Anda di halaman 1dari 3

Alamat ng Capiz

ni Antonio, Emilio Martinez

Buhat nang lumunsad dito sa ating kapuluan ang bantog na si Magallanes, ang mga
Kastila ay kumakalat na nang kumakalat sa iba’t-ibang pulo sa Kabisayaan. Bagama’t napatay
ni Lapu-lapu si Magallanes sa pulong Maktan ang gayon ay hindi naging hadlang upang ang
mga Kastila ay magpalipat-lipat sa iba’t-ibang bayan at lalawigan.
May isang panahong ang maraming kawal na Kastila ay lumunsad sa malalaking pulo ng
Panay. Ang mga kawal na yaon ay pinamumunuan ng isang mabait na Heneral na ang
pangalan ay Alejandro de la Cuesta. Ang mabait na Heneral at ang kanyang mga kawal ay
nagsisihimpil sa baybaying-dagat. Buhat dito ay gumawa sila ng mga paglalakbay hanggang
makarating sila sa isang pook na hindi nila alam kung ano ang pangalan ng pook na iyon.
Sa paglalakad ng mga kawal na pinangungunahan ni Heneral de la Cuesta ay natanaw
sila ng isang babaing naglalaba sa batis. Ang babaing iyon ay may kasamang dalawang anak
na nang mga sandaling yao’y nagsisipaligo sa malinaw na batis.
Naisipan ng pinunong Kastila na lapitan ang naglalabang babae upang itanong kung ano
ang pangalan ng baying kanilang kinaroroonan. Nguni’t malayu-layo pa ang mga kawal na
Kastila ay natanaw na sila ng naglalabang babae. Dali-dali nitong tinungo ang dalawang anak
na kambal na naliligo, kinilik ang isa at matapos akayin ang isa pa ay tinangkang sumibad ng
takbo.
Sa buong buhay ng babaing iyon ay noon lamang siya nakakita ng kawal na Kastila,
kaya’t sa malaking takot ay sinikap nitong makatakas agad. Nguni’t nakaiilang hakbang pa
lamang siya, au ubod galang na lumapit ang pinunong Kastila at mapitagang nagtanong;
- “Como se llama esta provincial?” na ang ibig sabihin ay “Ano ba ang
pangalan ng lalawigang ito?”
Hindi naunawaan ng babaing iyon ang mga salitang yaon, nguni’t nang makitang ang
nagtatanong na pinunong Kastila ay nakatinging mabuti sa kaniyang dalawang anak, na noo’y
nakakapit sa kaniyang mga hita, inakala ng natatakot na ina na ang itinatanong sa kanya ay
kung bakit magkamukhang-magkamukha ang dalawang bata. Dahil sa gayong akala ay
nangangatal pa ang tinig na tumugon siya sa wikang Bisaya.
- Capid... Capid... an gang ibig sabihin, ang dalawa niyang anak ay
KAMBAL, kaya magkamukha ang mga iyon.
Yumukod pa ang pinunong Kastila at nagpasalamat bago nagpaalam sa babaing iyon. Sa
pag-aakalang ang isinagot nitong “Capid”, ay siyang katugunan sa kanilang itinanong.
Noon din ay itinala sa talaan ni Heneral de la Cuesta ang salitang “CAPID” at
nagpapatuloy sila sa paglalakbay sa buong lalawigan. Subali’t nang sila’y nag-usap-usap na
tungkol sa pangalan ng lalawigang kanilang narrating ay nahihirapan silang bigkasin ang
salitang “Capid”, sapagka’t hindi angkop sa kanilang dila ang “d”. Kaya’t ang titik na ito ay
binago ni Heneral de la Cuesta at pinalitan ng titik na “s”.
Buhat noon, ang lalawigang iyon na naging isa sa mga lalawigan sa malaking pulo ng
Panay sa Kabisayahan, sa halip na maging “Capid” ay kinilala ngayon at tinatawag na KAPIS.
Ang pangalang ito ng lalawigan ng Kapis ay siyang naging bunga ng hindi pagkakaunawaan ng
isang natatakot na ina at ng isang pinunong Kastila.
Alamat ng Pilipinas

Noong unang panahon ay wala pang tinatawag na bansang Pilipinas. Mayroon lamang maliliit na mga
pulo. Noong hindi pa rin ito bahagi ng mundo ay may nakatira ditong isang higante. Ang kweba nya ay
nasa kalagitnaan ng Dagat Pasipiko. Kasama niyang naninirahan ang kanyang tatlong anak na babae na
sina Minda, Lus at Bisaya.

Isang araw kinakailangang umalis ng amang higante upang mangaso sa kabilang pulo. Kailangang
maiwan ang tatlong magkakapatid kaya pinag sabihan niya ang tatlo.

