Anda di halaman 1dari 12

MAGPINSAN

ni Amado V. Hernandez I. "Magandang araw po." Pamimintana ni Ligaya sa kanilang durungawan ay isang liham ang inihagis sa kanya ng tagahatid sulat na nagbigay ng "magandang araw." Marahan niyang ginupit ang isang dulo ng sobre, tiningnan, nangunot ang noo at saka napahalakhak ng malakas. "Ha, ha, ha. Nasisira yata ang ulo ni Nestor!" ang nasabing tatawa-tawa. II. Ang totoo ay hindi sukat akalain ni Ligayang makapangangahas si Nestor na magpapahayag sa kanya ng pag-ibig. Silang dalawa ay magpinsan. Makipagsintahan siya kay Nestor ay walang salang magiging bukangbibig ng madla na sila ang magpinsang "nagpipisan." Kay laking kahihiyan, marahil! At saka si Nestor, ayon sa kanya, ay hindi pa naman tunay na binata kundi bago pa lamang nagbibinata. Kailan lamang ay nakaputot ng salawal at ni hindi makuhang ayusin ang buhok. Noon lamang mga nakararaang taon ay lagi silang magkasama sa paglalaro. Madalas pa siyang ipinamimitas ni Nestor ng sari-saring bungang-kahoy sa kanilang bakuran na pagkatapos ay pinagsasalunan nilang dalawa. Kung tanghaling tapat ay madalas silang makagalitan tuloy ng kanyang ina dahil sa hindi nila makuhang matulog at nalilibang sa paglalaro ng sintak sa puno ng hagdan. Ganon na lamang ang sarap ng kanilang matalik na pagsasama na wala silang iniwan sa tunay na magkapatid. Kaya lamang sila nagkahiwalay ay nang ipasok na siya sa kolehiyo. Nagkaiyakan pa silang matagal dahil sa pangambang makalimot ang isa't-isa. Awang-awa siya kay Nestor. III. Ngunit noo'y mga batang musmos pa lamang sila halos. Marami ng araw at taon ang nakalipas. Nang kanyang lisanin ang kolehiyo ay magdadalaga na siya. Sadahon ng kanyang ala-ala ay malabo na ang titik ng panahon. Nagdaan ang masayang kabataan nila ni Nestor na hindi na niya ganoon nagugunita. Nang magkita sila ng kanyang pinsang binata, pagkaraan ng isang mahabang panahon ng pagkakahiwalay, ay nagkahiyaan sila, kung bakit, at hindi nakuhang magbatian. Si Nestor ay nasilaw sa kanyang kisig at ganda, samantalang siya naman ay nanibago kay Nestor. Binata na pala ito! Ang nasabi sa kanyang sarili. Buhat noon, kung sila'y magkasalubong ay tumutungo siya upang mailagan ang mata ng kanyang pinsang binata at si Nestor naman ay lumilihis ng daan dahil sa malakingpagkaumid at pag-aalang-alang sa kanyang pinsang dalaga. IV. Kaya ganoon na lamang ang panggilalas ni Ligaya ng tanggapin niya ang

