Anda di halaman 1dari 14

BATAAN

Sagana sa isda ang mga tubigan sa Bataan at may malawak na lupang sakahan dito.
Maligaya at masagana ang pamumuhay ng mga katutubo sa ilalim ng pamumuno ng isang matapang
at makisig na pinunong nagngangalang Vatan.

Dahil sa kanyang magagandang katangian, napamahal si Vatan sa kanyang nasasakupan.


Nanaghili ang Diyosa ng karagatan kay Vatan kaya isang araw ay pinaglaho niya ang mga isda sa
karagatan.

Bilang kapalit ng isdang naglaho, hiniling ng Diyosa ang buhay ni Vatan. Hindi ito ipinagkait
ni Vatan, manumbalik lamang ang masaganang pamumuhay ng kanyang nasasakupan. Nagtungo
siya sa tabing-dagat, tulad ng atas ng Diyosa. At dito siya nawala. Sa pook na kanyang pinaglahuan
lumitaw ang isang tangway na tinawag na Vatan. Sa pagdaraan ng panahon, naging “Bataan” ang
tawag sa tangway.
DINALUPIHAN

Ang Dinalupihan, unang bayan sa pinakadakong hilaga ng Bataan ay hango sa salitang “DI-
NALU-PIGAN (Not conquered) na ang ibig sabihin ay hindi malupig. Ito ay dahil sa pakikipaglaban ng
mga mamamayan sa mga dayuhan at kriminal. Ang pangalang ito ay sandaling ginamit lamang. Sa
hindi inaasahang pangyayari ang titik “G” ay hindi naisama sa pagpapatala ng pangalan kung kaya
nakilala sa pangalang DINALUPIHAN at hindi DINALUPIGAN.
HERMOSA

Sinabing ang bayang ito ay unang nakilala sa taguring Mabuyan na hango sa isang uri ng
yantok na noon ay saganang tumutubo sa gilid o pampang ng ilog sa lugar na ito. Tinawag rin itong
Babuyan, isang lugar na noon ay kinakitaan ng naglisaw na mga baboy-damo. Nang dumating ang
mga Kastila ay tinawag nila itong Llana Hermosa. Kung bakit, ito ang isinasaad sa alamat.

Di-umano’y isang pangkat ng magagandang dalaga ang naglalaba sa ilog nang walang anu-
ano’y may dumating na mga Kastila. Naakit at humanga ang mga Kastila sa kagandahan ng mga
dalaga at tuloy ay nasabi ang “Las mujeres son muy Hermosa”, at sinundan pa ng isa, “Esta llana es
muy Hermosa”, at sumunod pa ang isa, “Si, si muy Hermosa”.

Umali sang mga Kastila at nagtanong sa mga dalaga, ang isang binata, “Narinig ba ninyo ang
sinabi ng mga Kastila? Tinugon ito ng isang dalaga ng “Llana Hermosa, Oo, simoy Hermosa” raw.”

Buhat noon, ang bayang ito na dati’y tinawag na Mabuyan o Babuyan ay tinawag na Llana
Hermosa na sa kalaunan ay naging Hermosa.
ORANI

Tulad din ng ibang bayan sa Bataan, ang masagana at pinagdarayong bayan ng Orani ay may
natatanging alamat.

Naglalakad daw ang isang Kastila upang magmasid-masid sa makapal na kagubatan ng Orani.
Napadaan ang Kastila sa isang nagpuputol ng kahoy. Itinanong ng Kastila kung ano ang pangalan ng
kahoy. “Kahoy na narra”, ang sagot ng nagpuputol. Inulit ng Kastila, “No ira”. Inayos ng Kastila ang
mga titik ng katagang “no ira”. Ang nabuong salita ay Orani na siyang opisyal na pangalan ng bayan.
SAMAL

Kung saan nagsimula ang pangalan ng bayan ng Samal ay walang katiyakan sa kasaysayan.
Sinasabing ang “Samal” na pangalan ng bayang ito ay hango sa salitang SAMEL, ang nilalang dahon
ng sasa na ginamit ng mga mangingisda bilang pantabing sa mga huling isda laban sa init ng araw at
malabis na buhos ng ulan.