“Huwag kayong lumabas ng ating kweba,” ang bilin ng ama. “Dyan lamang kayo sa loob dahil may mga
panganib sa labas. Hintayin ninyo ako sa loob ng kweba.”

Nang makaalis na ang amang higante, naglinis ng kweba ang magkakapatid. Inayos nila itong mabuti
para masiyahan ang kanilang ama. Subalit hindi nila katulong sa paggawa si Minda. Hindi ito masunurin
sa ama. Lumabas pala si Minda at namasyal sa may dagat. Hindi man lamang nagsabi sa mga kapatid.

Tuwang-tuwa si Minda na naglalaro ng mga along nanggagaling sa dagat. Namasyal sya at hindi nya
napansin na malayo na pala sya sa tabi ng dagat. Habang sya ay naglalakad, isang napakalaking alon na
masasabing dambuhala ang lumamon kay Minda. Nagsisigaw sya habang tinatangay ng malaking alon
sa gitna dagat.

“Tulungan ninyo ako!” sigaw ni Minda. Narinig nina Lus at Bisaya ang sigaw ni Minda. Abot ang sigaw sa
loob ng kweba kaya tumigil sa paggawa ang dalawa.

“Si Minda humihingi ng tulong!” sabi ni Lus na nanlalaki ang mga mata sa pagkagulat.

“Oo nga! Halika na!” yaya ni Bisaya. “Bakit kaya?”

Mabilis silang tumakbo sa may dagat. Tingin dito, tingin doon. Nakita nila sisinghap-singhap sa tubig ang
kapatid.

“Hayon sa malayo!” sigaw sabay turo ni Lus.

“Hindi marunong lumangoy si Minda ah!” sabi ni Bisaya at tumakbo na naman ang dalawa. Sabay iyak ni
Lus.

Mabilis nilang nilusong si Minda, malalim pala doon. Inabot nila ang kamay nila sa kapatid. Pati sila ay
nadala ng dambuhalang alon. Kawag, sipa, taas ng kamay, iyak sigaw at walang tigil na kawag. Sa
kasamaang palad ang tatlong dalagang higante ay hindi na nakaahon.

Nang dumating ang amang higante nagtataka siya bakit walang sumalubong sa kanya. Dati-rati ay
nakasigaw na sa tuwa ang tatlo nyang anak kung dumating sya. Wala ang tatlo sa kweba, ni isa ay wala
roon.

“Saan kaya nagtungo ang tatlo kong anak?” Tanong nya sa sarili. “Saan kayo Lus, Minda, Bisaya!”

Walang sumasagot, hinanap niya sila sa paligid ngunit wala sila roon. Pinuntahan niya ang ilang malapit
na pulo, ni anino ay wala.

“Baka may pumuntang tao at dinala silang pilit,” sabi ng higante sa sarili.

Biglang umalon ulit at dumagundong, napalingon ang ama at naisip niya na baka nalunod ang tatlo.
Dumako pa sya sa malayo at hindi nagkamali ang higante. Nakita niya ang labi ng ilang pirasong damit
na nakasabit sa bato. Para tuloy niyang nakita ang tatlong kamay na nakataas at humihingi ng saklolo.
Naalala niya bigla na hindi niya pinayagang lumabas ang mga ito. Tumalon sa dagat ang higante. Sa isip
lamang pala niya ang larawan ng tatlong kamay na nakataas, nawalan siya ng lakas.

“Mga anak! Ano pa? Wala na” himutok ng ama. Nawalan na siya ng ganang kumain. Tumayo, umupo,
tumingin sa malayo. Isa-isang hinagod ng tingin ang bawat munting bato at kahoy sa malayo. At sa pagod
at hapis napahilig sa isang bato at tuluyang natulog. Mahabang pagkatulog ang nagawa ng kawawang
higante.

Nang magising ang higante, kinusot niya ang kanyang mga mata. May nakita siyang wala doon dati.
Tumayo bigla at tiningnan mabuti.
“Ano ito? Saan galing ang tatlong pulong ito? Sila kaya ang tatlong ito?” Tanong sa sarili, lalong lungkot
ang naramdaman ng amang ulila.

“Ang tatlong pulong ito! Sina Lus, Minda at Bisaya ito!” ang sabi niyang malakas.

At buhat noon tinawag na Luson, Bisaya at Mindanaw ang tatlong pulo. Dito nagmula ang bansang
Pilipinas. Nasa gawing timog ng Asya. Bahagi ito ng Pilipinas sa katimugang bahagi ng Asya.

Aral:

Ang pagiging matigas ang ulo ay nagdudulot ng kapahamakan sa tao. Pagkaminsan pa nga ay
kapahamakan din ang dulot nito sa iba.

Ang pagsunod sa magulang ay hindi isang parusa. Bagkus ito ay nagpapakita ng paggalang natin sa
knila.

Sumunod sa utos ng magulang upang makaiwas sa kapahamakan.

Anda mungkin juga menyukai