sulat ni Nestor. "Marunong na palang lumigaw ang pilyong yaon," ang wika pang nakangiti. Ipinalagay niyang si Nestor ay nahihibang. Dili kaya'y nagbibiro. Kaya hindi pinansin ang liham ng binata. Saka ang pag-ibig ay hindi pa rin naman nagigising sa kayang puso. V. Pagkaraan ng mahigit na dalawang linggo ay nagsisi si Nestor kung bakit siya nakapagtapat pa kay Ligaya. Wala nga namang unang pagsisisi. Ngayon na lamang niya nakurong malayo siyang ibigin ng kanyang magandang pinsan. Si Ligaya ay tanyag na tanyag sa mga lipunan, mula ng lumabas sa kolehiyo, samantalang siya'y palad ng makadalo sa isang piging minsan sa isang buwan. Maraming maginoo at hombres de profesion na nangingibig kay Ligaya at siya'y isang estudyante pa lamang na pinakakain at pinaghihirapan ng kanyang ama. Isa nga naman palang kabaliwan ang kanyang pag-ibig. Lalong nag-ibayo ang kanyang pagkakimi saharap ni Ligaya. Kung minsang sila'y nagkakatagpo sa isang sayawan o piging ay hindi niya magawang sumulyap man lamang sa mukha ng kanyang pinsang dalaga, habang yao'y ngingiti-ngiti at parang ikinasisiyang-loob ang makitang siya'y labis na nagugulumihanan. VI. Nguni't ano ang kanyang gagawin? Siya ay lalaki at lalaking may puso. Ang tibok ng puso ay makapangyarihan. At hindi maaaring pigilin, lalong mahirap at hindi mangyayaring limutin niya si Ligaya. Si Ligaya ay inibig na niya at minahal, sinundan-sundan ng paningin at pinintuho ng buong kaluluwa mula pa sa kanilang kabataaan. Ang isang bagay na naukit sa diwa at napunla sa puso sa panahon ng kamusmusan, ay hindi na malilimot at mamamatay sa habang panahon. Ang mgaala-ala ng ating kabataan ay siyang matamis sa lahat, sariwa sa lahat at mahal sa lahat. Talagang si Nestor ay hindi nakalimot kay Ligaya. Ewan nga lamang niya kung bakit naparam na sa isip ng dalagang yaon ang kanilang kahapong lipus sa kaningningan ng mga murang guniguni at masamyo sa pabango ng kawalang-malay. Wala nang masakit na alalahanin na gaya ng mga ala-alang nagbabalik sa gunam-gunam ni Nestor. Ngayon siya'y nasa gitna ng luha at lungkot. VII. Nang hindi nagtamo ng tugon ang ikalimang sulat ni Nestor kay Ligaya, ay niyari sa loob ng binata na hindi na siya muli pang susulat sa pinsang walang puso. Naisip niyang sayang lamang ang panahon at pagod nang magpakabaliw sa isang bagay na tila hindi matatamo. Ang pag-ibig ay may dalawang hanggahan: luwalhati at pagtitiis. Yamang sa pagtitiis siya itinalaga ng tadhana ay tila kabaitan ang sumang-

ayon sa gunita ng palad. May araw ding mabibihis ang kanyang pagdurusa. Sadyang ang alin mang pangarap na mahalaga at dakila ay hindi natutupad sa iisang gabi. Kinakailangang maglamay at magpakasakit, magbata atlumuha. VIII. Pinag-ibayo ni Nestor ang pagsisikap sa pag-aaral. Kung siya'y makatapos na ng karera, sa paano't paano man ay hindi na kahiyahiyang mangibig kahit kanino. Ang titulo ay isang kalasag na malaki ang nagagawa. Kung wala mang paglingap si Ligaya sa kanya ngayon baka kung siya ay isang doktor na ay malamuyot din ang puso at mabagbag ang kalooban ng pinsang walang awa. Kaya nagsunog ng kilay si Nestor. IX Samantalang si Ligaya ay patuloy sa kanyang pagkabulaklak ng lipunan. Kung sabagay ay hindi naman siya katulad ng ibang dalagang pag natatanyag na sa gitna ng palalong sosyedad ay nagkakaroon ng marungis na batik ang iwing dangal at ang angking kabanguha'y napagsasamantalahan ng ilang mapagsamantala. Si Ligaya ay hindi gayon. Habang siya ay napapasa-itaas ay lalo siyang nagpapakalinis, lalong pinag-iibayo ang kanyang kababaang-loob, at katamisan ng ugali, lalong sinikap na siya'y maging karapat-dapat sa mata ng sambayanang nakapako sa kanyang mga kilos. X. Pagkaraan pa ng tatlong mahahabang panahon ay nagtapos din si Nestor sa pagka-manggagamot. Isang batang-batang manggagamot na nginingitian ng pag-asa atpinatatapang ng lalong matatamis na pangarap. Datapwat kung ano ang tagumpay ngayon ni Nestor ay siya namang kabiguan ni Ligaya. Dahil sa malabis napagpupuyat gabi-gabi sa kung saan-saang sayawang idinaraos ng gayo't ganitong samahan at kapisanan, bukod pa sa panonood ng mga dulaan at sine, ang murangkatawan ni Ligaya ay hindi nakatagal. Siya'y lumura ng dugo at unti-unting nangayayat. Dahan-dahang nalanta an g rosas sa kanyang dalawang pisngi atnaglamlam ang langit sa kanyang mata. XI. Nang mabalitaan ni Nestor ang kaawa-awang kalagayan ni Ligaya ay dalidaling inihandog ang kanyang tulong. Ang pinsang dalaga ay tumalima naman sa kanyang mga tagubilin. Ang buong panahon at pagsisikap ni Nestor ay inukol na lahat sa pagpapagaling ng karamdaman ng kanyang minamahal.

