Anda di halaman 1dari 2

P.A.S.K.O., Handa Ka Na Ba?

BER months na, at dito sa Pilipinas simula na raw ng Pasko. Matatanaw na sa mga kalye ang mga
nagniningningang mga ilaw at mga parol, mapapasabay sa indayog ng mga kantahang Pamapasko at
bilihang kaliwa’t kanan para pamregalo, ganito ang mga kagawiang Pinoy, ang masasabi nating only in the
Philippines. Sa dinami-rami ng ating mga giagawa, iilan pa lang iyan sa mga preparasyon at paghahanda
nating mga Pilipino.

Pero ano nga ba talaga ang tunay na paghahanda sa muling pagkasilang ng ating Poong
Hesukristo? Sa Simbahang Katoliko ito’y tinatawag na panahon ng Adbiyento. Hango ito sa salitang Latin
na “adventus”, na ang ibig pahulugan ay pagdating. Ang panhong ito ay panahon ng pagpapakabanal dahil
ninanais nating maging malinis at dalisay sa pagdating ng ating Panginoon. Lingid sa kaalaman ng lahat na
hindi madaling maghintay, ito’y nangangailangan ng maraming pasensya at pagpapakumbaba. Sa ating
mga paghahanda sa kapanganakan ng ating Diyos, hindi lamang sapat na may maganda tayong bahay na
napapalamutian ng mga dekorasyon para siya’y patuluyin, hindi lang sapat na may masasarap tayong mga
pagkain sa hapag-kainan para siya’y pakainin, hindi lang sapat na may material na regalong tayong
maihahandog ka Kanya. Higit pa sa mga bagay na ito, ang ninanais ng ating Diyos ay ang kadalisayan ng
ating mga puso.

Sa panahon ng adbiyento, nawa’y maging tunay tayong handa, na may malinis na kalooban,
payapang pamumuhay at matiwasay na adhikain tungo sa kapwa tao. Kaya ngayon, samahan niyo po
akong maghanda, sabay-sabay tayong magnilay at magbago sa pagdating ng PASKO, sa araw na ating
pinakahihintay, ang pagkakatawang tao ng Diyos sa mula sa Mahal na Birheng Maria. Hari nawa ang
pagninilay na ito’y ating maging tunay na paghahanda, ang pagsasabuhay ng adbiyento bago ang PASKO.
Maging gabay sana natin itong “PASKO” sa paghahangad nating makapiling si Hesus.

“P – amilya”. Sa pagdating ng Pasko, si Kristo’y mamumulat kasama ang kanyang Inang si Maria
at amang si Jose. Ang Banal na Pamilya ay tunay ngang modelo ng pamilyang Katoliko. Lahat tayo’y may
maituturing na pamilya sa ating buhay, iba-iba man tayo ng mga kinalakihan, ng pamumuhay at ng
situwasyon, di maipagkakailang sa ating mga pamilya unang namulat at naintindihan ang pakahulugan ng
buhay at pagmamahal. Masarap magdiwang ng Pasko kasama ang mga taong mahahalaga sa ating buhay,
lalo na sa ating Pamilya. Isang paalala ng adbiyento ay ang pagkakaisa ng pamilya.

Maraming hindi magagandang bagay ang kinakaharap ng Katolikong pamilya sa mga panahong
ito – kahirapan, hidwaan ng mag-asawa o kahit ng magkakapatid, inggitan, siraan at kung anu-ano pa. Oo,
masakit, hindi madali, pero sa gitna ng unos, isipin natin si Kristo na handang akayin tayo tungo sa
kasaganahan, kaya isang paalala ito na tayo’y manalig! Huwag tayong mawalan ng pag-asa bagkus tayo
mismo ang gumawa ng paraan, tayo ang humanap ng solusyon at ating pagsumikapang maging buo ang
ating pamilya. Tandaan natin na sa isang pamilyang nagmamahalan, nagkakaunawaan at nagkakaisa, hindi
hadlang ang distansya, trabaho o oras dahil alam nila sa puso nila na kasa-kasama at kapiling nila ang
bawat isa, saan man o anu pa man. Tayo ay isang pamilyang Katoliko, nagmamahal at nagkakaisa tulad ng
Banal na Pamilya.

