Anda di halaman 1dari 1

“Amerikanisasyon ng Isang Pilipino”

ni Ponciano B. Peralta Pineda

Ang de-amerikanisasyon ng isang Pilipino ay isa sa pinakamalaking tungkuling dapat nating gampanan sa ating kasalukuyan. Ang
Amerikanisasyon ay isang sakit na tumalamak na sa katawan n gating lipunan. Bunga nito ang maraming kapansanan ng bayan.
Isang simulaing kardinal, katotohanan palibhasa, na ang isang Pilipino’y mahalagang sangkap ng buong pamayanang Pilipino. At ang
pinagsama-samang indibidwal, ang katipunan ng lahat ng mga mamayan ng bansang ito, ang bumubuo ng Sangkapilipinuhan. Habang mahina,
habang ‘di ganap ang pagka-Pilipino ng kabuuang ito ay ‘di tayo makapagtatayo ng isang lipunang tunay na Pilipino, ni ng pamahalaan at
pangasiwaang tunay na Pilipino. Ang ugat ng dahilan ay nasa uri ng edukasyon ng isang Pilipino.
Tignan natin ang isang pangyayari bilang halimbawa. Ipalagay nating heto ang isang batang Pilipino. Ang kanyang pamilya’y kabilang sa
mga may kaunting pribilehiyo sa buhay. Bagay na isinisiwalat ng kanilang katayuang ekonomiko. Ang batang paksa ng kwento’y nakarinig sa unang
pagkakataon at nanggaya sa unang pagkakataon, sa pabulol na pamamaraan, ng mga salita ng kanyang ina’t ama. "That’s the light," sasabihin ng
ina, sabay turo sa bumbilyang nagliliyab sa kisame ng bahay. "Now," sasabihin ng bata, "where’s the light." Ituturo ng bata. "There!" sasabihin ng
ina. Paulit-ulit. "That’s your Mommy", sasabihin ng ama. "Say, Mommy." Gagayahin ng bata. "He’s your Daddy," sasabihin ng ina. "Say, Daddy."
Gagayahin ng bata. Ganyan ang simula.Ang batang ito, pagsapit ng isang panahon, ay ipapasok sa kindergarten. Doon ay maririnig din niya ang
wikang naririnig sa kanyang Daddy at Mommy. Bibigyansiya ng manipis na aklat na may malalaking drowing at nandidilat na mga letra. Ituturo sa
kanya ng titser. "Apple". “Epol,” wika ng bata. "Snow" sasabihin ng guro. "Isno," wika ng bata. "Eagle," ang wika ng titser. "Igel," gagad ng bata. Ang
paaralang ito, nais kong idugtong ay eksklusibo. Para lamang sa may kayang magbayad ng malaki. Ari ng dayuhan at pinamumunuan ng mga
relihiyoso.
Papasok ang bata sa regular na grado, sa paaralang ito rin: ari ng mga dayuhan; pinamumunuan ng mga relihiyoso. Mababasa na niya
ang mga liubrong bumabanggit ng mga daan sa New York at sa Washington, D.C. Mamamasid niya ang Central Park, at Central Square. Ang
batang ito na nagsisimula pa lamang ay may guniguni nang lumipad sa lupalop na malayo sa kanyang tinubuan.
Ang batang paksa natin ay lumalaki, mangyari pa. at nagkakaisip. Tuwing kakausapin siya ng kanyang Daddy at Mommy ay saw wikang
Amerikano. Ngunit may mga ibang tao sa kanilang tahanan: ang mga taong iyon ay alila o utusan kung tawagin ng kanyang Mommy at Daddy.
Nakikita niyang ang mga ito’y tagapaglinis ng bahay, tagapagluto sa kusina, tagapamili sa palengke, tagapagpaligo niya, at malimit na inaalimura ng
kanyang mga magulang. Ang mga taong ito, kung kausapin ng kanyang Daddy at Mommy ay sa Tagalog. Hindi siya kinakausap sa wikang iyon ng
kanyang Daddy at Mommy. Kaya, sa kanyang batang puso at utak ay tila mandin napagbubukod niya ang kagamitan ng dalawang wika: Ingles ang
ginagamit ng kanyang mga magulang sa pakikipag-usap sa kanya; Tagalog sa pakikipag-usap sa mga alila o utusan. Ito’y kanyang
mapagkakalakhan at kahit na tumanda’y iisipin niya, ipamamansag niya sa katunayan, na ang wikang Tagalog ay ginagamit lamang sa mga alila.
Ang batang ito’y patuloy sa paglaki. Palaging librong Ingles ang kanyang binabasa, palaging Ingles-Amerikano, pagkat mga Amerikano
ang awtor. Dahil dito'y ayaw na rin niyang bumasa ng ano mangsinulat ng kanyang mga kababayan sa wikang kanyang kinagisnan. Ang librong
nasusulat sa Tagalog ay nagiging kasuklam-suklam sa kanya. Sa tahanan ay exposed siya sa telebisyon – sa mga programang ginaganap sa
wikang kanyang pinagkamalayan. Gayon din ang kanyang pinanood sa mga sine. Kahit Class B, o Class C sa kanya’y pinakamagaling pagkat mga
artistang Amerikano ang nagsisiganap. Samantala, ang pelikulang Tagalog ay bulok sa kanya, walang pasubali.
Siya’y isang ganap nang mamamayan, marahil ay mayroon nang pananagutan sa buhay. Ngunit mayroon siyang sariling daigdig na
kinikislapan ng pumikit-dumilatna samut-saring kulay ng ilaw-dagitab sa piling ng mga nagsasalita ng Ingles. Malayo sa kanya ang ibang daigdig,