"Malulunasan mo pa kayo ako, Nestor?" ang tanong sa kanya minsan ng may sakit. "Oo, gagaling ka, pagagalingin kita, aalagaan kita," ang masuyong sagot ni Nestor. XII. Isang matamlay na ngiti ang itinugon ng dalaga. May apat na buwan na si Ligaya sa kanyang cottage sa mataas na siyudad ng Baguio. Ang sariwa at malinis nasimoy ng hangin, ang mabibiyaya at katangitanging singaw ng nagmumula sa pusod ng mga bundok at ang mabuting paraan ng panggagamot ni Nestor ay siyangnagkatulong-tulong upang lubusang bumuti ang karamdaman ng paralumang maysakit. May dalawang buwan pa lamang si Ligaya sa itaas ng Baguio ay tumigil na ang paglura ng dugo, sumunod ang pagkapawi ng ubo sa gabi at sa umaga. Nanumbalik din ang dating mapulang kulay sa kanyang mukha at nanauli ang bulas ng kanyang katawan. XIII. Isang malamig na gabing ang buwan ay parang nakabitin sa langit na mangasul-ngasul, si Nestor at si Ligaya ay mapayapang nangakaluklok sa dalawang silyon sa lilim ng mayayabong na puno ng isang pino. "Salamat sa iyo, Nestor," anang binibiro, "utang ko sa iyo ang akin gbuhay. Ano kaya ang maibabayad ko sa iyong kagandahang loob?" "Ligaya," anang binata naman. "Pinagaling ko ang iyong sakit sa tulong ng Maykapal. Datapuwa't ang karamdaman ko ay hindi mo pa nalulunasan hanggang ngayon." "Anong karamdaman mo?" "Ang karamdaman ng aking puso." "Aba, si Nestor, hindi mo pa ba nalilimot ang bagay na iyan?" "Kailan man ay hindi! Ang aking pag-ibig ay malala kaysa dati, Ligaya, lalong malubha." "Ano ang sasabihin sa atin ng tao? Magpinsan tayo'y..." "Sa pagsinta ay walang magpinsan, " ang putol ni Nestor. "Lalong mabuti sapagka't iisa ang dugong nananalaytay sa ating mga ugat, iisa ang ating damdamin, iisa ang ating puso. At bakit natin pakikinggan ang sasabihin ng tao? Ang dila ng tao'y talagang makasalanan at hindi marunong humatol. Alalahanin mo ang ating kabataan, ang pagmamahalan

natin noong tayo'y mga batang musmos. Hindi ka ba nanghihinayang sa lahat ng yaon kung ikaw o ako, ngayong kita'y may gulang nang ganap, ay mapasaibang kamay at mapasaibang dibdib?" "Ngunit" "Huwag ka ng magdahilan, Ligaya. Sabihin mo na sa aking ako'y minamahal mo. Ang laman ng iyong puso ay nakasulat sa iyong mga mata, kaya huwag mo na sanang susian ang iyong bibig. XIV. Hindi na nakuhang magmatuwid ni Ligaya. Ang katotohanan ay matagal na rin siyang umiibig nang lihim kay Nestor at malaon na ring nanariwa sa kanyang puso ang matamis na ala-ala ng kanilang kabataang yumao. Bago sila naghiwalay ng gabing yaon ay pinabaunan muna niya si Nestor ng isang matamis na halik at inabutan ng isang bulaklak ng everlasting. "Hayan ang aking pag-ibig." "Pag-aralan mo sanang mahalin." Nabalitaan na lamang ng lahat sa kahanga-hangang siyudad na rin ng malamig na Baguio idinaos ang luna de miel ni Ligaya at ni Nestor.

