“Bagong Lipunan”, yan ang tawag sa lipunan ng rehimeng Marcos.
Disiplina ng mamamayan para sa ikauunlad ng bayan. Nadisiplina at nagbago nga ba talaga ang lipunan? Ano ang buhay ng mga kabataan sa panahong ito ni Marcos? Sa pagbabasa ng mga librong pangliteratura, nadiskubre ko na napakamasalimuot pala ng pamumuhay noong panahon ng Batas Militar. Taliwas ito sa mga sinasabi ng mga matatanda na kay ganda at kay tahimik ng buhay sa ilalim ng pamumuno ng dating pangulong Marcos. Hindi matatanda ang makapagsasabi ng totoong sitwasyon noong mga panahon ng impyerno, kundi ang mga kabataan.
Unang yugto ng Batas Militar, nagbago ang kapaligiran. Pilit na
pinaganda ang lahat ng nasa paligid, maraming ginawang mga imprastraktura, at mas lalong ginawang makulay ang kapaligiran. May ibang nagsasabi na ang mga ito ay isinagawa ng pangulo upang maging maganda sa mga mata ng mga dayuhan na pumupunta o bumibisita sa sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Nilagyan ng mga sunadalo sa bawat sulok ng pamayanan– sa eskwelahan, sa mga baranggay at sa mga pampublikong lugar. Nagpatupad ng curfew upang masiguradong tahimik na ang buong Pilipinas pagsapit ng alas-dose ng gabi. Hinuhuli ang lahat ng mga estudyanteng napaghinalaan at napagtripan ng mga sundalo, dinidisiplina sa pamamagitan ng panduduro at pagpapalinis ng damuhan. Lahat ng mga librong kahinahinala ay pinapatapon, bawal ang mga subersibong mga libro na tumatalakay sa rebolusyon at mga katulad na maaring makamulat ng kaisipan ng mga kabataan. Ganito ang bagong lipunan! Ginagawang pipi ang lahat. Ngunit, hindi mabubusalan ng pamahalaan ang isip ng mga kabataang naghahanap ng kalayaan. Dahil sa ganitong pangaagaw ng kalayaan, kumilos ang mga kabataan, lumipad sa kalangitan upang mahanap ng totoong kalayaan. Nauso at lumaganap ang student activism at nagbalak na makalaya sa Batas Militar. Maraming mga napatay, napaghinalaan, nawala at tinorture. Isa sa mga itinuturing na bayani at ang batang si Constantino Medina. Namatay nang s’ya ay labings’yam na taong gulang pa lamang. Maraming pangarap para sa bayan, nakita ang sitwasyon ng bansa at naging makabayan. Dahil dito, pinatay s’ya kasama ng iba pa nyang mga kasamahan. Noong una’y tumutol ang kanyang magulang/ina, ngunit dahil sa nangyari, kumilos na rin ang ina sa pagpapalaya ng bayan. Marami pang ibang mga kabataan ang nagalay at nagbuwis ng buhay, tinorture ng mga demonyong alagad ni Marcos at namatay. Ngunit kung hindi dahil sa mga kabataang ito, hindi sana nakalaya at patuloy na magiging militarismong bansa ang Pilipinas. Hindi naman masama ang paghahangad ng isang lider na maging disiplinado ang kanyang pinamamahalaan. Ang masama, kung papatayin n’ya ang kakayahan ng mga mamamayan na makapagsalita. Sa kabilang banda, hindi naman talaga naging disiplinado ang Pilipino sa pamamagitan ng Batas Militar, naging disiplinado lamang sila dahil sila ay napilitan at natakot. Maaring makamit ang disiplina ng mamamayan hindi sa pamamagitan ng pananakot ng militar, mas lalong magkakagulo kung lalagyan ng takot sa puso ng bayan. Ngunit, nang hindi dahil sa ganitong kaganapan sa kasaysayan, hindi mapatutunayan ang sinabi ng ating bayaning si Jose Rizal– “kabataan ang pagasa ng bayan”. Sa panahong ito, nakita natin na tumayo ang mga kabataan upang makamit ang ganap na kalayaan ng bayan mula sa mapangabusong gobyerno.