Di-umano, isang pangkat ng Kastilang namamangka ang nakapansin ng isang bagay na


lulutang-lutang sa tubig. Sa kagustuhan ng mga Kastila na malaman ang pangalan ng bagay, lumapit
sila sa mangingisda at itinanong ang pangalan sabay turo sa bagay na nakalutang sa tubig. “Samel”
ang sagot ng mangingisda. Dahil sa hindi bihasa ang mga Kastila sa salita ng mga katutubo ay paulit-
ulit na sinabi, “Samal, samal”, na ginagaya ng mga mangingisda. Mula noon ang bayan ay tinawag ng
Samal.
ABUCAY

Sinasabing ang alamat ng pagkakapangalan sa Abucay ay nagmula sa pagkakabit ng abo (ash)


at kaykay (to rake) o Abukaykay.

“Dalawang katutubo ang di-umano’y nagkakalkal noon sa abo ng kaingin nang may dumating
na mga Kastila. Itinanong ng mga dumating sa mga katutubo kung ano ang pangalan ng bayang iyon.
Ngunit dahil sa hindi nakakaintindi ng Kastila ang dalawang katutubo, ang akala ng mga ito ay
itinatanong kung ano ang kanilang ginagawa. At sila ay sumagot, “ABO…KAYKAY….ABO…KAYKAY” na
sa kalaunan ay naging ABUCAY.
BALANGA

Ayon sa karaniwang kapaniwalaan, ang pangalan ng Balanga ay hango sa salitang balanga,


isang uri ng lutuan na yari sa putik. Ginagamit din ito ng mga katutubo sa pagsalok ng tubig.

Isang araw, may katutubong sumasalok ng tubig sa malinis na ilog. Walang anu-ano, isang
Kastila ang lumapit at nagtanong kung ano ang pangalan ng lugal. Inakala ng tinanong na nais
malaman ng Kastila hanggang makaugalian at mapagkaisahang tawagin ang lugar na Balanga.

Ngunit hindi mabigkas ng mga Kastila ang katagang nga. Kaya ang Ba-la-nga ay nagkaroon
ng karaniwang bigkas na Ba-lang-ga.
PILAR

Iisa sa sinasabing pinanggalingan ng Pilar. Ito ay galing sa “Nuestra Señora del Pilar”, isang
santang sakay ng galyon na inilibot ng mga Kastila upang makita at ipakilala sa iba’t ibang lugar.
Inabot ng bagyo sa dagat ang galyon at napadpad sa pook ng Pilar na noon ay walang pangalan.

Sinalubong ng mga katutubo ang mga dayuhan. Nagtanong ang isang Kastila kung ano ang
pangalan ng lugar. “Wala”, ang sagot ng isang katutubo. Dahil sa walang pangalan ang lugar,
napagkaisahan ng mga Kastila na ipangalan ito sa “Nuestra Señora del Pilar” bilang parangal sa
Imaheng Birhen.

Sumang-ayon ang mga katutubo at isang simbahan ang itinayo. Ang bayan na dati’y walang
pangalan ay tinawag na Pilar.
ORION

Ang pangalan ng bayan ng Udyong na ngayo’y kilalang Orion ay may dalawang alamat na
pinagbasihan. Una, nagbuhat daw ito sa salitang UOD (worm) na naging Uod’yon at sa kalauna’y
naging Udyong. Ngunit unti-unting nabago rin ito at naging Orion.

Noon daw unang panahon, pinalaganap ng Gobernador Heneral ang kanyang mga sundalo
upang alamin ang mga pangalan ng lalawigang kanyang nasasakupan. Sumapit ang mga sundalong
Kastila sa isang lugar na nagkataon namang ang mga katutubo ay nagtatanim ng mga halaman.
Lumapit ang isang Kastila at nagtanong sa wikang Kastila kung ano ang pangalan ng pueblo sabay
kumpas ng kamay na natigil nang nakaturo sa isang dahong may uod. Isang katutubo na hindi
marunong ng Kastila ay sumagot, “Uod ‘yon”. Inilista ng Kastila ang pangalan at saka lumisan. Nag-
ulat ang mga sundalong Kastila sa Gobernador Heneral. “Udyon” ang itinala nilang pangalan. Dito
nagsimula ang pangalang UDYONG na ngayo’y higit na kilala sa ORION.