LIMANG ALAS, TATLONG SANTO


ni Amado V. Hernandez I May uwing panalunan si Manuel nang gabing yaon: P700. Mahigit nang ika11:00 sa kanyang orasan. Alam niyang inip na sa paghihintay si Naty, ang kanyangasawa, at walang salang nagkakagutom na naman. Mapapanis ang hapunan ay di-kakain si Naty habang siya ay wala, batid ni Manuel. II Ngunit anumang sama ng loob ngayon ay maaaring malunasan, inaasahan ni Manuel sa sarili, pagkat ibibigay niya ang buong napanalunang P700. Ang halagang ito ay hindi magaan kitain, lalo na ngayong siya'y walang tiyak na hanapbuhay. Dalawang buwan nang nasasara ang bahay kalakal na pinapasukan ni Manuel, sampu ng umuwi sa Estados Unidos ang Amerikanong may-ari sa dahilang kukuha ng kuwalta, subalit hindi na nagbalik. Nag-iwan dito ng maraming utang pati ng ilang buwang sahod ng may 20 kawani, kabilang si Manuel. Kaya naiisip niyang bagaman siya'y ginabing lubha ay ipagpapaumanhin na ni Naty kung makita ang salaping uwi niya na sapat ng magdulot ng kaluwagan sa kanilang kasulukuyang kagipitan. III. Ang totoo si Naty ay hindi nanayag sa pagsusugal ni Manuel. Malimit na ito ang kanilang ipagkagalit. Nagugunita niyang sa may sampung taon nang pagsasamanila na ipinagkaroon ng tatlong malulusog na anak ay walang ibang dahilan ang anumang alitan nilang mag-asawa liban na sa pagsusugal ni Manuel. Kapag si Manuel ay hinatinggabi sa labas ng bahay, talastas na ni Naty na siya'y nagsugal. Pag si Manuel ay hindi nakabili ng mga ipinagbilin ng kanilang mga anak bago umalis kung umaga, alam ni Naty na siya'y natalo noong araw na yaon. Kapag si Manuel ay hindi maisama sa sine or sa nightclub, kahit minsan sa isang linggo man lamang, batid na rin niyang nahungkoy ang lahat ng salapi ni Manuel sa mesa ng poker. At simula na ang kanilang pagbabangay. IV. "Kung dangan kasi'y palagi ka sa kalye at hindi mo nalalaman ang nangyayari dito sa bahay. Ano ang kuwenta sa iyo kung kami'y mahipan ng hangin o manigas sagutom. Ano ang malay mo kung magkano ang ibabayad sa koryente, sa tubig, sa rasyon ng gatas, sa labada, sa matrikula ng iyong mga anak. Wala kang inaasikasokundi ang iyong sarili. Mayroon kang naisusugal ay ni hindi ko makuha ang rasyong bigas. Mayroon kang ipinatatalo ay nakasanla na pati ang kuwintas na minanako sa aking nunong nabulok!"

