Anda di halaman 1dari 8

Ang Regalo ng Taong Ibon

ni Dee Tianhua, 2006 3rd

“Oy, Totoy,” sita ni Tatay sa pilyong titirador sana sa maya. Nabulabog tuloy ang ibong

inaasinta. Lumipad ito malayo sa kawad ng kuryenteng pinagdapuan.

Nagtaka ang bata. Sino ba ‘tong mamang sumira sa diskarte niya? Lumingon siya kay

Tatay. Hindi nagsalita si Tatay pero nakakunot ang kaniyang noo. Ayaw niyang sinasalbahe ang

mga kalahi niya.

Nahulaan na ng bata kung bakit siya tinawag. Itinago agad nito sa bulsa ang tangang tirador

at saka kumaripas ng takbo.

Iiling-iling si Tatay. “Kawawang bata,” sabi ni Nanay. “Buti nga sa kanya,” sabi naman ng

bunso naming si Ami.

Kahit bagong lipat kami, kilala na si Tatay dito sa baryo. Trabaho niya kasing magturo sa

mga tao. Di ko lang maintindihan kung ba’t kelangan pang magturo si Tatay dito. Hindi naman

talaga siya titser. Ang layo layo na tuloy namin sa Fiesta Carnival, sa Luneta, sa Manila Zoo at saka

sa mga dati naming kalaro.

Kapag nagtuturo si Tatay, ganito ang mga madalas kong marinig sa kaniya: Dapat i-recycle

ang basurang pwede pang i-recycle. Hindi dapat itong itapon sa ilog. Dapat alagaan ang ilog. Dapat

magtanim ng mga puno. Hindi dapat basta-basta pinuputol ang mga puno.
Kahit sa bahay, maraming mga dapat at hindi dapat si Tatay. Dapat gawin ang mga

assignment. Hindi dapat lumabas hanggang hindi ito natatapos. Dapat matulog nang maaga. Hindi

dapat magpuyat sa TV. Dapat tumulong sa gawaing bahay. Hindi dapat umiskapo, umiwas o

manggulang. Ang daming mga dapat at hindi dapat. Kung minsan nga, tingin ko, paulit-ulit lang si

Tatay. Tingin ko lang naman ‘yon.

Bukod do’n, kilalang-kilala rin si Tatay sa pagiging matipid. Hindi lang mga puno sa gubat

ang gusto niyang tipirin. Pati panggupit sana namin sa barbero natitipid. Siya na kasi’ng

nagkukusang gumupit sa buhok namin. Kaso, iisang gupit lang ang alam gawin sa akin ni Tatay.

Gupit army. Kaya madalas akong biruin sa eskuwelahan. Madalas akong sinasaluduhan.

Pero kahit gano’n si Tatay, Tatay ko pa rin ‘yon. Ang dami ko na yatang natutunan do’n.

Bukod kasi sa pagtuturo, trabaho rin ni Tatay ang mag-aral. Pinag-aaralan niya ang paglipad

ng mga lawin, ang pangingitlog ng mga loro, ang pag-aasawahan ng mga kuwago, mga kalaw, mga

kalapating bundok at kung anu-ano pang mga ibong sa larawan ko lang nakikita. Hindi lang

binabasa ni Tatay ang mga ito sa libro. Pinupuntahan pa niya sa kanilang mga tirahan ang mga ibon

at kinukumusta ang kanilang kalagayan. Pag-uwi ni Tatay, lagi siyang may dalang litrato ng mga

ibon at lagi rin siyang may kwento tungkol sa mga ito.

Sabi ni Tatay, nanganganib daw na mawala ang mga ibong ito. Nakakalbo na kasi’ng mga

gubat at nalalason na’ng mga ilog. Baka bukas sa litrato na lang namin sila makikita.

Si Tatay din nanganganib nang mawala. Unti-unti na rin namin siyang hindi nakikita.

Katunayan, nababawasan na’ng mga dapat at hindi dapat sa bahay. Nakakadalaw na rin kami sa

barberya ’pag humuhaba na’ng buhok namin. Masaya sana ‘yon.


Pero nung grumadweyt sa kinder si Amihan, wala si Tatay. Nasa Tawi-tawi siya kasama ang

mga salagunting. Sayang dahil may Best in Science pa no’ng natanggap si Ami.

Pero pag-uwi ni Tatay, dala niya ang litrato ng mga salagunting. Sa litrato pa lang, nahulaan

ko na kung ba’t ito tinawag nang gano’n. Mukha kasing nakabukang gunting ang mga katawan nila

‘pag lumilipad.