Ang ikalawang bersyon ng alamat ay kaugnay sa biglang paglitaw ng tala sa tapat ng bayang
ito. Pinag-aralan ito ng mga astronomong Ingles. Isang katutubo ang lumpait sa mga astronomo at
nagtanong kung ano ang pangalan ng tala. “Orion” (O-ra-yon) ang sagot ng astronomo. Buhat noon,
ang lugar na dati’y walang pangalan ay tinawag ng ORION.
LIMAY
Noon daw unang panahon, ang Limay ay isang kagubatan at walang naninirahan. Ngunit sa
lugar na ito tumitigil ang bapor at iba pang sasakyang dagat na inaabot ng masamang panahon.

Minsan ay may limang komersiyanteng Bisaya na inabot ng bagyo sa dagat na malapit sa


Maynila. Naisipan ng limang lalaki na isilong ang kanilang Bangka sa isang ligtas na lugar at doon na
maghintay ng pagbuti ng panahon. Parang sinadya ng pangyayari, nang umihip ang malakas na
hangin ay naitaboy ang kanilang bangka sa may tabing dagat sa isang lugar sa Bataan.

Ganoon na lamang ang pasasalamat ng limang komersiyanteng napadpad sa nasabing lugar.


Ligtas na sila roon at walang panganib. Naniwalang pinagmilagruhan sila ng dala-dala nilang imahen
na si San Francisco de Assisi.

Dahil sa pagod ay humanap ng lugar na mapagpapahingahan ang magkakasama. Ibinaba nila


ang dala-dala nilang mga paninda gayundin ang imaheng San Francisco de Assisi. Sa isang kubong
walang tao nagparaan sila ng oras at doon na sila natulog kinagabihan.

Kinabukasan, naging maliwang ang langit. Muling isinakay ng lima sa bangka ang kanilang
mga dala para ipagpatuloy ang kanilang biyahe sa dagat. Ganoon na lamang ang kanilang pagtataka
nang hindi nila mabuhat-buhat ang imahen gayong dating magaan lamang iyon.

Nag isip-isip ang magkakasama. Ipinalagay nilang ang pangyayaring iyon ay isa na namang
milagro. Parang ayaw silang paalisin doon ng Santong Francisco de Assisi.

Napagkayarian ng lima na huwag na silang umalis at doon na sila manirahan. Gumawa sila
ng bahay na yari sa buho at kawayan. Gumawa rin sila ng bisita na mapaglalagyan ng dala nilang
imaheng santo. Pinagdarasalan nila ito araw-araw.

Ang lugar na kinaroroonan nila ay sakp pa noon ng bayan ng Orion. Ang lima ay lagung
pumupunta sa kabayanan upang magbili ng kanilang tinda at bumili naman ng kanilang mga
pangangailangan. Nang lumaon, ang limang magkakasama ay nakapag-asawa ng mga tagaroon. At
ang lugar na iyon ay tinawag na Lima bilang pagbibigay halaga sa limang komersiyanteng napamahal
sa lahat.

Ang lima ay naging Limay sa katagalan ng panahon, sapagkat nakaugalian na ng mga taga-
Bataan na sundan ng salitang “ay” ang anumang sinasabi tulad ng “Aalis na siya ay”, o kaya’y “Gabi
na ay”. Ang Lima ay naging Lima-ay na sa dakong huli ay naging isang salita na lamang – Limay.
Mariveles

Ayon sa pagsasaliksik, ang Mariveles ay nagbuhay sa pariralng “maraming dilis”, isang uri ng
isda (anchovies) na sagana sa Look ng Maynila. Ito ay pinaikli at naging Maradilis at sa kalaunan ay
naging Mariveles.

Isa pang maromansang alamat ang karaniwang iniugnay sa Mariveles, ang kasaysayan ni
“Maria Velez”.

Si Maria Velez ay isang mongha. Nagkaroon ito ng talisuyong isang paring Franciscano.
Nagkasundo silang magtanan. Dahil sa hindi dumating ang galyong sasakyan sila ay nagtungo sa
magubat na pook ng Camaya.