V. Matangi sa "ikaw naman" "manong magtigil ka na" at "ano bang sugal ang sinasabi mo?" si Manuel ay hindi gaanong nagsasasagot kay Naty. Si Manuel ay isang lalaking may kapusukan sa kanyang kapwa lalaki; ngunit lagi siyang mapagpaumanhin sa kanyang asawa. Lasong-lason sa loob niya ang marinig ng kanilang mga anak na sila'y nagtatalo o malaman kaya ng mga kapitbahay na sila'y di nagkakasundo. Dinaraan niya sa lamig palibhasa'y hindi kaila sa kanya na ang isang babaeng nagagalit ay walang iniwan sa isang rabentador na putok nang putok ay hindi naman nakakasakit. Saka may subo ba ang sinaing na hindi naaawat at natapos samabangong aso ng isang isang pinggang kanin? VI. Si Manuel ay hindi naman isang manunugal na talaga. Ang sugal ay hindi isang bisyo niya, manapa'y isang libangan. Gaya rin ng alak, marunong siyang uminom at umiinom siya tuwing mapapasubo sa pagtitipon ng mga kaibigan, nguni at kailan man ay hindi siya napainom sa alak. Hindi pa siya naaalaalang umuwi siya ng bahay na lasing. Naglalaro siya kung nakakayag, ngunit hindi panay. Maari siyang maging kapupunan sa mesa ng mahjong o poker; nakikipagsapalaran siyangmanakanaka sa blackjack o hearts. Kung minsan, kung may tip na sigurong plantsado ng nag-abuloy sa kanya, siya'y nagpaparaan ng ilang oras sa Manila Jockey Club, o sa Sta. Ana Racing Tracks kung linggong may karera. Datapwa't siya'y hindi malakas ni subo. Kahanga-hanga ang kanyang pagpipigil sa sarili. Bihira siyanglumagpas sa puhunang P100 maging sa poker o sa mahjong o sa karera o sa jai alai. Kung matalunan siya ng isang daan ay kagyat na tumitigil na, at kailanman ay hindi niya tinangka o pinagpilitan habulin, bawiin ang halagang natalo na. Talos niyang may mga araw na sadyang malas at ang pagpipilit ay lalo lamangikababaon. Ang pagkakabaon sa sugal ay isang kasawiang kalungkot-lungkot, at may matibay na panata si Manuel na ito'y huwag mangyari sa kanya kailan man. VII. Bukod pa sa rito, may palagay siyang kung ang sugal ay isang sakit ng kapisanan o ng isang bahagi ng kapisanan, ang sakit na kaipala'y hindi na malulunasan. Maaaring itulad sa pagbibili ng aliw na isang karamdamang matanda pa kaysa kasalukuyang sibilisasyon. Madalas niyang masabi na talagang mahirap sugpuinang sugal at nabanggit niyang pati ang tunika ni Hesukristo ay pinagsugalan ng mga Hudyong naghuhubad at lumapastangan sa kanya. Sa ganang kay Manuel, magiging tapat at hindi kabilanin ang pamahalaan kung pagkakalooban ng lisensiya ang mga bahaysugalan at club na ngayo'y pinagbabawal, at komisyon sa mga larong libangan, gaya ng sabong, jai alai, karera at sweepstakes. Sa gayong paraan maiiwasan ang suhulan at pagmamalabis at ang gobyerno nama'ymakakapagpairal ng iisang batayan lamang ng pakikitungo sa lahat