“A – lay” at “S – akripisyo”. “Huwag kang matakot Maria, spagkat kinalulugdan ka ng Diyos” (Lk
1:30). Naging parte ng tinatawag na “salvation history” ang ating Mahal na Ina. Dahil sa kanyang
positibong pagtugon sa mensahe ni Anghel Gabriel na siya ang magiging Ina ng Diyos. Totong hindi
naging madali ang katayuan ni Maria lalo na’t magdadalang-tao siya, at sa panahon nila, kinakailangang
may asawa ang isang babae o tatay na mananagot sa kanyang dinadala sa sinapupunan. Ngunit lahat ng
ito’y pinagtagumpayan ng ating Mahal na Ina. Tulad niya, kanyang inialay lahat ng sakit at paghihirap na
kanyang nararamdaman at nararanasan dahil tunay siyang nagtitiwala sa Poong Maykapal. Ang kanyang
buhay, ay buhay ng sakripisyo’t pagpapaubaya sa Diyos. Mga kapatid, ang buhay ay hindi mawawalan ng
problema, pero nasa sa atin pa rin kung papaano natin ito haharapin at pagsusumikapan.

Aking dalangin na sana’y ating ialay at idulog lahat sa Diyos ang anumang ating nadaranasan sa
ngayon, at matutunang mapalalim ang tunay na diwa ng sakripisyo. Kaya sa kanyang darating na
kaarawan, magandang paghahanda ang pagsasakripsyo at pag-aalay. Hindi man natin ninanais ang mga
mapapait na mga kaganapan sa ating buhay, tanggapin pa rin natin ito ng maluwag sa ating kalooban
dahil isang pagkakataon ito upang makapagsakripisyo at makapag-alay para sa Diyos na ating Mahal.
Isipin na lamang natin na sa bawat pag-aalay at sakripisyong ating ginagawa ay isang mainit na yakap at
proteksyon ang ating inihahandog sa batang Hesus sa sabsaban. Tuloy ang buhay, at buong buhay nating
salubungin ng may galak at indayog sa ating mga puso si Hesus.

K – apwa. Ang tunay na pagmamahal ay hindi lamang natatapos sa sarili. Ang tunay na
pagmamahal ay ibinabalik sa Diyos at ibinabahagi rin sa kapwa. Ito ang dalawang dakilang kautusan, ang
pagmamahal sa Diyos at kapwa. At ito rin ang dahilan kung bakit nagkatawang – tao si Kristo at naging tao
tulad natin. Siya’y namuhay kasama natin, tinuruan niya tayo at ipinamalita ang Mabuting Balita sa
sansinukob. Ang kanyang presensya ay tunay, totoo at dakila alang-alang sa ating lahat. At ang krus ang
simbolo ng pag-aalay niya ng kanyang sarili para sa sansinukob. Kung ang Diyos nga mismong buhay ang
ibinigay para sa sankatauhan, tayo rin sana.

Sa panahong ito, huwag sana tayong maging madamot sa ibang tao. Marami tayong mga biyayang
natatanggap at kadalasan lubos-lubos pa ito, bakit hindi tayo mamahagi sa mga kapos at walang-wala sa
buhay. Kung tayo man ay kapos din, hindi ito hadlang upang makapagbigay, hindi lang naman materyal
na bagay ang puwedeng ibahagi. Kahit konting oras, lakas, katalinuhan at presenya natin ay isang malaking
bagay na. Bawat pagkakataon ay isang oportunidad para makapagbahadi sa iba at ibigay natin ito ng buo
sa kanila, “kung magbibigay ka na rin lang, lubos-lubusin mo na!” Kapatid, masarap magbigay lalo na kung
ito’y tunay at taos sa puso.

Oo – “Fiat mihi secundum verbum tuum”. Ako’y alipin ng Panginoon. Mangyari sa akin ang iyong
sinabi. (Lk 1:38) Ang maluwalhating pagtugon sa kagustuhan ng Diyos ang bumuhay sa propesiya na
darating at ipapanganak ang ating Tagapagligtas. Ang pagsagot ni Maria ay may kaakibat na malaking
responsibilidad at ito’y kanyang isinabuhay at isinakatuparan. Simple lang naman ang hangad ng Diyos sa
atin, at ito ay ang ating matamis na “Oo”. Ang makita tayong nasa tamang landas at pamumuhay ang
ninanais Niya, at ito lamang ay matatamasa natin sa pagsunod sa kanya. Tulad ni Maria, masabi rin sana
natin na tayo’y alipin ng Diyos na handang sumunod at ibigay ang buong buhay para sa kanya.

Ikalulugod ng ating Panginoon na makitang sumusunod tayo sa kanya. Sa pagdating ng PASKO


nawa’y handa na rin ang ating mga puso’t kalooban. Si Hesus nawa’y manahan sa ating buhay at pamilya.
Siya ang dahilan ng ating paghahanda, siya ang dahilan ng ating buhay, siya ang tunay na “lodi” ngayong
Pasko. May nalalabi pang mga araw ngayong adbiyento, tayo’y maghanda, magbago at magdasal para sa
pagsapit ng Pasko, lahat tayo’y maligaya sa piling ng batang Hesus na ating mahal.

Anda mungkin juga menyukai