Lumikha ng usa-usapan sa Maynila ang ginawang pagtatanan ng magkasintahan. Ipinag-utos


ng pinuno na hanapin ang dalawa. Nagtanong ang mga kawal sa mga katutubo. Pinarusahan ang
ayaw magtapat. Isang kawal Bataan ang nagtapat at sila ay dali-daling lumulan ang mga naghahanap
sa “prahu” o bangka at nagtungo sa Camaya.

Natagpuan ang dalawa sa dalampasigan. Si Maria Velez ay gula-gulanit ang damit at sa tabi
niya ay ang paring Franciscano. Dinala ang pari sa Maynila at nang lumaon ay sa Bisaya naman
upang magturo ng relihiyon samantalang si Maria ay iniwan sa pag-aaruga ng isang matanda
hanggang sa ipatapon sa siyudad ng Mexico.

Sa pangyayaring naganap nagbuhat ang pangalan ng dalawang pulo sa Corregidor na ngayo’y


tinatawag na pulo ng “Fraile” at pulo ng “Mongha”. Samantalang ang lugar na kinatatagpuan sa
magsing-irog ay tinawag na Mariveles hango sa pangalan ni Maria Velez.

Camaya ang dating pangalan ng Mariveles. Nagsimula ito sa salitang Intsik na ka-ma-yan na
ang kahulugan ay isang “lugar na pinagkukunan ng sariwang tubig”. Ganito ang papel ng Camaya
noon – salukan ng tubig ng mga sasakyang-dagat bago magtungo sa Maynila.

Ayon sa ulat ng mga Intsik na mangangalakal, ang Camayan ay tumutukoy sa isang mabatong
isla sa bunganga ng isang look sa isang pook na tinawag nilang Luzon.
BAGAC

Ang bayan ng Bagac na matatagpuan sa dakong Kanluran ng Bataan ay nagbuhat naman sa


salitang “Lumbak” na ang ibig sabihin ay pook na nasa pagitan ng dalawang burol; at “Tagak” isang
uri ng ibong puti. Mula sa pantig na “Bak” na galing sa “lumbak” at “gak” na galing naman sa “tagak”
ay nabuo ang pangalang Bakgak na sa dakong huli ay naging BAGAK.

Pano nangyari ito?

Isang pangkat daw ng kawal-Kastila na may kasamang isang Ita ang naghahanap ng
matitirahan. Sila ay napadaan sa dalawang burol. Samantalang tinatahak nila ang burol ay nasabi ng
Ita ang “Lumbak”. Kasabay halos ay natanaw nila ang isang kawan ng mapuputing ibon. Itinuro iyon
at ang sabi, “Tagak”. Ginagad ng mga Kastila. Di nakuha ang unang pantig ng lumbak at tagak.
Anang Kastila: “Bakgak”. Iyon ang simula ng pangalan ng Bagak na lumaon ay naging Bagac.
MORONG

Ayon sa pagsasaliksik, ang pangalang “Morong” na dati ay “Moron” ay nagmula pa noong


ika-16 na daan-taon. Ito ay hango sa pangungusap na “Ang Moro ay umuurong!”

Kasalukuyang nagkakatuwaan ang mga taga-Morong nang dumating ang isang pangkat ng
mga Kastila. Unang tanong ng mga dumating ay kung ano ang pangalan ng pook. Sumagot ang mga
katutubo: “Mga Moro, umuurong….Mga Moro, umuurong!”

Naging “Morong” sa pandinig ng mga Kastila ang tugon ng mga katutubo. Ngunit hirap sila
sa digrap o magkasunod sa katinig na ng. Ginawa nilang Moron ang pangalan ng lugal.

Ang dating pangalang Moronay binago at ginawang Morong sa pagsusumikap ng dating


kinatawan ng Bataan, Jose R. Nuguid sa bias ng Republican Act No. 1249 na pinagtibay ng Batasang
Pambansa noong ika-10 ng Hunyo, 1955. Dahilan: ang salitang Moron ay terminong pang-edukasyon
na nangangahulugan ng “kababaan ng pag-iisip o isang tao na isip-bata”.
PROYEKTO
SA FILIPINO

Ipinasa ni:

GABRIEL RAMON S. GALANG

Ipinasa kay:

Ms. JAMISON