ng uri ng sugalan at sapalaran na di paris ngayong gumagamit siya ng tinatawag na double standard o sa lalong maliwanag na pamamaraang "sa pula, sa puti." VIII. Naglaro sa isipan ni Manuel ang mga tinurang isipin habang siya'y nagdudumali sa pag-uwi na lulan ng isang taksi. Subalit higit kaysa ibang paksa ng pagbubulay-bulay ay pabalikbalik sa gunita niya kung papaanong nanalo siya sa poker ng P700. Ang akala niya ay talo na naman siya gaya ng karaniwan. Wala na ang P85 sa P100 labas niya. Di niya inaasahang siya'y makababawi man lamang. Ngunit walang anu-ano'y kinasihan siya ng suwerteng pambihira, sa tatlo o apat na huling "deal". Sa isang karaniwang "senatorial" na sinalihan ng lahat ng anim na magkakaharap sa mesa ng poker, ang P15 niya ay naging P90. Sukat ba namang sa "senatorial" na sinalihan ng anim ay nanalo ang "trio de king" lamang hindi nagkaroon ng "flush" ni "straight". Ang sumunod na "deal" ay "locktail" at natodo na naman ang P90, ngunit dalawa lamang ang "call" at siya ay kumabig uli sa pamamagitan ng "full house". Ang ika-apat na baraha sa "obligado" ay "jack" at ang kasama ay isang "nueve" at isang "seis"; may hawak siyang dalawang "jack", samakatuwid pagdating ng "jack" ay mayroon na siyang "highest trio". Ang ika-limang baraha ay "duplicacion" ng "nueve" kaya siya ay nakayari ng tatlong "full de jack con nueve". Sa kabila ng "red cross" ay "colapso" at "trio de dos" lamang angpinakamataas. Kaya nasamsam niya ang buong "pot" na umaabot sa P300. IX. Ang pangatlong deal na naging "sensacional" ay "eight cards stud, choose your wild". Kinakanan niya ang dealer. Pagdating sa ika-limang karta ay "good" na ang dalawang alas na nakataob. Samantala sa kinakaliwa niya ay may isang alas na nakabilad din ang "dealer" ay isang pang alas na "bistado". Ang kinakanan ng "dealer" ay may "perde buen". Ang "pas de buwan" ay nagmanda ng P120 na kasinglaki ng "pot". Ang dealer ay matunong na nagsabi ng "good" ngunit si Manuel ang kanyang kinakaliwa ay kapwa "call". Sa ika-anim na baraha'y dinatnan ni Manuel ng isa pang siyete; kaya siya ay may "par" na ring "ala vista", bagamat mataas pa rin ang "par de buen" na dinatnan ng isang "king". Ang kanyang kinakaliwa ay tiyak na may "royal" pagkat ang alas na espada ay natambalan ng isang "jack" at "diez" na espada rin. Ang "par de queen" ay tumaya ng P180 na parang tinapatan ang nalalabing kuwalta niya sa harap at kahit alanganin at alam niyang malamang ang kanyang katalunan kaysa kapanalunan, ay waring nagpanting ang kanyang tainga at itinulak na rin ang P180 sa kanyang harapan. "Call" ang mataginting na sagot ni Manuel. Ang "royal" sa kaliwa ay sali na rin, pagkat talagang "muerta natural." Ang ika-pitong baraha niya ay isang "cinco" kaya hindi nagkaroon ng anumang "improvement."

X. Tago ang huling baraha "ang babala ng dealer" at idinulot sa kanya ang pangwalong baraha. Halos wala na siyang pag-asa. Gayunman, hindi maikubli angpanginginig ng kanyang mga daliri na dinampot ang huling "karta", ipinailalim sa tatlong hawak niya, saka marahan at buong pananabik na pinintahan. Anonglaking suwerte! Ang dumating ay isang siyete, ang kahuli-hulihang siyete, kaya siya'y nakayari: "Quinto de aces" o limang alas na siyang pinakamataas na "karta" sa "choose your wild", ang "par de queen" ay nakayaring "quinto de queen" at ang kinakaliwa niya ay "royal" nga. XI. "Your money" at halos panabay na saad ang dalawang kalaban nang makitang inilahad ni Manuel ang dalawang alas at tatlong siyete. At nakatawa niyang kinabigang lahat ng kuwalta. Nang bilangin niya ang inabot ng kanyang P15 ay kulang kulang na P1,000 pagkaraan ng tatlong "deal" lamang. Tinawag niya ang "waiter" at nagpakuha ng isang kahong "koronas" na alhambra at isang dosenang botelya ng serbesa; pinatakbo't pinainom pati ng mga miron na parapara nilang mga kaibigan. XII. Isa pang round at nagka-ayawan na pagka 11:00 na halos ng gabi. Namahagi si Manuel ng kaunting balato at ang natirang malinis niyang pinanalunan ay P700 na kanyang ibinukod habang matuling tumatakbo ang taksi na patungo sa kanyang inuuwian. Pagtigil ng taksi sa tapat ng kanilang bahay ay si Naty na rin ang nagbukas ng pinto kay Manuel; wala ang dating ngiti at giliw ng mukha; sa halip ay nakamungot atnanlilisik ang mga mata. XIII. "Ano, hinatinggabi ka na naman sa sugalan!" ang padarag na bati sa kanya. Magsasalita sana si Manuel at magpapaliwanag, isasalaysay sana niya ang nangyari, datapwat hindi siya binigyan ng daan ng asawa. "Pihong natalo ka na naman, nalimas na naman ang iyong salapi," ang patuloy ni Naty. "Halika," at siya'y mahigpit na hinawakan sa isang kamay, pahilang inakayhanggang sa kabahayan sa itaas at halos pakalakad na ipinasok sa kanilang silid dalanginan. "Nakikita mo ba ang mga santong iyan?" ang tanong ni Naty at itinuro kay Manuel ang imahen ng Sagrado Corazon de Jesus, ang Nazareno at ang Mahal na Birhen na nakapaloob sa tig-isang sisidlang kristal na naiilawan ng tig-isang kandila. Ang tatlong santo ay tahimik na pinagmalas ni Manuel.