Sabi ni Tatay, nakita daw nila ang mga ito habang sumusunod sa sinasakyan nilang barko.

Nakakatuwa raw panoorin ang mga ito habang hinahabol ang iba pang mga ibong-dagat at

nakikiagaw sa mga huli nitong pagkain. Great Frigatebird ang tawag daw sa kanila sa Ingles.

“Fregata mino,” pag-uulit naman ni Ami sa scientific name. Akala kasi niya, matalino ang

batang nakakatanda ng scientific name.

Ako naman ang tagatanda ng mga pangalan sa Filipino. Madalas, walang pangalang Filipino

ang mga ibon kahit sa Pilipinas sila nakikita. Di ko alam kung ba’t gano’n. Konti lang tuloy ang

dapat kong tandaan.

Si Nanay naman ang tagatabi ng litrato ng mga ibon sa album. “Para kung sakaling sa litrato

na lang talaga natin sila makikita, mayroon na tayong album nila,” sabi ni Nanay. Nagbibiro lang

siguro si Nanay. Pero nagunot agad ang noo ni Tatay.

No’ng manalo ang team namin sa basketball, wala uli si Tatay. Nasa Palawan siya kasama

ng mga tandikan. Pwede namang hindi manood ng laro ang mga tatay. Pero sayang din dahil hindi

niya nakita kung gaano ako kahusay mag-dribble at mag-shoot.


Pero pag-uwi ni Tatay, dala naman niya ang litrato ng isang mag-asawang tandikan. Mas

mahaba ang palong at buntot ng lalaking tandikan. Kulay asul at berde ang balahibo nito. May

parang mga matang nakahilera pa sa buntot.

Tatlong araw daw nilang hinanap ang mga ito sa loob ng gubat. Napakailap at napakatinik

daw kasing tumakas. Wala pang iniiwan kahit anong bakas. Peacock-Pheasant ang tawag sa kanila

sa Ingles, sabi ni Tatay.

“Polyplectron emphanum,” nabubulol na sabi ni Amihan.

“Laging kasama ng mga ibon si Tatay n’yo,” biglang hirit naman ni Nanay, “kaya isasama

ko na rin ang picture niya dito sa album.

“Taong-ibon si Tatay?” tanong ni Ami.

Taong-ibon nga si Tatay. Kung san-saang lugar nakakalipad. Minsan, nando’n. Minsan,

biglang nandito. No’ng Araw ng mga Tatay naman, wala uli siya. Akala ko pa naman ipapasyal niya

kami sa Maynila. Pero nasa Palawan uli siya kasama ng mga kalangay. Si Nanay na lang ang

nagpasyal sa amin sa Maynila. Sa Fiesta Carnival, halos lahat ng mga bata kasama ang kanilang mga

tatay.

Pag-uwi ni Tatay, dala niya ang litrato ng mga kalangay. Pero hindi na ako sabik na marinig

ang kwento ng kalangay o makita ang litrato nito. Ayaw na rin ni Amihang tandaan ang scientific

name nito. Kaya tahimik na lang na itinabi ni Nanay sa album ang litrato ng ibon.
No’ng bertday ko, wala uli si Tatay. Pero alam naman ni Tatay ang gusto ko sa bertdey ko.

Baka pag-uwi niya, dala na niya’ng Voltes V na totoong nakakalas sa lima at nagagawang mga

sasakyan.

Kahit wala si Tatay, di ako nalungkot. Naghanda yata ng paborito kong pansit Malabon at

pritong manok si Nanay.

Nakaupo na kami sa harap ng mesa. Naro’n na ni Nanay at Amihan. Naro’n na rin pati si

Lolo at Lola na dumadalaw no’n. Pero parang may hinihintay pa rin kami sa mesa.

“Nasa’n ang asawa mo, Eden?” tanong ni Lola kay Nanay.

“Naku, baka bukas pa uuwi si Greg,” sagot ni Nanay.

Nasa Davao kasi si Tatay kasama ang Haring Ibon.

Kinabukasan, hapon na nang nakauwi si Tatay. Pagod na pagod siya sa biyahe. Kaya

hinayaan namin siyang matulog ng matulog. Walang nag-iingay sa bahay. Ni hindi kami nagbukas

ng radyo o TV.

“Baka bukas pa magigising si Tatay,” bulong ni Nanay.

“E di bukas na niya mababati ng hapi bertdey si Kuya,” dugtong ni Amihan. Ang totoo,

hindi ko naman talaga masyadong iniisip ‘yon.

Kinabukasan, maagang-maaga akong ginising ni Tatay.