ang lalong malaking dagidig. Ito’y ang lipunan ng mga nakabakya, ng nagsisipagsalita ng katutubong wika. At sa ganyan ay sumilang ang malaking
pagitan ng mga Pilipinong pribilihiyado sa buhay at ang masa ng ating bayan.
Totoong humaba ang simpleng kwentong aking isinalaysay. Ngunit gaya ng inyong napansin, ito’y naglalarawan ng yugtu-yugtong
pagkahubog ng isang batang Pilipino sa pagiging Amerikano sa isip, sa salita at sa gawa. Ang trahedyang ito’y nakaturo sa ating sistema ng
edukasyon. Nang pumasok ang mga Amerikano sa Look ng Maynila’y dala na nila ang sistema ng paturuang Amerikano. Ayon sa kasaysayang
sinulat ng mga dayuhan at ng mga Pilipinong gumagamit ng salaming dayuhan – pumarito ang mga Amerikano upang hanguin tayo sa barbarismo.
Bibigyan daw nila tayo ng edukasyon. Binigyan nga, edukasyong popular pagkat sa simulain ay bukas sa lahat ng mga mamamayan. Ang wikang
panturo ay Kano. Ang mga asignatura’y hulwad sa Kano. Malayo na ang panahong iyon ng pagdaong ni Dewey sa ating pasigan, ngunit narito pa rin
ang mga bakas. Isa tayong kolonya hanggang ngayon. Ang sistema natin ay tunay na kolonyal.
Marahil ay 'di totoong mga Amerikano lamang ang dapat nating sisihin. Tayo man ay may kasalanan. Sa kabila ng katotohanang binigyan
tayo ng kalayaang pampulitika, tayo nama’y pinanatiling nakagapos sa kaalipinang ekonomiko at edukasyonal. Sa pana-panahon ay humihingi tayo
ng pag-aaral sa ating mga suliranin sa pagtuturo. Ang hinihiling nating gumawa nito’y ang ating dating panginoon, ang mga Amerikano. Sila rin ang
nagmungkahi sa ating mga kalutasan. At kung 'di magbunga nang maigi, tayo ang nagdurusa. Kasalanan natin, ngunit 'di nating gustong
magkaganito. Biktima tayo ng kasaysayan. Ganito ang ating palad. Gayunman, ang tanong ko’y ‘di na ba tayo bubulas,’di na ba tayo lalaki at di na
ba tayo magiging ganap na bansa – sui juris ng le
nggwahe ng batas?
Sa sinundang brodkas ay sinabi na namin sa inyo kung ano ang paraang ginagawa sa pagpapalaganap dito ng wikang Amerikano. Ang
wika at edukasyon ay magkaugnay. Ngayon ay marami pang tulong sa edukasyon na kaloob ng Estados Unidos. Hindi natin matiyak ang mga tali
ng tulong na ito. Sa kawalan ng mapanghahawakang kongkretong ebidensya'y makapagbibigay lamang tayo ng mga hinuha. Maaaring sabihing ang
kaloob sa atin ay udyok ng damdaming altruistiko ng ating dating panginoon. Ito kaya’y kapani-paniwala? Hindi ba’t sa maraming pagkakataon ay
lumitaw ang katotohanang sa kapakanang Amerikano lamang ang paglilingkod na ginawa rito ng mga Amerikanong kinatawan ng Pamahalaang
Amerikano, at pati ng kanilang mga ahenting na-"brain wash" pagkatapos magtamasa ng kwalta ng iskolarsyip at grant?
Isang kababawan, kung ‘di man katunggakan ang mag-akalang tunay na nagbubuhos dito ng salapi at panahon ang Estados Unidos dahil
lamang sa kapakanang Pilipino. Sa katunaya’y naglilingkod sila sa kapakanan ng Estados Unidos at sa kaluwalhatian ng Unyon. Ito ang
hinahangaan ko sa mga Amerikano, kahit saan sila magtungo, kailan mang panahon, ay nananatili silang Amerikano. Kapos tayo sa bagay na ito.
Tayo pa nga ang tumatayong tagapagtanggol nila, na para bagang kailangan pa nating ipagtanggol sila. Ang isang Pilipino, lalo na ang kabilang sa
pamilyang ginawa kong halimbawa sa simula ng komentaryong ito, ay madaling maging Amerikano. Kaawa-awa ang bayang ito!
Ang lahat ng ating pagsisikap na maging tunay na Republikang Pilipino ay mabibigo habang dayuhan ang sistema ng ating paturuang
pambansa. Tunay na kailangan ang pagbabago, ang rebolusyon sa laranang ito. Ngayon ay may isang Komisyong nilikha ang Pangulo upag pag-
aralan ang sitwasyon ng edukasyon sa ating bayan. Sana’y maging tunay na Pilipino ang ibubunga ng Komisyon. Huwag sanang kaligtaan nito ang
kahalagahan ng wikang panturo. Nababatid kong nasa kamay na ng komisyon ang maraming pag-aaral ng Kawanihan ng Pag-aaralang-Bayan ng
Lupon sa Kurikulum, pati na ang paninindigan ng Lupon sa Implementasyon. Hindi ako isang manghuhula, ngunit masasabi ko nang walang
alinlangan: na habang nabibidbid ang ating paturuang pambansa sa sistemang Amerikano, at habang tinatagikawan tayo ng wikang Amerikano,
mananatili tayong second raterlamang sa edukasyon, mangagagaya at bayang walang bait sa sarili. Ang Wikang Filipino’y handa upang gamitin sa
de-amerikanisasyon ng isang mamamayang Pilipino.

Anda mungkin juga menyukai