brief An Den Vater, ngayo’y Sa Namomotan Kong Ama (bukas
makalawa’y maaaring iba na ang pamagat) ang ikatlong pagkakataon na maisalaysay at mailadlad sa
mga manunuod ng gaganaping “Strange Pilgrim” sa ika-bente ng Mayo. Nagsimula sa isang
ehersisyo sa eskuwela ngayo’y dinala na sa mas malawak pang espasyo upang marinig at
masubaybayan ng iba pang mararapat na duminig dito. Nagiiba man ang lupon ng mga taong
tumutuligsa rito (mga taga-teatro o mga hindi taga-teatro) magpapatuloy pa rin ang pagusbong ng
mga baybayin ni Kafka at ang pagtubo ng walang hanggang imaheng susulpot mula sa malilikot na
mga utak ng iba’t ibang indibidwal na buong pusong hinarap, hinaharap at haharapin pa sa
pagbulatlat ng posibilidad linang ang mga liham na tagos hindi lamang sa espasyo’t panahon subalit
pati na rin sa ating mga nagdurugong puso.

i
Max Brod. Kafka’s Bio.
ii
Dearest Father. Franz Kafka. Schochen Books.
iii
Bogart, A. & Landau, T. 2005. The Viewpoints Book: A Practical Guide to Viewpoints and Composition. Theatre
Communications Group.
iv
Alison Oddey.

Anda mungkin juga menyukai