Anda di halaman 1dari 1

MAY AKDA

Isang mandudula, makata, at mangangatha, si Aurelio Valenzuela Tolentino (Aw∙rél∙yo Va∙len∙zwé∙la


To∙len∙tí∙no) ang sumulat ng Kahapon, Ngayon at Bukas (1903), isang drama simbolika at pinakasikat sa
mga dulang sedisyoso noong panahon ng Amerikano. Isa siyáng Kapampangan ngunit sumulat sa mga
wikang Kapampangan, Tagalog, at Espanyol. Aktibo siyáng Katipunero at kasáma ni Bonifacio sa kuweba
ng Pamitinan noong 10 Abril 1895 sa isang lakaran para sa kalayaan.

Bukod sa naturang drama simbolika, itinuturing ding makabuluhan ang kaniyang dulang Bagong Cristo
(1907) dahil sa paksang manggagawa. Ang kaniyang nobelang Ing Buak nang Ester (1911) sa
Kapampangan ay may saling Ang Buhok ni Ester (1914015). Nása Tagalog din at Kapampangan ang
Maring (193 at 1914). Nása Espanyol naman ang komedyang La Venganza de Robdeil (1891) at ang
sarsuwelang Rizal y los dioses (1901). May mga tula siyáng tinipon sa Dakilang Asal (1907).

Isinilang siyá noong 13 Oktubre 1867 sa Guagua, Pampanga kina Leonardo Tolentino at Petrona
Valenzuela. Isang sastre, sapatero, mandudula, at direktor ng mga komedya ang kaniyang ama. Nang
mamatay ang kaniyang ama, itinigil niyá ang pag-aaral, bumalik ng Guagua, at nagturo sa isang
pribadong paaralan. Minsan, ininsulto siyá ng isang Espanyol at napagbuhatan niyá ito ng kamay. Upang
hindi maaresto, nilisan niyá ang Guagua at nagtrabaho sa Tundo bilang klerk. Sa panahong iyong niyá
nakilala si Andres Bonifacio. Siyam na ulit na nakulong si Tolentino; una noong pagsiklab ng Himagsikang
1896. Nakulong sa pangalawa at ikatlong pagkakataon si Tolentino dahil sa pagsusulat niyá sa La
Independencia (1898) at La Patria (1899), at sa Filipinas, na pahayagang siyá mismo ang nagtatag. Noong
1903, sumáma siyá sa mga puwersang rebolusyonaryo ni Artemio Ricarte ngunit muling naaresto.

Si Tolentino rin ang nagtatag ng Katimawan noong 1910, ang kaunaunahang kooperatiba ng mga
manggagawa sa bansa, at El Parnaso Filipino, isang paaralan na nagtataguyod ng wika, panitikan at
kulturang Filipino. Nangasawa ni Tolentino si Natividad Hilario noong 1918 at nagkaroon silá ng apat na
anak. Namatay siyá noong 5 Hulyo 1915. (JGP) (ed VSA)

Anda mungkin juga menyukai