“Atom, may sorpresa ako sa’yo,” sabi niya. Tuluyan na ‘kong napabangon nang marinig

kong may sorpresa.


Sumunod ako kay Tatay sa sa sala. Naro’n na sila Nanay at Amihan. Pupungas-pungas pa

ng mata si Ami. Ginising din pala sila ni Tatay para sa sorpresa.

Tumingin ako sa orasan. Ala-singko pa lang pala ng madaling-araw. “Ang dilim-dilim pa,

Greg,” sabi ni Nanay. “Bakit ginising mo pa ang mga bata?”

Hindi sumagot si Tatay. Pero sabik niya kaming inakay sa labas ng bahay. Kinukuro-kurot

ko pa ang sarili ko. Baka kasi nananaginip lang ako.

Basang-basa pa ng hamog ang aming nilalakaran. Mukhang sa katabing burol kami

pupunta. Bakit kaya kami pupunta roon?

Pag-akyat namin sa burol, bahagya nang sumisilip ang araw. Pero nasa langit pa rin naman

ang buwan na parang may pahid pa ng puting icing ang mukha. Sa malayo’t malapit, may mga

tandang na bumabati sa bagong araw.Mas malamig ang hangin dito sa itaas. May hinihintay kami

pero hindi namin alam kung ano. Nang napansin kong may dala palang largabista si Tatay.

Maya-maya may itinuro sa langit si Tatay. Kinarga pa niya si Amihan para lalong iyong

Makita. Nakatingala kaming apat. Tahimik. Kahit ang maiingay na mga tandang, sandali rin

nagsitahimik.

“Nasaan? Nassan?” tanong ni Nanay. Inabot sa kaniya ang largabista. “Ayun, o.”

“Ayun nga! Sa malayo, natanaw ko ang isang maliit na tatsulok na lumulutang sa mga ulap.

Para itong isang layag ng bangkang lumalapit sa amin. Maya-maya’t alam ko ng kung ano’ng

bumubuo sa layag na iyon. Isang langkay ng mga tagak. Isa, dalawa, tatlo… siguro limpmpu o mas

marami pa.
Si Ami naman ang sumilip sa largabista. Sumunod si Tatay. Sumunod ako.

Sabay-sabay ang kumpay ng kanilang mga nakaarkong pakpak. Parang sayaw na

sumusunod sa iisang kumpas. At parang isang mag-anak ng mga sirkero, sama-sama nilang

binubuo sa ulap ang higanteng V. “Victory!” sigaw ni Ami.

Sa ilalim ng kanilang mga pakpak, tahimik na dagat ang mga ulap. Umilalim ang ibang mga

ibon at naging parang isang higanteng laso naman ang kanilang V. Isang kawan ng mga regalong

lumilipad!

Sandaling huminto ang kanilang mga pagkampay. Pinanatili nila ang pagkakadipa ng

kanilang mga pakpak. Kaya nilang manatili sa hangin sa gano’ng posisyon. Talo si Voltes V ditto.

Pagkampay uli nila, lalo nilang tinaasan ang lipad. Ang mga ulap naman ngayo’y parang

bundok nilang inaakyat- bundok ng maglalabay ng mga puno sa panaginip ni Tatay. Binuo uli nila

ang higanteng V.

Saan kaya sila papunta? Baka uuwi na sila. Baka sa China o sa Europe o mas malayo pa.

Saan ‘yon? Humilig ang higanteng V. Parang sinasagot nila ang tanong ko. A, doon sila papunta.

Doon sa itinuturo ng kanilang V. Doon sa gawing sinisikatan ng araw.

“Egreta alba,” turo ni Tatay kay Ami. Inulit ito ni Ami habang hinahaplos-haplos ang

mukha ni Tatay. Paano kayang nahulaan ni Tatay na dito magdaraan ang mga ibon?

Nakalayo na ang kawan ng mga tagak. Humalo na puting kulay nila sa mga ulap na

pinapapula ng araw, hindi ko pa rin masagot kung pa’no nahulaan ni Tatay ang lahat.
Ibinaba na ni Tatay si Ami. Agad sumama si Ami kay Nanay at nauna sila sa pagbaba sa

burol.

Nilapitan ako ni Tatay. “Anak, hapi bertdey,” bati niya habang ginugulo ang buhok ko. “Sa

susunod na Makita mo uli ‘yong nakita mong ‘yon, baka binata ka na,” sabi pa niya. Nang napansin

niya na humahaba na pala uli ang aking buhok.

Anda mungkin juga menyukai