"Hindi ka maaaring manalo sa sugal," ang wari'y hatol na sinabi sa kanya ni Naty. "Imposible! sa sandaling maiisip kong nagsusugal ka ay dagli akong lumuluhod sa harap ng tatlong poong iyan at idinadalangin kong kahimanawari'y matalo ka." Ipinagdiinan pa mandin ng babaing nagagalit ang mga katagang "idinadalangin kong kahimanawari'y matalo ka" at sinundan ng irap si Manuel na parang sinabing "nakita mo na" XIV. Hindi humuma si Manuel, ngunit marahang idinukot ang kanyang kanang kamay sa bulsa ng kanyang pantalon at sinalat at hinaplos ang bilot ng mga papel de bangkong ang P700 na kanyang napanalunan. At sa malamlam na liwanag ng mga kandila sa silid ng kaunting matuptop ni Naty ang isang makahulugang ngitingnamulas sa kanyang mga labi. Natiyak ni Manuel sa kanyang sarili na mapaghimala man ang tatlong santo ay lalong mabisa at makapangyarihan kaysa kanila ang limang alas sa ibabaw ng mesa ng poker. XV. Kinabukasan, ng mabuti-buti na ang ulo ni Naty ay inabot ni Manuel sa kanya ang P700 at sinabing nasingil niya ang bahagi ng kanyang suweldong hindi nabayaran. Hindi ipinagtapat ni Manuel na yao'y panalunan sa poker pagkat ayaw niyang mapahiya ang tatlong santo sa kanyang asawa.

Ang Pabula ng Kabayo at ng Kalabaw


Isang magsasaka ang nais manirahan sa ibang bayan kaya isang araw ay inipon niya ang kanyang mga gamit at inilulan sa kanyang alagang kabayo at kalabaw. Maaga pa ay sinimulan na nila ang mahabang paglalakbay. Makaraan ang ilang oras ay nakaramdam ng matinding pagod at panghihina ang kalabaw dahil sa bigat ng kanyang pasang gamit. "Kaibigang kabayo, di hamak na mas mabigat ang pasan kong gamit keysa sa iyo. Maaari bang tulungan mo ako at pasanin mo yung iba?" pakiusap ng kalabaw. "Aba, yan ang ipinataw sa iyong balikat ng ating amo kaya pagtiisan mo," anang kabayo na lalo pang binilisan ang paglalakad. "Parang awa mo na tulungan mo ako. Di ko na kakayanin ang bigat ng dala ko. Nanghihina ako. Alam mo namang kailangan kong magpalamig sa ilog kapag ganito katindi ang init ng araw dahil madaling mag-init ang katawan ko," pakiusap pa rin ng kalabaw. "Bahala ka sa buhay mo," naiinis na sagot ng kabayo. Makaraan pa ang isang oras at lalung tumindi ang init ng araw. Hindi nagtagal at ang kalabaw ay iginupo ng bigat ng kanyang dala at siya ay pumanaw. Nang makita ng magsasaka ang nagyari ay kinuha niya ang lahat ng gamit na pasan ng kalabaw at inilipat sa kabayo na bahagya namang makalakad dahil sa naging napakabigat ng kanyang mga dalahin. "Kung tinulungan ko sana si kasamang kalabaw ay hindi naging ganito kabigat ang pasan ko ngayon," may pagsisising bulong ng kabayo sa kanyang sarili. Mga aral ng pabula: Ang suliranin ng kapwa ay maaaring maging suliranin mo rin kung hindi mo siya tutulungan. Ang makasariling pag-uugali ay may katapat na kaparusahan. Ang mga pasanin natin sa buhay ay gagaan kung tayo ay magtutulungan.

Anda mungkin juga menyukai